Marian Rivera on her detractors: "Kung puro negative ang makikita mo sa ibang tao, kawawa ka naman."

Marian Rivera on her detractors: "Ipinagdarasal ko na sana, magamit nila ang treatment na power of healing para lahat ng tao ay maging mabait at magkasundo-sundo, ‘di ba? Kasi, kung puro negative ang makikita mo sa ibang tao, kawawa ka naman. Bakit hindi na lang tingnan ang magagandang nangyayari sa isang tao para maging positive at mas maganda ka pa?"


Hanggang ngayon ay may mga sumusulpot pa ring intriga tungkol diumano sa pagmamaldita o pagtataray ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.

Ayon pa sa reports, ang pinag-ugatan ng mga ganitong klaseng balita tungkol kay Marian ay mismong talent o empleyado ng Kapuso network.

Ano ang reaksiyon dito ni Marian?

Sagot ng aktres sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Siyempre, sarili mong bakuran, may sinasabing hindi maganda sa ‘yo… may mga ganoon siguro talagang tao, ‘di ba?

“Hindi naman lahat ng tao mapi-please natin.

“Basta malinaw sa akin, ang trabaho ay trabaho.

“Ang personal kong buhay e hawak ko yun.”

Naaapektuhan pa rin ba siya, lalo na kung paulit-ulit ang isyung ibinabato sa kanya?

Sagot ni Marian, “E, yun na nga, paulit-ulit, hindi sila nagsasawa.

“Yun nga ang sinasabi ko, ang trabaho ay trabaho.

“Anuman ang gawin nilang kakapintas sa akin, kakaano sa akin, lahat ng ‘yan ay trabaho, hindi ‘yan totoong buhay.

“As long as happy ako, may trabaho ako, mahal ko ang mga katrabaho ko, ang personal life ko ay masaya…

“Masaya ako sa personal na buhay ko, sa mama ko, papa ko, at sa lola ko, especially sa lovelife ko.

“Okay naman, balanced naman lahat.

“At ang importante, yung personal kong buhay at may trabaho ako.”

Kapansin-pansin na kadalasang sumusulpot ang mga negatibong balita tungkol sa kanya kapag may bago siyang teleserye.

Posible bang ang dahilan ng mga ganitong balita tungkol sa kanya ay inggit?

Ani Marian, “Ayoko namang sabihing inggit, pero ipinagdarasal ko na sana, magamit nila ang treatment na power of healing para lahat ng tao ay maging mabait at magkasundo-sundo, ‘di ba?

“Kasi, kung puro negative ang makikita mo sa ibang tao, kawawa ka naman.

“Bakit hindi na lang tingnan ang magagandang nangyayari sa isang tao para maging positive at mas maganda ka pa?”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi na siya naapektuhan kapag may mga negatibong intriga?

Sagot ni Marian, “Hindi, lalo na kung hindi naman totoo.

“At saka, para saan pa? Pitong taon na rin ako sa showbiz na ito.

“Yun nga ang sinasabi ko na ang trabaho ay trabaho, iba sa personal kong buhay.

“At masasabi kong ang mahalaga sa akin ay personal kong buhay.

“At lahat ng aspeto ay masaya talaga ako at masasabi kong buung-buo ako.”



CARMELA. Ilang linggo nang umeere ang primetime series ni Marian sa GMA, ang Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw.

Ayon sa Kapuso Primetime Queen, masaya siya at ang produksiyon dahil sa magagandang feedback na natatanggap ng kanilang programa.

Sabi niya, “Masaya habang nagtatagal, nakakatuwa, dahil mainit ang pagtanggap ng mga tao.

“Unexpected din kasi alam natin na bago si Alden [Richards] at mas bata siya sa akin, pero still, tinanggap ng mga tao ang love story nina Carmela at Yago.

“At saka, importante rin na mismong sa taping, ang saya namin sa set.

“Si Dominic Zapata [director], ‘tapos si Tito Roi [Vinzon] e nakikigulo rin sa amin, si Ate Agot [Isidro]… ang saya lang sa taping.

“Tingin ko, yun ang isa sa maipagmamalaki ko sa set namin.”



MARICEL SORIANO. Inusisa rin ng PEP ang pagiging leading lady ng Diamond Star na si Maricel Soriano sa boyfriend ni Marian na si Dingdong Dantes sa upcoming primetime series ng GMA.

Nakangiting sabi ni Marian tungkol dito, “Oo nga, nagkita kami at sabi niya, ‘Makakatrabaho ko ang love mo.’

“Sabi ko, ‘Oo nga.’

“’Tapos sabi niya, ‘Dapat next time, tayong tatlo na.’

“Sabi ko, ‘Next time.’

“At saka, matagal ko nang nakatrabaho ‘yan, napakabait niya sa akin. Okay siya.”

Nagkasama sina Marian at Maricel sa pelikulang Bahay Kubo noong 2007.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN