Benjie Paras defends sons Andre and Kobe against criticisms

Benjie Paras is stung by criticisms that his English-speaking sons Andre and Kobe do not use "po" when talking to elders: "Sobrang galang ng mga batang ’yan. Ipaglalaban ko ’yan."


Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagkakausap ang komedyanteng si Benjie Paras at ang ex-wife nitong si Jackie Forster.

Maging ang dalawang anak nilang sina Andre at Kobe ay ayaw pa ring kausapin ang kanilang ina.

Ngunit paglilinaw ni Benjie, "Sa akin kasi, it’s between her and the kids. Walang problema sa akin kung gusto nilang mag-usap."

Ayon pa sa kanya, sinasabihan niya ang mga anak na makipag-usap na sa kanilang ina.

"Huwag nilang isasara ang pinto dahil kahit ano’ng mangyari, nanay ninyo ’yan.

"Every day, kapag may lumalabas na issue, sinasabihan ko sila."

Kamakailan ay pumutok ang intriga na ang humahadlang diumano upang magkausap si Jackie at ang dalawa nilang anak ni Benjie ay ang misis ngayon ng komedyante na si Lyxen Diomampo.

Ngunit ayon kay Benjie, "Siyempre you cannot please everyone, hindi naman nila alam yung totoong nangyari sa loob ng bahay namin."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Benjie sa press conference ng finale week ng ABS-CBN primetime series na Got To Believe, noong Martes, February 25.



ENGLISH-SPEAKING. May pumuna naman sa pagiging Inglesero ng mga anak ni Benjie, gayong hindi naman palasalita ng English ang dating PBA player.

Paliwanag ni Benjie, "Actually, nung maliliit sila, sinanay ko na, kami ni Jackie.

"E, nawala kami [ni Jackie] four o five years old si Andre, kaya itinuluy-tuloy ko na.

"’Tapos sa mga barkada nung bata, sa neighborhood.

"Pero actually, nasa sa kanila rin, e.

"Yung lugar naman namin, hindi naman lahat ganoon, e."

Marunong din bang gumamit ng "po" at "opo" ang mga anak niya kapag kinakausap?

"Oo, yun ang una kong itinuro sa kanila," sagot ni Benjie.

Ngunit ayon sa ilang write-ups ay hindi raw nagpo-po ang mga anak niya?

"Baligtad naman yun, gusto mo ipakita ko yung text nila sa akin," pagtanggi ni Benjie, sabay labas ng kanyang cellphone.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"O, ayan, ’Will I send it to her po? What’s the topic for the video po? Can you call po? Will eat dinner first here po. Balik ako ng 10 p.m. po.’

"Sobrang galang ng mga batang ’yan."

Diin pa ni Benjie, gumagamit din ng "po" at "opo" ang mga anak kapag ibang tao ang kausap.

"Ipaglalaban ko ’yan."



SNOB. Minsan naman ay nasasabihan ng mga reporter na suplado ang mga anak niya.

Sabi naman ni Benjie, "Hindi nila kilala, e.

"So, pagpasensiyahan ninyo na, ganoon din naman tayo sa umpisa.

"Sinasabihan ko rin ang mga anak ko, pero ang kinakausap ko, yung mga handler.

"Dapat ituro nila doon sa mga bata kung sino ang mga yun, ipapakilala.

"Hindi yung lalampasan, ’Ay, suplado nito!’

"Yung mga ganyang reporter na ’yan, naku, aray ko po!" pabaklang salita ni Benjie.

ADVICE TO SONS. Okay na ba sa kanya na magtuluy-tuloy na sa showbiz ang mga anak niya, lalo ngayong may pelikula na si Andre?

Sabi ni Benjie, "Si Andre, oo, kasi college na yun.

"Pero si Kobe, high school pa lang siya, mahihirapan siya alam ko.

"So, sabi ko, ’Concentrate ka muna sa basketball. Kapag college ka na at nag-decide ka na bumalik dito, saka na natin pag-usapan yun.’"

Pinapaalalahanan ba niya ang mga anak na huwag munang makipagrelasyon?

"Hindi, nasa sa kanila naman yun, nasa right age na sila. They’re 18 and 16.

"Ang sabi ko lang, siguraduhin niyo lang na walang conflict sa ginagawa nila.

"Kung may conflict, dapat naiintindihan nung partner nila.

"Kung hindi, medyo hindi na maganda ’yan."

At ang pinakamahigpit niya raw paalala sa mga anak ay huwag na huwag itong makabuntis.

"Huwag, huwag muna dahil mas maganda yung kasal muna sila.

"Alam naman nila, kaya lang, mga lalaki ’yan, hindi natin alam.

"Tayo namang mga magulang, as much as possible, pangaral, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero siyempre, kapag may nangyari, nandiyan pa rin tayo para sa kanila."

Wala pa naman daw mga girlfriend sina Andre at Kobe.

"At kapag lovelife ang problema, sabi ni Benjie, "Mas malapit sila doon sa wife ko, doon sila nagsasabi.

"Kasi ako, malakas akong mang-asar, e.

"Kung ano yung nakikita ninyo sa akin, ganoon din ako sa kanila."

Namana ba naman ng mga anak niya ang kanyang sense of humor?

"Oo, marunong. Marunong magpatawa ang mga ’yan," pagmamalaki ni Benjie.



CAREER GUIDANCE. Na-foresee ba niyang magkakaroon siya ng mga guwapong anak at sisikat din?

Ani Benjie, "Hindi ko nga… guwapo alam ko na sa umpisa pa lang, noon pa man.

"Pero yung gumaling sa sports, sila lang yung natututo sa sarili nila.

"Hindi ko naman in-introduce ang basketball sa kanila, hindi ko alam na magiging ganito, and I’m very proud.

"Pero si Andre, gusto niya ang pagiging artista ko noon pa, gusto niya lahat gawin.

"Nakikita niya na puwede siyang mag-improve sa basketball and nakikita ko sa kanya, magaling siyang magsalita.

"Kaya ayun, nakuha siyang VJ sa MTV and then naghu-host siya.

"Sabi ko sa kanya, ’I-improve mo lang ’yan, baka mas okey ka diyan. Yung pag-aarte, pag-aartista, ipangalawa mo na lang.’

"Kasi mahirap ang pag-aartista, total acceptance ang mga tao ’yan, e.

"Basta sabi ko sa kanya, i-priority niya ang hosting, ’Marami kang raket sigurado diyan.’"

First year student sa University of the Philippines si Andre, at Film ang kursong kinukuha nito.



BASKETBALL. Parang kailan lang nang magkasabay itanghal si Benjie bilang Rookie of the Year at Most Valuable Player sa Philippine Basketball Association noong 1989.

Hanggang ngayon ay wala pang naka-duplicate ng record niya.

Saad niya, "Yung sa akin naman, right place at the right time.

"Timing talaga, naniniwala ako doon, anyone can do it."

Sa hanay ng mga dating sikat na PBA players, sila nina Alvin Teng at Bong Ravena ang may mga anak na sumunod sa yapak nila at sumikat.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Alvin ang ama ng magkapatid na sina Jeric at Jeron Teng, habang si Bong naman ang ama ni Kiefer Ravena.

Nagkaroon ba ng chance na magkasama-sama ulit sila nina Alvin at Bong pati ang mga anak nila?

"Actually, kapag nagkikita kami sa game nina Alvin Teng, Bong Ravena, yung mga anak namin, naglalaro.

"Kami-kami na rin ang nakikita, e.

"Nakakatuwa, sabi nga namin, ’Dati-dati tayo ’yan, a! So, ngayon, ano na lang tayo, miron!’"

THANKFUL TO ABS-CBN. Wala pa raw nakahandang susunod na show si Benjie sa ABS-CBN pagkatapos ng primetime teleserye nilang Got To Believe, na hanggang March 7 na lang.

"Mag-uusap muna kami ni ’Nay Lolit [Solis, his manager]. Hindi ko pa alam kung ano ang gagawin."

Tungkol naman sa patapos ng teleserye, thankful daw si Benjie sa ABS-CBN, pati na rin sa mga writers into, na inilagay siya sa main cast.

Pakli niya, "Kumbaga, andun pa rin naman yung comedy, pero isinalang yung drama."

At dahil daw sa pagiging sikat ng show, sabi ni Benjie, "Damay-damay na kayong lahat, lahat nakilala."

Nakilala rin si Benjie sa tawag na "Papa Bear" sa labas at maski sa loob ng kanyang tahanan.

"Pati yung mga anak kong maliit [Riley and Sam], ang tawag sa akin, Papa Bear na."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN