Vhong Navarro files perjury raps against Roxanne Cabañero, Deniece Cornejo, Cedric Lee

Naghain na ng reklamong perjury ang actor-TV host na si Vhong Navarro laban kina Roxanne Cabañero, Deniece Cornejo, Cedric Lee, at iba pa dahil sa paninira raw ng mga ito sa kanya. Nagsumite na rin ng counter-affidavit si Vhong kaugnay ng reklamong rape na inihain laban sa kanya ni Roxanne.


Muling nagpakita si Vhong Navarro sa publiko nang dumulog siya sa Pasig Prosecutor’s Office kahapon, March 6, upang isumite ang kanyang counter-affidavit kaugnay ng reklamong rape na inihain laban sa kanya ni Roxanne Cabañero.

Kasabay nito, naghain na rin si Vhong ng reklamong perjury laban kay Roxanne.

Tipid ang mga sagot ni Vhong kapag tinatanong siya tungkol kay Roxanne.

Wala raw siyang masasabi tungkol sa beauty-pageant contestant dahil naghain na siya ng reklamo.

“Basta po ako’y nagsasabi po ako ng totoo,” diin ni Vhong sa panayam sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Pagkatapos sumpaan ang kanyang counter-affidavit sa Pasig Prosecutor’s Office, tumuloy sina Vhong sa Manila Prosecutor’s office upang doon naman ihain ang reklamong perjury laban kina Deniece Cornejo, Cedric Lee, Bernice Lee, JP Calma, at Simmer Raz.

Ang mga nabanggit ay may kinalaman sa pambubugbog sa kanya noong gabi ng January 22, 2014 sa tinutuluyang condo unit ni Deniece sa Forbeswood Heights, sa Bonifacio Global City, Taguig.

Paliwanag ng abugado ni Vhong na si Atty. Alma Mallonga sa paghahain nila ng reklamong perjury, “Ini-exercise namin yung mga karapatang sa tingin namin makakapagprotekta kay Vhong.

“Para naman masabi dun sa mga naninira sa kanila na we won’t take this sitting down.

“Meron tayong karapatan na puwede nating protektahan ang sarili natin.”



PERJURY COMPLAINT. Napaaga ang pagsumite ng kampo ni Vhong ng counter-affidavit at hindi na hinintay ang naka-schedule na preliminary investigation sa March 13.

Saad ni Atty. Mallonga sa PEP, “We have requested that Vhong be allowed to swear to his counter-affidavit earlier.

“At the same time, magpa-file din kami ng sarili naming complaint of perjury, yun ang pakay namin today.”

Hindi raw matiyak ni Atty. Mallonga kung makakadalo na si Vhong sa preliminary investigation dahil nasumpaan naman na nito ang lahat ng kanyang counter-affidavit.

Sabi pa ng abugado, “Hindi rin tayo sigurado kung lahat ng witnesses niya ay available on the 13th.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Malay mo, may mangyari din kay Vhong.

“So, gusto niya, as early as possible, gawin na.

“And the reason is he is ready.

"He is ready to file his counter-affidavit but also to file his complaint affidavit so we don’t wait.

“Mabuti naman at pinagbigyan kami, but the PI [preliminary investigation] will continue on March 13.”



WITNESSES. Kasabay ni Vhong na nagpunta sa tanggapan ni Assistant City Prosecutor Maria Benet Santos-Madamba ng Pasig-RTC ang Streetboys dancers, ang kapatid ng actor-TV host na si Fercedan Navarro, at ang producer ng concert ni Vice Ganda sa Island Cove, Cavite, kung saan isa si Vhong sa mga special guest.

Sila ang tumatayong witness at nagpapatibay sa mga salaysay ni Vhong na nandun ang actor-TV host sa naturang event nung araw at oras na sinasabi ni Roxanne na hinalay raw siya nito—April 24, 2010.

Ayon sa kapatid ni Vhong na si Fercedan, kasama niya ang It’s Showtime host nung gabing iyon—mula nang pumunta sila sa show ni Vice Ganda hanggang sa umuwi sila.

Hindi na raw umalis si Vhong pag-uwi nila.



DEATH THREATS. Kahit nahihirapan si Vhong sa ginagawa niya, kailangan daw niyang ituloy ito dahil lahat na lang ay ginagawa ng mga kalaban niya para siraan siya.

“Ginagawa ko’ to para siyempre magkaroon naman ng proteksiyon sa ‘kin, kasi masyadong dina-down nila yung pagkatao ko.

“And wala naman akong ginawang krimen na pangri-rape, so ito lang yung parang panlaban sa ginagawa nilang pagbabagsak sa ‘kin,” pahayag ng 37-year-old actor-TV host.

Nabanggit na rin ni Atty. Mallonga na “baka may mangyari kay Vhong,” kaya ngayon pa lang ay isinusumite na nila ang counter-affidavit nito.

Hanggang ngayon daw kasi ay hindi pa rin natitiyak ang seguridad ng kanyang kliyente.

Nandiyan pa rin daw ang "death threats" kaya hindi pa rin niya masasabing normal na normal na ang takbo ng buhay ni Vhong.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Saad ni Atty. Mallonga, “Merong information sa amin na talagang mag-ingat siya because the reality is, he hasn’t testified in court yet.

“So, kung may mangyari kay Vhong, there’s a great possibility na mawawala itong lahat na ito.

“So, nag-iingat kami.”

Ayon naman kay Vhong, pinipilit na lang niyang maging normal ang lahat.

“Ngayon, kahit papa’no, kahit alam nating hindi normal, iniisip ko na normal.

“Kasi hindi ako mapapakali kapag iniisip kong hindi normal ang buhay ko ngayon, especially ang mga bata,” pagtukoy niya sa kanyang dalawang anak.



BACK TO WORK. Pero umaasa si Atty. Mallonga na makabalik na sa trabaho si Vhong dahil kailangan na talaga nitong magtrabaho.

Ayon sa abugado ni Vhong, “Sa totohanan lang, kung nangyari sa ‘yo ang nangyari kay Vhong, siyempre gusto mo munang mag-relax muna.

“Puwede magpahinga, magpagaling, not only physically, but also emotionally at psychologically.

“Pero the reality is, wala namang nagpapakain kay Vhong. Hindi siya charity case.

“Ito nga yung masamang nangyari sa kanya na nagkandasira-sira yung buhay niya for a while.

“Hindi siya nakakapagtrabaho for so long.

“Bakit, meron bang namalimos sa kanya? He has to work.”

Dagdag pa ni Atty. Mallonga, “Yung balita ko, tinutuya siya.

“Sinasabi nung ibang respondents… hindi ko alam kung totoo ito na hinahamon siya na, ‘Sige, magtrabaho ka na para ipakita mo sa buong mundo na hindi naman totoo na ikaw ay nagdanas ng hirap.’

“Siguro kung may resources si Vhong, he would rather concentrate and focus only on this case, because alam nating mahirap.

“May trial pa ‘yan, matagal ang proseso.”

Sabi naman ng talent manager ni Vhong na si Direk Chito Roño, “Gustung-gusto na niya talaga magtrabaho.

“Kasi actually, si Vhong, bata pa ‘yan nagtatrabaho na ‘yan.

“Mahirap sa kanya ang hindi maghanapbuhay.

“Meron siyang regular na show [It’s Showtime], na after a while, alam kong gusto na niyang bumalik at kailangan niyang magtrabaho, kasi may pamilya siya.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



NOT YET HEALED. Ang isa pang ikinalulungkot ni Direk Chito, mahirap ding bumalik kay Vhong na maging normal ang trabaho niya, dahil hindi pa raw ito lubusang gumagaling mula sa natamong pambubugbog.

Saad ng pamosong direktor, “Nagulat nga ako kanina, kasi hindi ko siya nakita ng ilang araw, akala ko magpi-fade na yung nasa mata niya.

“Sobrang ang tagal, meron pa rin siyang black eye na yun.

“Regular pa siyang nagpapatingin sa doktor, ulit-ulit lang yung sinasabi sa kanya na lagyan ng compress.

“Pero para sa akin, sobrang mabagal ang paggaling.

“Meron pa siyang schedule sa psychiatrist.

“Yun, ipinapaubaya ko sa kanya ang schedule as he needs it.”

Pero nagpapasalamat si Direk Chito dahil hindi naman daw pinababayaan ng mga kaibigan at supporters niya si Vhong.

Naghihintay lang daw ang mga proyektong dapat nitong gawin kapag handa na siyang magtrabaho.

Nagpapasalamat naman si Vhong sa lahat na sumusuporta sa kanya kaya lalo raw siyang tumatapang at lumalakas para ituloy ang labang ito.

“Napakasaya ko po, kasi po kahit gusto nila akong i-down e patuloy akong sinusuportahan ng mga kababayan natin.

“Kaya po, ang sinasabi ko na lang e lakasan lang ng loob ‘to, kaya nagdadasal po ako,” saad ni Vhong.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN