Annaliza star Andrea Brillantes saving up for house and car

What Andrea Brilliantes learned from playing the role of Annaliza for the past 10 months: "Kahit gawan ng masama, huwag ka po papatol dahil sabi nga, ’Vengeance is not ours, it’s God’s!’ Kahit mahirap yung buhay, lagi pa ring dapat nakangiti dahil a kembot a day keeps the bad vibes away!”


"Si Andrea Brillantes ang susunod na Judy Ann Santos."

Ito ang pahayag ng direktor ng orihinal na Annaliza drama series—na pinagbidahan ng yumaong si Julie Vega—na si Gil Soriano.

Ano ang reaksiyon ni Andrea tungkol dito?

“Natuwa po ako dun sa sinabi niya at saka nagustuhan niya yung pagka-remake namin sa Annaliza.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Andrea noong Sabado, March 15, sa ABS-CBN compound, para sa presscon ng finale ng teleserye na pinagbibidahan niya.

Nagsilbing post-birthday party rin ito ni Andrea, who turned 11 last March 12.

Kaya in attendance din ang ibas pang mga artista ng Annaliza—sina Zanjoe Marudo, Denise Laurel, Kaye Abad, at Carlo Aquino; kasama ang child stars na sina Kyline Alcantara at Jilian Aguila.

Nasambit pa ni Andrea na masayang-masaya siya "dahil unang-una ko po na show na naging successful po agad, ’tsaka hindi ko po kasi talaga inakala na aabot kami ng ten months."

Nagsimula ang Annaliza noong May 2013.

NEW TELESERYE. Sa nalalapit na pagtatapos ng Annaliza ay may kapalit agad na show ni Andrea.

Ito ay ang Hawak Kamay na pagbibidahan nina Piolo Pascual at Iza Calzado.

Kasama rin dito ang Kapamilya child stars na sina Xyriel Manabat, Zaijian Jaranilla, at Yesha Camille na grand winner ng Promil Pre-School i-Shine Talent Camp last year.

Pahayag ni Andrea, “Excited na din po akong makatrabaho si Piolo Pascual at saka si Ate Iza.”

Close daw sila ni Xyril at “my friend” ang tawagan nila.

Nagagalingan naman daw siya kay Zaijian na napapanood niya sa Ikaw Lamang.

TATAY ZANJOE. Masaya raw si Andrea dahil naging mas close sila ng Annaliza co-stars niya, lalo na ang kanyang "Tatay Zanjoe."

“Yung nakasama ko po sina Tatay, masaya po ako dahil mas naging close ako sa kanila, naging ninong ko pa sila.

"Masaya po silang makatrabaho at mababait naman po sila sa akin.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa pagtatapos ng Annaliza, higit daw na mami-miss ni Andrea si Zanjoe at ang kasintahan nitong si Bea Alonzo.

Kinukuha na ba siyang flower girl ng magkasintahan sa kasal nila?

“Matagal pa daw sila, e,” nakangiting sabi ni Andrea.

Ano naman ang mga advice na ibinigay sa kanya ng Tatay Zanjoe niya?

“Huwag pong lalaki yung ulo. Huwag po akong magbabago.

"Lagi daw po akong magiging mabait, makinig sa mga magulang.”

Ganun din daw ang turo sa kanya ng mga magulang niya.

Pag-amin ni Andrea, minsan ay napapagalitan siya ng kanyang mga magulang, lalo na kapag pinapatulog siya kapag walang eksena sa taping pero naglalaro siya.

FAVORITES. Sa mga paborito nitong Kapamilya actors, mga aktres muna ang binanggit ni Andrea na gusto niyang makatrabaho.

“Si Anne Curtis, si Kim Chiu, at si Bea Alonzo, pati po si Judy Ann.”

At sa mga male stars naman, “Si Gerald [Anderson], si Daniel [Padilla] pati po si Enrique Gil.”

Si Gerald, “kasi mabait siya ‘tsaka cute!”

Si Daniel ay crush niya, “Noon po, pero ngayon hindi na po, kuya ko na siya, e!”

Gusto raw naman niya si Enrique dahil magaling itong sumayaw.

“Sumasayaw siya habang umaarte!” ang tumatawang sinabi pa ni Andrea.

Nakakaaliw naman ang naging sagot ni Andrea sa tanong kung anong role ang gusto niyang gampanan in the future: “Sirena, bampira, bulag, fairy, pilay, action star!”

Wala raw siyang crush ngayon.

“Pag 18 na daw po ako sabi ni Ninong RSB,” pagtukoy ni Andrea sa ABS-CBN business unit head at direktor na si Ruel S. Bayani.

BIRTHDAY WISH. At dahil kaarawan niya, ano ang wish niya?

Sagot ni Andrea, “Mas maging successful po yung career ko.

"Mas dumami po yung mga nagmamahal sa akin.

"Sana po maging mas sikat ako at magkaroon pa ako ng madaming mga projects.”

Dahil close sila ni Zanjoe, ano na ang mga nairegalo sa kanya nito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Wala pa raw bithday gift sa kanya ang aktor, pero dati ay may mga naibigay na ito sa kanya.

“School bag ko, unan na Tempur, ’tapos yung isa, secret lang.

“Sabi niya bawal ko daw sabihin, secret. Baka humingi daw yung iba.”

Pero nang nakaupo na rin sa panel sa presscon sina Zanjoe at iba pang cast ng Annaliza, with his permission, ay ini-reveal ni Andrea kung ano ang “secret gift” ni Zanjoe—isang iPhone 5c.

Si Bea ay marami na rin daw naibigay sa kanya: "Juicy Couture na bracelet, earrings, at bag.”

SPLURGES. Iniipon daw ni Andrea ang mga kinikita niya sa showbiz dahil “bibili po ako ng kotse, Starex po.”

Para naman daw sa kanyang sarili at sa kanyang pamilya ay may mga nabili na rin ang child actress, na bunso sa apat na magkakapatid.

Nag-iipon din daw siya ng pambili ng bahay.

Ayon kay Andrea, “Nung nag-i-start pa lang po kasi ako sa Annaliza, nag-rent po kami ng condo, walang-wala pa po yung laman.

"’Tapos nung tumatagal na kami nang tumatagal, nadadagdagan na, ’tapos ngayon ang dami-dami nang mga gamit!”

Incoming grade six student na si Andrea sa Ambassador School for Children sa Quezon City.

Aniya pa, “Pumupunta po yung tutor ko sa bahay pag hindi po ako nakakapasok.

"Tapos pumupunta po ako sa school para mag-exam at pag wala po akong taping.”

LIFE-CHANGING. Paano nabago ang buhay niya ngayong sikat na siya?

Sabi ni Andrea, “Madami na pong nagpapapiktyur sa akin.

"Madami na pong mga nakakakilala sa akin.

"Tsaka madami na pong mga nagmamahal sa akin."

Sa sampung buwan na pagtakbo ng Annaliza, ano ang natutunan ni Andrea bilang si Annaliza?

“Natutunan ko po sa kanya na huwag pong maggi-give up basta-basta.

"Lagi pong maging mabait sa kapwa.

"’Tsaka kahit gawan ka po ng masama, huwag ka po papatol dahil sabi nga, ’Vengeance is not ours, it’s God’s!’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“’Tsaka nalaman ko sa kanya na laging mag-aral na mabuti.

"Kahit mahirap yung buhay, lagi pa ring dapat nakangiti, dahil a kembot a day keeps the bad vibes away!”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN