Andi Eigenmann’s friends victimized by pickpockets at premiere of her own film

Ilang mga kaibigan ni Andi Eigenmann ang naging biktima ng pandurukot nang manood ang mga ito ng premiere ng pelikula ng aktres, ang ABNKKBSNPLAko?!, kagabi, February 18, sa SM Megamall.


Dismayado ang aktres na si Andi Eigenmann dahil sa pandurukot na nangyari sa ilan niyang mga kaibigan sa mismong premiere ng pelikula ng aktres na ABNKKBSNPLAko?!.

Sa dalawang sinehan ginawa ang premiere kagabi, February 18.

Una sa Gateway Cinema sa Cubao, Quezon City. Pagkatapos nito ay dumiretso ang cast sa SM Megamall, Mandaluyong City.

Nangyari ang insidente ng pandurukot sa mga kaibigan ni Andi sa SM Megamall.

Halos isang oras pagkatapos ng premiere ay sunud-sunod ang tweets ni Andi tungkol sa nangyaring pandurukot:

“Ilan sa mga kaibigan ko nanakawan kanina sa sine pagkanood ng premiere night. Pasalamat na lang at hindi sila nasaktan. Pero hindi ibig sabihin dapat nang makalampas ang mga taong ito, na napakamakasarili.

“Ang mga inimbitahan namin ay ang mga taong sumusuporta at nagmamahal sa amin. Para makisama sa pag celebrate ng isang bagay na mahalaga para sa lahat ng bumubuo ng pelikula. Ang dami palang mga taong napakamakasarili. Mga walang modo.”

Bago ang premiere night, masaya pa si Andi kasama ang ibang cast ng pelikula—sina Jericho Rosales, Vandolph, at Meg Imperial.

Dumalo rin sa premiere ang child stars na gumanap sa mga karakter nila bilang bata, ang gumanap na teacher nilang si Giselle Sanchez, at ang direktor ng pelikula na si Mark Meily.

Masaya ang lahat dahil nabigyan ng Cinema Evaluation Board (CEB) ng pinakamataas na marka, Grade A, ang ABNKKBSNPLAko?! na hango sa libro ni Bob Ong.

Ngunit nahaluan ng lungkot ang kasiyahan ni Andi dahil nga sa nangyaring pandurokot ng ilang mapagsamantalang tao sa mga kaibigan niya.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ganitong klaseng insidente, partikular na sa SM Megamall na kadalasang venue ng mga premiere night.

Sinasamantala ng mga mandurukot ang dami ng tao, at doon sila nakikipagsiksikan upang hindi mahalata ang ginagawa nilang pandurukot.

Bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa panig ng pamunuan ng SM Megamall kaugnay ng insidenteng ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN