Vice Ganda admits “tampuhan” with Karylle; offended by comment of her fiancé Yael Yuzon

Inamin ni Vice Ganda na isa sa dahilan ng tampuhan nila ni Karylle ay ang naging pahayag ng fiancé ng singer-actress na si Yael Yuzon. Saad ni Vice, "Parang nahe-hurt siya [Yael] at hindi niya matanggap, na sa dinami-rami ng puwedeng i-pair up sa girlfriend niya, bakit bakla pa. ’Tapos, sobra na raw siyang pissed off na sobrang sasabog na at anytime ay susugod na sa studio."


Kapansin-pansin ang hindi masyadong pagkikibuan nina Vice Ganda at Karylle nitong mga huling episodes ng noontime show ng ABS-CBN na It’s Showtime.

Kaya naman hindi naiwasang matanong si Vice tungkol dito sa thanksgiving dinner na inihanda ng comedian-TV host para sa mga miyembro ng entertainment media kagabi, February 19.

Noong una, nag-aalangan si Vice na ikuwento ang dahilan kung bakit sila nagkakatampuhan ni Karylle. Tiniyak lamang niya na okay sila ng co-host niya sa It’s Showtime.

Pero nang muli siyang tanungin tungkol dito, sinabi niyang mas mabuting sa kanya na mismo manggaling kaysa sa iba.

“Hindi ako nagsisinungaling.

“Paano ba? Mapapagalitan na naman ako ng management.

"Deadma na, aalis naman ako," nakangiting sabi ni Vice habang hinahanap ang kanyang handler sa venue.

Pagkatapos ay sinimulan na niya ang kuwento ng unang dahilan ng tampuhan nila ni Karylle.



VICTORY PARTY. Lahad ni Vice, “Noong nagsimula itong tampuhang ito, sobrang minor lang nang magsimula siya.

“Parang victory party ng Girl Boy Bakla Tomboy, lahat ng taong malalapit sa akin, nandoon, in-invite ko."

Ang Girl Boy Bakla Tomboy ang pelikula ni Vice na naging entry sa 2013 Metro Manila Film Festival.

"Si K, di siya nakapunta.

“Mayroon kasi kaming group chat. Kaming mag-co-hosts sa Showtime, mayroon kaming group chat.

"Chinat sila nina Vhong [Navarro] at Anne [Curtis], ‘Nasaan ka na?’

“Ang sabi niya, unang sinabi niyang dahilan, ‘Hindi ako invited.’

“Hindi raw siya nagpunta kasi hindi raw siya invited.

“‘Tapos, sabi nina Vhong at Anne, ‘Paanong hindi ka invited, e, lahat tayo invited, sabay-sabay tayong in-invite?

“’At saka bakit ka naman hindi invited? Invited ang lahat, nandoon ka noong in-invite tayo.

“‘Halika na, huwag ka nang KJ,’ sabi pa ni Anne.

“‘Tapos sabi niya, ‘Wala kasi akong driver.’

“‘Yon ang sumunod niyang dahilan, ‘Wala akong driver, wala akong ride.’

“‘Tapos sabi nina Vhong, ‘Ikaw ang pinakamalapit dito. Kung gusto mo, sunduin ka na lang.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"‘Tapos, ang sumunod na dahilan niya, ‘Tinatamad kasi ako.’"

Ikinasama raw ng loob ni Vice ang naging huling dahilan ni Karylle para hindi makapunta sa victory party ng pelikula niya.

“Na-offend ako bilang malapit ko siyang kaibigan.

“Sabi ko, kung hindi ko malapit na kaibigan si K, hindi ako mao-offend.

“Hindi naman lahat nakapunta. Pero dahil sobrang friend ko ito at malapit sa akin, nagtampo ako nang kaunti.

"Parang kung hindi na lang niya sinabi siguro kung ano ang dahilan, baka deadma na lang ako.

“Pero yung friend ko na sabihan ako [nang ganun] doon sa araw na napakahalaga sa ’yo, malulungkot ka talaga.

"Nalungkot ako talaga."

Dagdag pa ni Vice, “Sabi ko kay Anne, ‘Bakit ganun? Alam naman niyong mahalaga sa akin ito.

“’Itong Girl Boy Bakla Tomboy, na-stress ako rito, parang pinaghirapan ko.

“’Ngayong nakuha ko na ang tagumpay, parang masaya ako, gusto kong i-share sa inyong lahat.

“’Kaya dapat nandidito siya, lalo na siya, kasi kasama siya dito sa movie.’”

Dahil dito, ayon kay Vice, ipinaramdam niya kay Karylle ang pagtatampo sa pamamagitan ng hindi pagpansin sa singer-actress.

“Sobrang normal lang na pagpapakita ng tampo.”

Hindi naman daw nagtagal ang hindi niya pagpansin kay Karylle.

Nang mangyari ang pambubugbog kay Vhong, nagdesisyon daw si Vice na kalimutan na ang tampo niya kay Karylle.

“Dahil nangyari yung Vhong Navarro, sabi ko, ‘Okay, dahil may issue sa Showtime, I have to lead the group. I had to lead the group, I have to stand.

"’Dedma na muna ako sa personal kong arte. Yung tampo-tampo ko, deadma na muna ako. Magtrabaho na muna tayo.’

"So, okay na kami ulit.

“’Tapos, hanggang sa may nakarating na naman sa akin na sobra akong nasaktan.”



OFFENSIVE COMMENT. Sa pagpapatuloy ng kuwento ni Vice, inilahad niya ang ikalawang dahilan ng pagtatampo niya kay Karylle.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Okay na kami nito, ha, isang beses, nag-absent si K.

"Nakita siya ni Direk Bobet [Vidanes] somewhere, hindi ko na alam kung saan.

“Ang sabi sa kanya ni Direk Bobet, ‘O, ano’ng ginagawa mo rito? Akala ko may sakit ka? Ini-echos mo naman pala ako.’

“Kinausap siya ni K.

"Noong nag-usap sila, sabi ni [Karylle kay] Direk Bobet, ’Umiiwas kasi ako. Umiiwas ako dahil sobrang nao-offend na si Yael [Yuzon].’

Si Yael ang vocalist ng bandang Spongecola at mapapangasawa ni Karylle sa March.

Pagpapatuloy na kuwento ni Vice, "Parang nahe-hurt siya [Yael] at hindi niya matanggap, na sa dinami-rami ng puwedeng i-pair up sa girlfriend niya, bakit bakla pa.

“’Tapos, sobra na raw siyang pissed off na sobrang sasabog na at anytime ay susugod na sa studio.

“Sabi ni Direk Bobet, ‘Sige, subukan niyang sumugod sa studio!’

“At saka, hindi naman sa pag-aano, sabi ni Direk Bobet sa kanya, ‘Dapat nga, mag-thank you pa kayo kay Vice dahil nagwo-work sa inyo pareho ang loveteam-loveteam, nakakapagpakilig kayo ng tao, nakakapagpasaya. ‘Tapos ganun yung dating sa kanya [Yael].’”

Nang makarating ang kuwentong ito kay Vice, pag-amin niya, “Sobra akong nalungkot.

"Sabi ko, ‘Ano ang offensive sa pagiging bakla ko?’

“Kumbaga, mayroon tayong ‘I Am Pogay,’ mayroon tayong ‘That’s My Tomboy.’

“Mayroon tayong mga ganitong segments kasi ine-empower natin itong mga minority.

“Binibigyan natin sila ng acknowledgement, binibigyan natin sila ng empowerment.

“‘Tapos ganun ang tingin mo sa akin, dahil ang loveteam mo ay bakla?

"Sobra akong na-offend.

“Nalungkot ako talaga kaya hindi ko siya pinapansin.”

Subalit ang pag-iwas ni Vice kay Karylle ay hindi lamang daw dahil sa pagtatampo.

Katuwiran niya, “Kung ganun pala, sige, iiwas ako, hindi ako didikit sa kanya dahil baka bugbugin pa ako ng dyowa niya.

“Para wala na lang isyu, sabi ko, iiwas na lang ako.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



KARYLLE’S DENIAL. Sinubukan naman daw ni Vice na kumprontahin si Karylle tungkol sa panibagong kuwento na nakarating sa kanya.

Pero itinanggi raw ito ni Karylle.

Pag-alala ni Vice, “Ipinaalam ko kay K na ganito ang nakarating sa akin.

“’Tapos, sabi niya, hindi raw totoo. Wala raw siyang sinasabing ganun.

“Sabi ko, ’Kung wala kang sinasabi, hindi na tayo ang may issue, kayo na ni Direk Bobet. Mag-usap kayong dalawa ni Direk Bobet.’

“Nag-usap silang dalawa ni Direk Bobet.

“‘Tapos si Direk Bobet, sabi niya, ‘Ano ako para sirain yung grupo ko, pag-awayin kayo?’

“Sabi ni Direk Bobet, ‘Kung anuman ang dahilan mo at binabago mo ang istorya, nasa sa ’yo na ‘yon.

“’Naiintindihan kita kung gusto mong pangalagaan yung boyfriend mo. Pero iyan yung sinabi mo sa akin.’”



NOT FOR VICE. Sa mga sumunod na pahayag ni Vice, muli niyang sinabi ang sama niya ng loob sa umano’y naging komento ng fiancé ni Karylle na si Yael.

Nabanggit pa niya na kung siya ang tatanungin, hindi rin naman siya pabor sa pagla-loveteam sa kanila ni Karylle.

Saad ni Vice, “Nao-offend ako, nagdamdam ako.

“Unang-una, hindi ko naman gusto yung may pakana ng loveteam.

“Hello, baklang-bakla nga ako! Bakit ako makikipag-loveteam sa babae?

“Kumbaga, hindi naman sa pagmamayabang…

"Ayaw kong sabihin, pero let’s face it, let’s be realistic, mas makakatulong ‘yon sa kanya [Karylle] kaysa sa akin.

“Huwag niyo naman sana masamain ang sinabi ko.

"Pero hindi ko naman talaga kailangan ng loveteam dahil hindi rin naman ako teen star at hindi rin naman ako heartthrob.

“Komedyante ako, ang mga pelikula ko ay patawa.

"Hindi ko kailangang manloko ng mga tao na sweet-sweet-an kami nito.”

Sinabi rin ni Vice na kinumbinsi lang siya ng staff ng It’s Showtime dahil para raw kay Karylle ang pagla-loveteam sa kanila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kuwento ng comedian, “Sinasabi ko na sa kanila na ayaw ko ng loveteam, kasi baka sabihin ng tao nanloloko tayo rito.

“Pero dahil nag-e-enjoy ang mga tao at sinabi ng staff, ‘Sige na, for Karylle,’ ginawa ko.

"So, for Karylle.

“’Tapos, sasabihin niya na sa dinami-rami ng puwedeng i-loveteam, bakla pa?

“Nakaka-offend, nalungkot ako.”



SORRY FROM KARYLLE. Kasunod ng mga pangyayari, humingi naman daw ng tawad si Karylle kay Vice.

Sa katunayan, nagbigay raw si Karylle ng bulaklak at isang letter kay Vice kahapon.

“Aminado naman siya. Nagpadala na siya ng flowers, nagpadala na siya ng letter.

“Sabi ko, okay na. Pero huwag na nating pilitin.

"Let’s just all be real, huwag tayong mameke ng ibang tao.

“Nag-sorry naman siya.”

Sa ngayon, nakakausap na raw ni Vice si Karylle.

Gayunman, sabi ni Vice, “Ayaw kong tsumika na okay na okay kami kasi sobrang peke nun.

“Sabi ko nga sa kanila, let’s just work hard.

“I will do my job. Deadma na ako sa loveteam na ‘yan.

“Si K din, do your job.

"Hindi lang naman ako ang katrabaho mo rito, may Anne, may Vhong, may Billy.

“Ang dami pang puwedeng bumanter diyan para maging okay pa.

“Huwag ka sa akin sumentro.

"Kasi, kahit ako, hindi lang naman siya ang katrabaho ko.

“Puwede tayong magtrabaho nang maayos at maging effective pa rin tayo.

“We can still be friends, pero deadma na ako sa loveteam.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN