Polo Ravales on smooth-sailing relationship with non-showbiz girlfriend: “Siya yung nagpabago sa akin talaga.”

Polo Ravales on his non-showbiz girlfriend of four years: “Masasabi ko nga na si Shasta ang nagpabago sa akin, lalo na sa pag-handle ng isang relasyon. I admit noon, hindi tayo gano’n ka-invested sa mga naging relationship natin. Kaya siguro short-lived lahat ang mga nakarelayson ko.”


Sanay nang gumanap bilang kontrabida si Polo Ravales sa mga telefantasya ng GMA-7. Pero ang pagganap niya bilang si Ataba sa sirena-serye na Kambal Sirena ang pinakamahirap daw na nagawa ng Kapuso actor.

Ayon kay Polo, kinailangan pa niyang mag-take ng diving and swimming lessons para sa kanyang role. Aminado ang aktor na hindi siya gaanong marunong lumangoy, pero dahil sa binigay sa kanyang role ay ginawan niya ng paraan para pag-aralan itong mabuti.

“Sa lahat nga ng mga kontrabida roles na ginawa ko, ito ang pinakamahirap talaga.

“Sa costume na lang, challenge na, e. Kapag kinukunan kami sa chroma, mabigat siya talaga. Tapos meron pang nakalagay sa ulo ko, sa may balikat ko.

“Tapos kapag naka-harness ako, kailangan horizontal ang porma ng katawan ko. Kailangan lumabas na lumalangoy kami sa chroma. Kaya ang hirap i-balance at masakit both sa upper and lower part ng katawan.

“Unlike sa mga nagawa ko before sa Majika at Gagambino, yung harness okey lang kasi patalun-talon lang kami noon. Ngayon mas mahirap kasi binabalanse mo pati yung costume.

“Pero enjoy naman kasi kapag napanood na namin sa monitor yung mga kuha, ang gandang panoorin.

“Kaya sulit naman ang hirap namin for this show. Alam naming maraming matutuwa sa sirena-serye na ito,” kuwento pa ni Polo nang makapanayam namin siya sa press launch ng Kambal Sirena nuong March 4 sa Studio 7 ng GMA Annex Building.

IT’S MORE FUN TO DO KONTRABIDA ROLES. Noon daw ay panay ang tanong ni Polo sa kanyang sarili kung bakit madalas siyang bigyan ng kontrabida roles, samantalang puwede at bagay din naman daw siya sa mga mababait na roles.

Pero ngayon ay ini-enjoy na ni Polo ang pagganap bilang kontrabida dahil tulad ng ibang gumaganap na kontrabida, napaglalaruan nila ang kanilang roles, ’di gaya ng mga bida na napapako lang sa iisang character.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Before may mga questions pa ako kapag kontrabida ang roles na binibigay sa akin.

“Tingin tuloy sa akin ng marami, kontrabida na talaga.

“Pero ngayon enjoy na ako, e. The last kontrabida role na ginawa ko was Pyra: Babaeng Apoy. At nagustuhan ko ang role ko doon.

“Ang pagiging kontrabida kasi, maraming dimensions... marami kang mukha na puwedeng ipakita.

“Kapag bida ka kasi, bukod sa nakasalalay sa iyo ang buong istorya, may sinusunod kang type na pag-arte.

“Kaya minsan nga, mas napapansin pa ang kontrabida kesa sa bida, ‘di ba?

“Kaya ngayon, in-enjoy ko na ang pagiging kontrabida,” diin ni Polo.

HAPPY WITH LOVELIFE. Sa personal na buhay naman ni Polo, maganda naman ang takbo ng kanyang relasyon sa kanyang non-showbiz girlfriend na si Shasta Munsayac.

Apat na taon na ang relasyon nina Polo at Shasta. At dahil ito na raw ang pinakamahabang relasyon niya, nangangahulugan lang na special daw talaga si Shasta sa kanya.

“Nagkakilala kami ni Shasta through common friends.

“Nagsimula kami as friends talaga hanggang sa nagkaroon na kami ng relasyon.

“Pero matagal din bago naging kami. May ilang months din akong nanligaw sa kanya. Ngayon apat na taon na kami at maayos ang lahat.

“Masasabi ko nga na si Shasta ang nagpabago sa akin, lalo na sa pag-handle ng isang relasyon.

“I admit noon, hindi tayo gano’n ka-invested sa mga naging relationship natin. Kaya siguro short-lived lahat ang mga nakarelayson ko.

“With Shasta, siya yung nagpabago sa akin talaga. Marami akong natutunan sa kanya. Kaya iba siya sa mga nakarelasyon ko,” pagmamalaki niya.

Pero kahit na matagal na ang pagsasama nila, wala pa naman daw sa plano nila ang mag-settle down.

Inamin ni Polo na hindi pa naman daw sila handa para magsimula ng sariling pamilya.

“Minsan naman ay napag-uusapan namin ‘yan. Siyempre, nagkakaedad na rin tayo. I’m 31 years old now. Yung ibang mga kasabay ko noon ay may mga sarili nang pamilya, ‘di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero kailangan maging handa ka, e. Mahirap na yung bigla kayong nagpakasal pero hindi pala kayo prepared mentally and financially.

“’Tsaka marami pa kaming gustong gawin ni Shasta sa buhay. I know that she has other plans for herself. Ako naman, tutok ako dito sa career ko.

“So hindi ko masasagot kung kelan ang right time to settle [down]. Who knows, baka next year or two years from now? It’s something na dapat naming pag-usapan nang maayos,” paliwanag niya.

RESTO BUSINESS. Magkasosyo rin si Polo at ang kanyang girlfriend sa isang restaurant business sa loob ng BF Homes sa Parañaque City. Kasama rin ang ilang kaibigan nila bilang mga partner.

Masaya niyang kuwento, “We started the business last year lang and it’s doing very well.

“Kaya lahat ng kinikita ko sa mga shows ko, it goes to our business.

“Paghahanda na rin ito para sa future namin ni Shasta.

“Sa showbiz naman kasi, minsan sunud-sunod ang trabaho pero may time na wala naman. Kaya buti na itong may pinagkakaabalahan kang negosyo.

“Salamat naman at okey ang lahat and we are praying na maging mas okey pa siya sa taong ito.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN