Cristina Decena ambush attempt suspect turns witness

Hindi raw patatawarin ni Cristina Decena ang mga utak sa tangkang pagpatay sa kanya noong nakaraang taon. Paliwanag ng negosyante at TV host, “Kailangan maturuan ng leksiyon yung mga ganung klaseng tao. Kasi, papapa’no kung mahina yung pinapatay nila, ‘tapos hindi namatay, di magtatatakbo na lang? Siya pa yung tatakas! ‘Di ba? Ayoko, e. Kasi kailangan yung mga kasalanang ginawa mo, panagutan mo sa batas."


Nakulong na ang bumaril at nang-ambush sa businesswoman-TV host na si Cristina Decena.

Matatandaang na-ambush si Cristina sa may Banawe, Quezon City, noong August 14, 2013.

Read: Businesswoman Cristina Decena ambushed

Kuwento ng Business Flight host sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Yung bumaril, nakulong na.

“’Tapos yung bumaril, nagpunta mismo sa NBI [National Bureau of Investigation] dahil pagkatapos niyang piyansahan ng mga mastermind, naramdaman niya nung lumabas na siya, siya naman ang papatayin.

“Hindi pa siya kumakanta nun, hindi pa siya kumakanta, kaya lang pumalpak sila, e.

“So, nung nagpapagasolina kasama nung lawyer, ang sabi nung lawyer [sa kausap nito sa phone], ‘Mamaya na tayo mag-usap kasi kasama ko siya ngayon.’

“So, siya yung kasama.

“Kaya ang ginawa niya nung nagpapagasolina, tumakas siya.

“Nung tumakas siya, nagtago na siya nang nagtago, kaya yung ibinayad sa kanya, naubos din.

“So, nung naubos na yung pera niya, pumunta siya ng NBI, ikinanta niya lahat.

“Nasa witness protection program siya ngayon.

“Nakikisama naman si Secretary [Leila] de Lima ‘tsaka si CPG Claro Arellano, yung state prosecutor.

“So, nakatutok naman sila sa kaso.”

Nakausap ng PEP si Cristina sa pictorial nila ni Venus Raj para sa Business Flight, ang travel show sa GMA News TV na silang dalawa ang hosts.

Ginanap ang pictorial noong March 7, Biyernes, sa Antel Platinum Condominum sa Makati City.

JUSTICE SYSTEM. Dahil “kumanta” na ang bumaril sa kanya, iuurong na ba niya ang kaso laban dito?

Sagot ni Cristina, “Dahil napasok siya sa witness protection program, magiging witness na siya.

“’Tapos, yung lahat ng mga involved ‘tsaka lahat ng mga mastermind, iyon ang kakasuhan ko.”

Nakasampa na raw ang kaso laban sa mastermind, pero hindi pa ito naaaresto.

Pagbabalita ni Cristina, “Nasa fiscal’s office ngayon.

“Kasi ang proseso ng batas, meron munang PI, preliminary investigation.

“Once na nalaman na talagang may kasalanan sila, papasok yung information sa court, iwa-warrant of arrest sila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Wala pa, nasa proseso pa lang kami ng preliminary investigation.”

Paano kapag natakasan siya?

“Hindi naman. Kaya nga nagpapasalamat ako kay Secretary de Lima kasi nakatutok siya sa kaso.

“At iyon naman ang ipinangako niya sa akin, ‘Cristina, tututukan ko ang kaso mo!’

“Kaya nga makikusap ako sa inyo, na iyon...

"Nagpapasalamat ako kay Secretary de Lima kasi kahit na sobrang busy niya, ‘tapos ordinaryong tao lang ako, talagang ipinangako niya sa akin na hindi niya ako pababayaan.

“Ang sinabi ko lang naman, ‘Sana po magkaroon ako ng patas na desisyon.’”

Naniniwala raw si Cristina sa justice system ng Pilipinas.

Saad niya, “Nung naupo si Secretary de Lima, oo!

“Pero nung hindi siya, ayoko na lang magbanggit ng pangalan, hindi!”

TEACHING A LESSON. Kung sakaling lumapit, humingi ng tawad at magbayad na lang ng pagkakautang ang sinasabing mastermind sa pang-a-ambush sa kanya, patatawarin at iuurong na ba ni Cristina ang kaso?

Tugon niya, “Hindi, kasi may proseso ang batas, e, hindi ba?

“Kailangan maturuan ng leksiyon yung mga ganung klaseng tao.

“Kasi, papapa’no kung mahina yung pinapatay nila, ‘tapos hindi namatay, di magtatatakbo na lang?

“Siya pa yung tatakas! ‘Di ba? Ayoko, e.

“Kasi kailangan yung mga kasalanang ginawa mo, panagutan mo sa batas.

“Kasi marunong ako, e.

“Hindi ako nagpapapatay, hindi ako marunong magpapatay, pero may paglalagyan sa ‘yo.

“Kaya nga may batas, e, para sundin, ‘di ba?

“Patatawarin kita, pero pagdusahan mo yung ginawa mo.”

Kilala raw ni Cristina ang mastermind ng pang-a-ambush sa kanya.

“Nagpaparamdam pa rin, nagte-text pa rin, nananakot pa rin. Matapang pa rin,” sabi niya.

Dati raw niyang kasama sa negosyo ang diumano’y mastermind.

Ano ang natutunan niyang leksiyon sa nangyaring ito sa kanya?

Sabi ni Cristina, “Kasi, sa totoo lang, talagang hindi ako masyadong… wala akong masyadong kaibigan.

“Kasi based dun sa experience ko, hindi ko naman nilalahat ano, pag naging kaibigan ko na, mangungutang, pag nangutang hindi ka babayaran, pag hindi ka binayaran, hindi mo naman masampahan ng demanda.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, ngayon, parang talagang sobrang ingat dapat.

“At kailangan, dahil presidente ka [ng kumpanya], ikaw yung pinakamataas, chief officer ka, kailangan talaga sinasala mo muna lahat ng kakausapin mo.

“Kasi dahil galing ako sa hirap. ‘Pag may tao nang nangangailangan, naaawa na ako agad.

“Kasi there was a time na nandun ako sa ganung sitwasyon, e.

“So, ipinangako ko sa sarili ko, before tinulungan ako ng gobyerno para makapag-aral, ibabalik ko sa tao kung ano yung ginawa sa akin.

“Kaya lang, dapat pala ngayon, ingat pa rin.

“Tumulong ka, pero mag-ingat ka at saka huwag mo masyadong ibuhos yung loob mo. ‘Di ba?

“Kasi maraming mapagpanggap.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN