PMPC Star Awards for Movies results marred by vote-buying accusation

Inakusahan ng columnist at PR man na si Jobert Sucaldito na nagkaroon diumano ng bilihan ng boto sa nakaraang 30th PMPC Star Awards for Movies. Ayon kay Jobert, tiniyak sa kanya diumano ng ilang miyembro ng PMPC ang pagwawagi ng kanyang alagang si Laguna Governor ER Ejercito (kaliwa), ngunit nagulat siya nang ang manalo ay si Vice Ganda (gitna). Pero ang "rightful winner" daw ay si Joel Torre (kanan).


Isiniwalat ng showbiz columnist at radio host na si Jobert Sucaldito na nagkaroon diumano ng "bayaran" at "dagdag-bawas" sa nakaraang 30th PMPC Star Awards for Movies.

Ang taunang parangal na ito na ipinamamahagi ng officers at miyembro ng Philippine Movie Press Club (PMPC)—isang grupo ng entertainment writers—ay ginanap kagabi, March 9, sa Solaire Grand Ballroom.

Ilang oras lamang pagkatapos ang awards night ay nag-post ng mensahe si Jobert sa kanyang Facebook account (@SucalditoJobert), na kumalat sa Internet, bandang alas-kuwatro ng madaling-araw ng Lunes, March 10.

Dito ay nagbuhos siya ng saloobin tungkol sa hindi raw niya inaasahang pagkatalo ni Laguna Governor Jeorge "ER" Ejercito bilang Movie Actor of the Year para sa pagganap nito sa Shoot To Kill: Boy Golden.

Ang nagwagi ay si Vice Ganda para sa pagganap nito sa comedy film na Girl, Boy, Bakla, Tomboy.

Read: Vice Ganda, KC Concepcion win top acting honors at the 30th Star Awards for Movies; On The Job named Movie of the Year

LOBBYING FOR ER. Ito ay sa kabila raw ng "pagla-lobby" ni Jobert sa voting members ng PMPC upang siguraduhin ang pagkapanalo ni ER.

Ipinakilala ni Jobert ang sarili bilang "PR man" ng actor-politician.

Isiniwalat din niya na ang "rightful winner" daw bilang Movie Actor of the Year ay si Joel Torre para sa pagganap nito sa On The Job, na itinanghal na Movie of the Year.

Saad ni Jobert: “Nakakaloka ang PMPC Star Awards for Movies na ginanap kagabi sa Solaire.

"Niloko ako ng ilang members ng PMPC. Pinaniwala ako that they will vote for my baby Jeorge Estregan for Best Actor for his sterling performance sa pelikulang Boy Golden.

“Ganito kasi ang scenario—barely two weeks ago, some members talked to me at nagtanong kung hindi ko raw ba ila-lobby si Jeorge Estregan for Best Actor dahil ang kanilang napusuang rightful winner na si Joel Torre for the movie On The Job won’t get the votes dahil hindi nila kayang magbayad sa voting members, I thought of something.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kung hindi rin lang mananalo si Joel Torre, who is the rightful winner, might as well fight na lang for my anak-anakang Jeorge Estregan for Boy Golden dahil they said that he is next in line for Best Actor.

"But how?"

Pagkatapos nito ay ikinuwento ni Jobert kung paano niya tinawagan ang mga miyembro ng PMPC upang masiguro raw ang panalo ni ER.

“I have to call first members of PMPC para makasiguro ako sa pagkapanalo ng alaga ko dahil PR man ako.

"That’s part of the lobbying.

"Normal lang iyon—kahit sa Oscar’s sa America ay uso ang lobbying, ’di ba?

"I have to siyempre weigh first kung may laban ako.

“Since 38 lang naman ang voting members, I have to get at least a vote more than half of them—meaning, more than 19 in short.

"So I commissioned 22 of them bago ako sumugal.

"Huwag na nating pangalanan but worse come to worst ay willing ako to name names. Promise!

"Wala akong pakialam dahil lokohan pala ito."

SURPRISE WIN? Pero nagulat si Jobert nang isang miyembro diumano ng PMPC ang nag-lobby naman daw para kay Vice Ganda upang manalo itong Movie Actor of the Year.

Saad pa ng columnist-radio host, "Nagbayad siya ng pera sa mga kasamahan niya sa PMPC para manalo si Vice Ganda who is abroad.

"Mamatay na ang nagsisinungaling. Alam niyo naman ako, mayabang din at kalahati."

Inamin din ni Jobert na nagbayad siya "ng mas higher" para huwag lang daw madehado si ER.

Ngunit tatlong miyembro raw ng "executive branch" ng PMPC ang para kay Vice dahil mas nauna na raw "naka-commit" ang mga ito.

Sabi pa ni Jobert, “At ang malungkot, ayaw nilang ipakita ang tunay na resulta ng botohan nila—itinatago nila.

"Kasi nga, if I had 22 committed members, ilan na lang ang natitira sa kanila? 16?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"In short, I already have the numbers.

"Kaya lang, since ayaw nilang ipakita ang tunay na resulta ng votes, nanalo si Vice Ganda dahil kontrolado nila ang results."

Dagdag niya, “I am an outsider of PMPC kaya I have all the right to lobby.

"Since hindi naman pala mananalo ang rightful winner na si JOEL TORRE, might as well to fight for second best, and that’s Jeorge Estregan dahil sila naman ang nagsabi."

Pero hindi raw matanggap ni Jobert na ang nag-lobby kay Vice ay isang "voting member ng PMPC."

Sabi pa niya, Hindi ba sila nahiya noon? Nasaan ang delicadeza nila?

"Bawal iyon sa members to campaign for a nominee, ’di ba?

"Either he must abstain from voting for his ward dahil pangit talagang tingnan.

“Ako? Oay lang iyon dahil outsider ako and every PR MAN has the right to campaign or lobby for a client for whatever reason.

"Nakakaloka lang dahil papaano nangyaring natalo ako when many of them committed with me for Jeorge Estregan.

"I personally spoke to many of them and they said yes."

Ayon pa kay Jobert, may bayad din diumano ang pagla-lobby ng isang miyembro ng PMPC para kay Vice.

“Okay lang naman ang lobbying pag hindi ka member and I don’t care kung magalit sila sa akin.

"Nanggagago sila kasi, e. Puwes, magkabukuhan na tayo.

“VICE GANDA’s winning was PAID. At lalaban ako sa isyung ito.

"Yung ibang nabigyan ko ay nag-hunyango sa akin and ok lang iyon.

"Magkakaalaman din kami in due time."

Nilinaw naman ni Jobert na hindi raw alam ni ER ang ginawa niyang pagla-lobby para manalo ito.

Sabi niya, “Hindi alam ni Jeorge Estregan ito dahil ipinangutang ko siya.

"Sobrang mahal ko lang ang batang iyan dahil napakabait at mahusay talagang aktor.

"Kaya lang nabiktima kami ng DAGDAG-BAWAS gang sa LOOB MISMO NG PMPC."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aniya pa, “I am willing to talk at any convenient time at paninindigan ko ito at any given time at your convenience.

“NGAYON, NASAAN NA ANG TUNAY NA KREDIBILIDAD NG PMPC?”

PAST ISSUE. Hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot sa ganitong klaseng isyu si Jobert dahil sa pagtatanggol niya kay ER.

Matatandaang noong 2012 ay umalma rin si Jobert nang hindi makasama sa listahan ng Best Actor nominees si ER—para sa pagganap nito sa Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story—sa Golden Screen Awards ng Entertainment Press Society (EnPress), isa pang grupo ng entertainment writers.

Kinuwestiyon din ni Jobert noon ang pagkaka-nominate ni Dingdong Dantes sa parehong ketegorya para sa pagganap naman nito sa Segunda Mano.

Nag-ugat ito dahil sa pagwawagi ni Dingdong at pagkatalo ni ER bilang Best Actor sa 2011 Metro Manila Film Festival.

Read: EnPress president on Asiong Salonga team’s alleged snubbing of the Golden Screen Awards: "Desisyon nila ’yon."



GETTING THE OTHER SIDE. Kaninang umaga ay nagpadala ng text messages ang PEP sa ilang nabanggit na pangalan sa Facebook post ni Jobert.

Isa lang sa apat na naunang pinadalhan ng mensahe ng PEP ang tumugon, pero "off the record" ang pakiusap nito.

Sa pamamagitan naman ng Facebook messaging, isang source ng PEP ang nagsabing alam diumano nito kung magkano ang halagang sangkot sa umano’y bayaran para sa award.

Pero "off the record" din daw muna ang kanyang impormasyong ibinahagi.

Ang isa pa naming tinext ay nagsabing babalikan daw kami, pero hanggang ngayon ay wala pa rin itong balik-sagot sa aming tanong.

Bandang alas-singko naman ng hapon, nagpadala muli ng mensahe ang PEP sa kasalukuyang PMPC President na si Fernan de Guzman—o mas kilala sa showbiz sa tawag na “Miss F.”

Sabi nito, magpapatawag pa siya ng meeting sa mga kasapi ng PMPC upang talakayin ang isyu.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nag-iwan din ang PEP ng mensahe sa kanya na isusulat namin ang istorya at i-aupdate na lang namin ito kapag may opisyal na silang pahayag.



“DON’T KNOW YET.” Sa pamamagitan naman ng text messaging, saglit na nakapalitan ng mensahe ng PEP si Jobert.

Mensahe niya sa hiningi naming update sa kanya tungkol sa isyu: “I spoke to some PMPC members and they said na ituloy ko raw ito para makatikim ang maraming hipokrito sa loob.”

Sa huli, itinanong namin siya kung ano ang nais niyang maging kahihinatnan ng pagbubulgar niyang ito.

Sagot nito, “Don’t know yet.”

Patuloy pa ring inaantabayanan ng PEP ang reaksiyon ng iba pang mga taong sangkot sa isyung ito.

Agad naming ilalathala ang kanilang pahayag kapag nakuha na namin ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN