Cristine Reyes on being friends with her exes: “Ayokong balewalain yung pinagsamahan namin.”

Cristine Reyes explains why she values her friendships with ex-boyfriends: “Kasi ang ugali ko naman...para sa akin lang ito, ako, nagsasalita ako for myself. Ayokong balewalain yung pinagsamahan namin. Ang hirap lang kasi parang hindi matanggap ng tao na puwedeng maging friend ang ex mo.”


Hindi na raw nagulat si Cristine Reyes nang lumabas ang isyung nagkabalikan sila ng ex-boyfriend niyang si Rayver Cruz.

Marami raw ang nagsapantaha nito dahil madalas silang makitang magkasama; at may ilang pictures din sila sa Instagram na magkasama.

Nauna rito ay lumabas din ang magkahiwalay na balitang diumano’y nagkakamabutihan ulit sila ng iba pa niyang ex-boyfriends na sina Derek Ramsay at Dennis Trillo.

Sabi ni Cristine, “Hindi na naman ako nagugulat doon kasi every time naman na makikita nila ako with Rayver, with Derek, with Dennis, lagi na lang sasabihin na nagbalikan.

“Pero sanay na ako. And malalaman n’yo naman kung totoong nagbalikan kasi sa social media pa lang naman, ’di ba?”

Very active kasi si Cristine sa social media tulad ng Twitter at Instagram at hindi niya rin itinatago sa mga tao ang tungkol sa kanyang lovelife.

Pero sa tingin niya, bakit kaya sunud-sunod ang balitang lumabas na nakipagbalikan siya sa alinman sa kanyang ex-boyfriends?

Sagot niya, “Siguro kasi madalas akong makita with my ano…with my exes.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Cristine sa presscon na inihanda ng ABS-CBN at Dreamscape Entertainment Television para sa kanila nina Paulo Avelino at Raikko Matteo kaugnay ng nalalapit na pagtatapos ng teleserye nilang Honesto sa Marso 14.

Ginanap ang presscon kahapon, Pebrero 28, sa 9501 restaurant sa loob ng ABS-CBN compound.

BEFRIENDING HER EX-BOYFRIENDS. Noon pa man, aminado si Cristine na kinakaibigan niya talaga ang mga ex-boyfriends sa kabila ng paghihiwalay nila.

Paliwanag ng aktres, “Kasi ang ugali ko naman...para sa akin lang ito, ako, nagsasalita ako for myself. Ayokong balewalain yung pinagsamahan namin ng ilang taon.

"Ang hirap lang kasi, parang hindi matanggap ng tao na puwedeng maging friend ang ex mo.”

Pero siya ba yung tipo na puwede talagang makipagbalikan sa ex niya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Puwede po, puwede po talaga. Pero not right now,” dagdag pa niya.

Sino sa mga ex niya ang pinakamatimbang sa puso niya ngayon?

“Para sa akin, hindi maganda kung sasagutin ko yun dahil baka ma-offend sila. So, mas maganda kung sa akin na lang yun,” giit niya.

Pero sino ang pinaka-close sa kanya sa ngayon?

“Iba-iba kasi yung stage ng closeness. Si Rayver, mas more on closeness na companionship.

“Si Derek naman, ang closeness namin mas more on sa life, advices, ganyan. Si Dennis naman, ang closeness ko sa kanya, yung family niya, e.

“Pero kay Rayver, close din ako sa family niya. Pero yung kay Dennis kasi, talagang kahit anong daming dumaan sa amin, talagang nandiyan pa rin sila to support me,” detalye niyang kuwento.

Sa mga ex niya, sino ang madalas na makasama niya?

“Si Rayver, kasi kapitbahay ko si Rayver, e. Si Derek naman, malapit din, Sucat [Parañaque] lang.

“Pero ano din yun, busy siya sa TV5, e. Last ko siya nakasama sa wedding.

“Sabay kami pumunta sa wedding ng anak ni Tita June Rufino ’tapos sabay kami umuwi,” sabi pa niya.

Wala bang nagpaparamdam sa kanya ngayon sa mga ex niya?

Mabilis niyang pagtanggi, “I don’t think so. I don’t think may nagpaparamdam.

“Kung meron man siguro, merong sweetness pero alam naman namin na hindi pa…huwag ipilit kung hindi pa, alam mo yun.”

SINGLE FOR A YEAR OR TWO? Sabi ni Cristine, mas feel niya raw maging single ngayon. Kung maaari nga raw ay manatili siyang single sa loob ng isa o dalawang taon.

Aniya, “Yes, it’s a choice, one or two years. I hope na magawa ko, mapanindigan ko yun.

“Pero ayokong sabihin na strict ako about it kasi minsan ang love, hindi mo naman alam kung kailan darating, ’di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, as of now, nag-e-enjoy ako na single ako.”

Mas masaya ba talaga pag single?

Sagot ng dalaga, “Actually, parehong masaya. Masaya ang single kasi hawak mo yung time mo. Masaya rin ang may partner kasi may inspirasyon ka."

So, gusto niya lang munang magpahinga ngayon sa pakikipagrelasyon?

“Kasi ngayon, parang ang daming work, so saan ko isisingit? So, yung manliligaw sa akin, siya ang gagawa ng way para makasama ako,” patuloy pa ni Cristine.

PAULO AVELINO. Ang kagustuhan niyang maging single din ba ang dahilan kaya walang namuong closeness higit pa sa kaibigan sa leading man niya sa Honesto na si Paulo Avelino?

“Para sa akin kasi, hindi porke’t katrabaho mo ang isang lalaki at single siya e kailangan ay may mangyari o magkaligawan kayo, ’di ba?

“Kasi hayaan mo na lang na kusa. Ako, ganun ako, e. Hindi porke’t single, parang ang pangit naman nun. Ano, lahat ng partners ko magiging dyowa ko na lang?”

Pero ano ang pagkakakilala niya kay Paulo?

“Very serious siya. Dedicated siya sa work niya and very private,” paglalarawan niya sa co-star.

DREAMSCAPE BABY. Samantala, hindi kasama sa original cast ng Honesto si Cristine. Kaya naman, malaki ang pasasalamat niya dahil napasama siya sa isang top-rating teleserye.

“Ako, very happy ako dahil unang-una kasi nung pumasok po ako sa show na ito, nag-start na sila.

“Una pa lang, I’m very happy na nasama ako sa show, sa cast ng Honesto, dahil top-rating na siya noon, e.

“’Tapos very happy lalo na hanggang ngayon e number one pa rin siya, na-maintain namin yun.

“So, thankful kaming lahat, hindi lang po kami kundi yung lahat ng bumubuo dahil number one kami,” pagmamalaki ng nakababatang kapatid ni Ara Mina.

Sa presscon, kinilala ng Dreamscape si Cristine bilang isa sa mga baby nila sa mga artista ng ABS-CBN. Ano ang masasabi ni Cristine rito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi niya, “Masaya ako kasi masarap sa pakiramdam yung mahal ka ng mga katrabaho mo. Siyempre mas gaganahan kang magtrabaho kahit mahirap, kahit minsan wala kang tulog, nakakainit ng ulo.

“Pero pag nalaman mong inaalagaan ka nila, napapalitan yun, e. Napapalitan yun na parang kailangan kong ganahan, kailangan mong pagbutihan pa lalo dahil baby ka nila, e.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN