Vhong Navarro makes tearful, emotional Showtime comeback

Vhong Navarro thanks his friends and fans for their unconditional support: “Pinagtatanggol niyo ako. Pinaniniwalaan n’yo ako at pinagdarasal n’yo ako. ’Yan po ang dahilan kung bakit po ako nananatiling matatag para malagpasan itong pagsubok na dumarating sa buhay ko. ’Yan din po ang dahilan kung bakit po ako nakatayo dito sa harapan ninyo.”


Inabangan ng "madlang pipol" ang pagbabalik-Showtime ni Vhong Navarro kahapon, Sabado, Marso 8, matapos nitong mabugbog at masangkot sa reklamong rape na inihain ni Deniece Cornejo.

Bago tuluyang matapos ang It’s Showtime kahapon ay sinalubong siya ng kanyang co-hosts si Vhong suot ang kanilang puting “Welcome Back, Vhong” T-shirts.

Naging madamdamin ang mga sandaling iyon dahil ito ang pagkakataon na nagpasalamat ni Vhong sa lahat ng sumuporta sa kanya.

Naging emosyunal si Vhong habang naghahatid ng kanyang pasasalamat sa kanyang mga tagahanga, kaibigan, kasamahan sa It’s Showtime, pati na rin ang lahat ng kanyang Kapamilya.

Habang maluha-luha siyang nagtatalumpati, sinalubong naman ng studio audience nang masigabong palakpakan ang kanyang madamdaming pahayag.

NA-MISS KO PO KAYONG LAHAT...” Sabi ni Vhong, “Ang layunin lang po namin dito sa Showtime ay ang magpasaya ng madlang pipol.

“Maraming salamat sa aming staff, sa aming crew, and of course ang aking mga kapamilya, kapatid, kaibigan dito sa Showtime.

"Masarap pong pumasok dito sa Showtime, parang bahay mo ito, e.

“Kasi pantay-pantay tayong lahat. Wala pong mayaman, wala pong mahirap. Wala pong sikat, wala pong hindi.”

Dagdag niya, “Pero ngayon po, at sa susunod pang araw, hindi ko po nararamdaman yun.

"Hindi ko po alam kung paano ako ngayon nakakatayo sa harapan ninyo.

“Natatakot po ako, e. Natatakot po ako sa lahat ng pinagdadaanan ko sa buhay ko.

"Hindi ko alam kung magiging ako rin ito—yung dating makulit, yung dating masayahin.

“Pero, susubukan ko po.

"Dahil may isang dahilan po ako na hindi ko malilimutan.

"Isang buwang mahigit po na hindi tayo nagkita-kita, hindi po tayo nagsama-sama dito sa Showtime.

“Na-miss ko po kayong lahat, madlang pipol.

“Nababasa ko po yung mga tweets ninyo, yung mga messages niyo sa akin sa Instagram.

"Gustung-gusto ko pong magpasalamat sa inyo nang personal dahil po sa patuloy ninyong pagsuporta sa akin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pinagtatanggol niyo ako. Pinaniniwalaan niyo ako at pinagdarasal niyo ako.

“’Yan po ang dahilan kung bakit po ako nananatiling matatag para malagpasan itong pagsubok na dumarating sa buhay ko.

“’Yan din po ang dahilan kung bakit po ako nakatayo dito sa harapan ninyo.

"At gusto ko lang po ay ang magpasaya ng tao.

"Ang hirap po na iparatang sa ’yo ang bagay na hindi mo ginawa."

Saad pa ni Vhong, “Alam niyo po, ang hirap maging komedyante, dahil ang komedyante po ay may layuning magpasaya ng tao.

“Dedma po ang dami ng problema, basta ang mahalaga ay makita namin ang inyong mga ngiti.

“Yun po ang nagpapasaya sa amin, yun po ang nagiging dahilan para makalimot kami sa problema namin—ang inyong mga ngiti, madlang pipol.

“Kaya maraming salamat po sa inyo, sa pagmamahal na ibinigay ninyo sa akin.

"Ramdam na ramdam ko po yun mula nang lumabas po ako sa ospital."

Nagpasalamat din si Vhong sa mga namumuno ng ABS-CBN.

“Siyempre gusto ko rin pong magpasalamat sa ABS-CBN—kay Boss Gabby [Lopez], kay Ma’am Charo [Santos-Concio], kay Tita Cory [Vidanes], kay Tita Malou [Santos], kay Direk Lauren Dyogi.

“Kasi po, simula po nung simula, ipinaramdam po nila sa akin kung gaano kadali ang maging isang Kapamilya.

"Ito po yung kahit hindi ka na kausapin.

“Yung kilala ka na nila, yung kilala nila yung buong pagkatao mo.

"Yung yayakapin ka na lang at sasabihin sa yo na, ’Hinding-hindi ka nag-iisa.’"

VHONG GETS HIS GROOVE BACK. Malugod namang sinalubong ng hiyawan at palakpakan ang kanyang madamdaming pasasalamat.

At hindi nagtagal ay nagbalik ang saya sa mukha ni Vhong at ng kanyang mga kasamahan, habang inuudyok nila itong muling magpakitang-gilas sa pagsayaw habang sumisigaw ng “Sample! Sample! Sample!”

Hindi nagtagal ay pinaunlakan naman ni Vhong ang hiling ng kanyang mga tagahanga, at muling ipinamalas ang signature dance steps na lagi nilang sinasayaw ng co-host niyang si Billy Crawford.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Present din sa audience ang mga kaibigan ni Vhong na sina Andrei Felix, Archie Alemania, at Jason Abalos bilang suporta sa pagbabalik-trabaho ng kanilang kaibigan.

Simula sa Lunes, Marso 10, ay tuluyan nang babalik sa It’s Showtime bilang host si Vhong.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN