Senator Jinggoy Estrada exposes supposed wealth of Ruby Tuason; denies alleged phone conversation with Dennis Cunanan

Senator Jinggoy Estrada claims provisional state witness Ruby Tuason allegedly amassed her wealth from her involvement in the Malampaya scam. He also questions Tuason’s "flimsy pretention" that she needed to leave for U.S. to raise the money that she plans to return to the government.

Senator Estrada stated in his privilege speech earlier today, March 12: "Bakit po pinayagan pang umalis si Mrs. Tuason? Marami pa ba siyang mga ari-arian sa Am


Kinuwestiyon ni Senator Jinggoy Estrada ang pagkuha ng Department of Justice (DOJ) kina Ruby Tuason at Dennis Cunanan bilang provisional state witnesses sa diumano’y maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel scam.

Ito ay sa kadahilanang panay kasinungalingan diumano ang mga inihayag nina Tuason at Cunanan tungkol sa pagkakasangkot ng senador sa naturang kontrobersiya.

Sabi ni Senator Estrada sa kanyang privilege speech ngayong araw, March 12: “Is the DOJ now so desperate to pursue this case that they must now employ half truths and perjured testimonies?

“Is this the handiwork of an undersecretary of the DOJ who, I am informed by unimpeachable sources, has repeatedly instructed the witnesses to focus only on this representation and senators Juan Ponce Enrile and Ramon “Bong” Revilla Jr.?”



SENATE CCTV. Bilang patunay, ipinakita ni Senator Estrada ang ilang screengrabs mula sa closed-circuit television (CCTV) footage kaugnay ng makailang beses na pagbisita ni Tuason sa Senado.

Dito ay makikita ang isang babae—na tinukoy ng senador bilang si Ruby Tuason—na dumaan ng main entrance lobby at sa hallway ng 6thfloor, kunsaan matatagpuan ang opisina ni Senator Estrada.

Ang naitalang pagpunta ni Tuason sa Senado ay may petsang November 17, 2008; November 19, 2008; at December 18, 2008.

Giit pa ni Senator Estrada, malinaw na walang dalang duffel bag, na may lamang milyun-milyong salapi, si Tuason base sa CCTV footage na nakalap ng Senate Security.

Hindi rin daw tugma ang mga nabanggit na petsa ng pagbisita ni Tuason sa Senado sa mga petsang tinukoy ng socialite kung kailan tumanggap diumano si Senator Estrada ng komisyon mula kay Janet Lim Napoles.

“Pansinin po natin ang mga petsa—March 6, 2008; September 17, 2008; October 16, 2008, at October 28, 2008.

"Iyan daw ang mga petsa na nakakakuha ako diumano ng komisyon sa pamamagitan niya.

“Malamang ito rin ang petsang palalabasin nilang nag-deliver [ng komisyon] si Mrs. Tuason sa aking opisina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sa CCTV footage, lumitaw lamang na November at December 2008 nagpunta ng Senado si Mrs. Tuason.

“Walang nakita na nagpunta siya ng March, September, at October.

“Given all these facts, hahayaan ko na kayo ang gumawa ng sarili niyong conclusion.”

Sa Senate Blue Ribbon Committee hearing noong February 13, matatandaang sinabi ni Tuason na hindi siya dumadaan ng main entrance ng Senado kapag siya ay nagdadala ng bulto ng perang komisyon diumano ni Senator Estrada mula sa pakikipagtransaksiyon nito kay Janet Lim-Napoles.

Sa halip ay mayroon umanong direktang access si Tuason sa basement parking ng Senado, at madalas ay sinasamahan siya ng security personnel ni Senator Estrada upang makaiwas sa inspection.

Read: Ruby Tuason reveals detailed account of her dubious dealings with Senator Jinggoy Estrada

Nabanggit ni Senator Estrada sa kanyang speech na ayon sa Senate Security ay hindi na available ang VHS copy ng CCTV footage mula sa basement parking para sa taong 2004 hanggang 2010.



TUASON’S “SILENT” FLIGHT BACK TO US. Kinuwestiyon din ni Senator Estrada kung bakit pinayagan ng DOJ na makabalik ng U.S. si Tuason noong nakaraang Linggo, March 9.

Hindi raw kasi kapani-paniwala ang dahilan ni Tuason na kailangan niyang mangalap doon ng perang nagkakahalaga ng P40 million, na balak niyang isauli sa gobyerno sanhi ng pagkakasangkot niya sa pork barrel scam.

Kasabay nito ay ibinunyag ni Senator Estrada ang multi-million properties ni Tuason ’tulad ng bahay nito sa Dasmariñas Village, Makati City, na nabili ng huli sa halagang P45 million at napatituluhan noong October 2009.

“Tinawag po itong ‘Malampaya Mansion’ ng mga malalapit kay Mrs. Tuason sapagkat ito ay isa sa mga katas diumano ng kanyang Malampaya kickbacks na sinasabing umabot sa halagang P242 million,” saad ng senador.

Ayon pa kay Senator Estrada, nagtayo si Tuason at dalawa nitong anak na lalaki ng isang korporasyon na may kapital na P80 million noong October 2009.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May-ari rin umano si Tuason ng isang jewelry store, na matatagpuan sa isang high-end hotel, na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso.

Inihayag din ni Senator Estrada na nakabili si Tuason ng real estate property sa Las Vegas country club na nagkakahalaga ng P6.3 million noong 2008 at isa pang real estate property sa Oakland, California na nagkakahalaga ng $150,000 noong 2010.

“Lumabas na po kamakailan sa balita at sa mga pahayagan na nai-transfer na ni Mrs. Tuason noon pang September 2013 ang kanyang Las Vegas property sa kanyang anak na si Francis Tuason.

“At base din sa mga nakalap kong dokumento, naibenta na rin noong September 2013 ang sinasabing property sa California.

“Kaya bakit po pinayagan pang umalis si Mrs. Tuason? Marami pa ba siyang mga ari-arian sa Amerika na ibebenta o marami pa siyang ari-arian na gusto niyang itago sa pangalan ng kanyang mga anak?”


DENNIS CUNANAN. Binuweltahan din ni Senator Estrada ang isa pang provisional state witness na si Dennis Cunanan.

Si Cunanan ay ang director general ng Technology Resource Center na kasama sa 38 kataong kinasuhan ng plunder o malversation dahil sa diumano’y pagkakasangkot sa pork barrel scam.

Ang Technology Resource Center ay isa sa mga implementing agency na nauugnay sa pekeng non-government organizations (NGOs) na itinayo ni Janet Lim-Napoles.

Sa Senate Blue Ribbon Committee hearing noong March 6, pinanindigan ni Cunanan na minsan niyang nakausap sa telepono si Senator Estrada tungkol sa ineendorso nitong NGO.

Pilit umanong pinaaprubahan ng senador ang PDAF (Priority Development Assistance Fund) project na nauugnay kay Napoles.

Kontra-pahayag ni Senator Estrada ukol dito: “Dinugtong pa ni Mr. Cunanan, nang siya ay inusisa tungkol sa kanyang pagtawag sa akin, na sigurado siya na ako ang kanyang nakausap dahil napapanood niya ako sa pelikula at nakikita sa TV. At dahil din dito kaya’t kabisado niya ang boses ko.

“Mahirap po paniwalaan ito. Pagkatapos kong mahalal bilang senador noong 2004 ay naging napakadalang na po ng aking paggawa ng pelikula. Isa o dalawang pelikula na lamang ang aking ginawa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaya kasinungalingan ang sinasabi niya na napakapamilyar ng aking boses. Talagang hindi siya siguro nanonood ng mga pelikula ko.

“Kasinungalinagn ang lahat ng iyan. Hindi po kami nagkausap ni minsan ni Dennis Cunanan.”

Ayon pa sa senador, kataka-taka na tanging siya lamang at sina Senators Juan Ponce Enrile at Bong Revilla ang idinidiin ni Cunanan sa pork barrel scam.

Ito ay sa kabila ng kaalamang mahigit 200 na mambabatas, mahigit 30 NGOs, at mahigit P2 billion ang dumaan na PDAF transactions sa TRC.

“Alam natin na taong 2004 ay nasa TRC na si Cunanan.

"Taong 2005 naman nagsimulang makatanggap ng PDAF ang TRC mula sa mga mambabatas…

“Ngayon, ang naaalala lang ni Cunanan ay tatlong senador at ilang NGOs? Bakit?”

HEATED EXCHANGE WITH SENATOR CAYETANO. Sa huli, naglabas ng hinaing si Senator Estrada tungkol sa panggigipit sa kanya ng ibang mga kasamahan sa Senado.

Partikular na rito si Senator Alan Peter Cayetano, bunsod ng proposal ng huli na magtayo ng isang special court “to try the PDAF cases for speedy resolution of the cases.”

Ayon kay Senator Estrada, hindi basta-basta maaaring pabilisin ang pagresolba sa plunder complaint na kinasasangkutan niya.

Pahayag niya sa bandang huli ng kanyang privilege speech, “How can he claim that when it took a special division of the Sandiganbayan six and a half long years to try the plunder case against my father and myself.

“He must be so desperate to make sure we are convicted by handpicked justices on the testimony of perjured and coached witnesses.

“That Senator just announced his bid for the presidency in 2016. This is a glaring proof and an undeniable confirmation that he is just using this PDAF controversy to advance his own political agenda.”

Pagkatapos ng privilege speech ni Senator Estrada, nagkaroon ng pagkakataon si Senator Cayetano na i-interpolate ang una.

Nilinaw rin ni Senator Cayetano na bahagi ng trabaho niya na alamin kung may nakuha nga bang kickback si Senator Estrada mula sa PDAF at kung saan napunta ang pondong inilaan para sa mga NGOs na nauugnay kay Napoles.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon pa kay Senator Cayetano, hindi totoong “trial by publicity” ang ginagawang pagsisiyasat sa Senado tungkol sa PDAF scam.

Ito ay sa kadahilanang noon pang September 16, 2013 ay pormal nang naghain ang DOJ at National Bureau of Investigation sa Office of The Ombudsman ng reklamong plunder laban kina Senator Estrada, Senator Enrile, at Senator Revilla.

Ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin umanong ibinibigay na malinaw na impormasyon at panay “blanket denials” ang isinasagot ng tatlong sangkot na senador hinggil sa isyu.

“Give us something naman,” apela ni Senator Cayetano kay Senator Estrada.

Giit naman ni Senator Estrada, sa ngayon ay sapat na ang isinumite niyang counter-affidavit sa Office of The Ombudsman kaugnay ng plunder complaint laban sa kanya.

“I believe that the Blue Ribbon Committee is not the proper forum to defend myself. The proper forum is the court.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN