Jake Cuenca still has feelings for Jessy Mendiola even if he has stopped courting her

Jake Cuenca admits he still has special feelings for Jessy Mendiola: “Sa totoo lang sobrang busy ng schedule kaya pati sa sarili ko, wala na akong oras. Kung tumigil man ang panliligaw ko sa kanya, di naman tumigil ang nararamdaman ko para sa kanya.”


Sa nakaaraang launching ni Jessy Mendiola bilang bagong brand ambassador ng Rexona noong nakaraang Miyerkules sa isang bar sa The Fort, kinumpirma ng aktres na huminto na pareho sa panliligaw sa kanya sina Sam Milby at Jake Cuenca.

Noong kasagsagan ng Maria Mercedes ay sabay na nagpahayag ng interes kay Jessy ang dalawang aktor.

Consistent pa nga sina Sam at Jake noon sa pagsabi ng, “May the best man win,” ukol sa pakikipagkompetisyon nila para sa puso ng aktres.

Nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at Cinema News si Jake kamakailan sa bakuran ng ABS-CBN, kinumpirma ng aktor na tumigil na nga siya sa panliligaw sa aktres pero hindi raw ito nangangahulugang huminto na rin ang espesyal na nararamdaman niya para sa dating kapareha.

Pag-amin ni Jake, “Sa totoo lang sobrang busy ng schedule kaya pati sa sarili ko, wala na akong oras. Kung tumigil man ang panliligaw ko sa kanya, di naman tumigil ang nararamdaman ko para sa kanya.

“Okay naman kami, medyo busy ako sa ngayon so hindi kami nakapakapag-usap masyado, di kami nagkikita. Kala ko makikita ko siya sa ASAP pero wala siya sa ASAP.

INTERNATIONAL NOMINATION. Nominado si Jake as Best Actor sa 4th Queens Film Festival sa New York City para sa mahusay na pagkakaganap niya sa pelikulang, Nuwebe. Masayang-masaya naman ang aktor sa nominasyon na natanggap na para sa kanya ay parang nanalo na raw siya.

Saad niya, “Sobrang nakakatuwa na ang layo na nang narating nung pelikula.

“Malalim kasi yung istorya, sobrang dark. Here na-overlook pero nakakatuwa na napapansin nila abroad.

“For me, ma-nominate lang as Best Actor dun para na akong nanalo kasi parang umabot na ng ibang bansa yung performance ko.

“Nakakatuwa lang na mas maraming tao ang nakakanood sa akin, mas maraming nakaka-appreciate sa binibigay ko kasi I really work hard for it.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

OUT OF THE BOX. Ayon kay Jake, sa simula pa lang ay hindi na talaga siya nakakahon sa tipo ng mga papel na kanyang ginagampanan. Naniniwala siya na anumang roles na ginampanan niya sa indie films ay nakatulong nang malaki para magampanan niya nang mahusay ang role bilang kontrabida sa seryeng Ikaw Lamang.

Dagdag pa ni Jake, “Lagi naman e, ever since naman, ’di ba?

“Katulad ng sinabi ko lagi akong may bagong hinahain para sa mga nanonood sa akin. Obligasyon ko ’yon para sa mga nanonood sa akin, sa mga katrabaho ko na laging iba-iba ang binibigay ko sa kanila.

“Nung binitawan ko yung salita na ’yon, sinabi ko na ayokong umulit ng role, gusto ko iba-iba, the day na sinabi ko ’yon, pinanindigan ko ’yon.

“I think lahat ng projects na ’yon, nag-build up to this point na gagawin ko ang Ikaw Lamang.

“With good actors like sila Julia [Montes], Kim [Chiu], Coco [Martin], sila Tito Ron [Ronaldo Valdez], etc. parang feeling ko inaalagaan ako ng Diyos, ni-lead niya ako to this point for this soap opera para ipakita din sa tao ng lahat ng natututuhan ko, lahat ng nakuha ko sa pamamagitan ng indie movies na ginawa ko.”

Tulad ng sinabi ni Jake sa nakaraang presscon ng Ikaw Lamang, hindi issue kahit kailan sa kanya kung maging bida, kontrabida o extra man ang role na gagampanan niya basta naramdaman niya ang karakter na dapat niyang bigyang buhay.

“Basta tumagos sa puso ko, nagustuhan ko ang isang role, di importante sa akin kung extra, kontrabida o bida ‘yan. Basta sa akin nakaka-relate ako, naramdaman ko yung script, yung character, tatanggapin ko talaga,” diin ni Jake.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN