Mark Herras says daughter inspires him more to work harder

Mark Herras on being a father: “Ang sarap-sarap hawakan ng kanyang kamay kapag hinawakan niya ang daliri ko, na hinihigpitan niya ang kapit. Nakakatuwa ang pakiramdam kapag nadidikit sa ‘yo ang malambot na katawan ng baby. Masayang hindi ko maipaliwanag. Sobrang nakakatuwa.”


Sobrang seryoso na sa buhay ang dating ngayon ng Kapuso actor na si Mark Herras.

Katatapos lang kasi niyang umamin na siya ay isa nang binatang-ama, kaya natatawa na lang daw siya kapag nakakarinig ng mga komentong doble-kayod daw sa kasipagan ang dapat niyang gawin, dahil kailangan niyang gumastos para sa pangangailangan ng kanyang anak na babae.

“Ganun naman siyempre talaga ang sasabihin nila, dahil mayroon nga akong inamin at may kasamang responsibilidad iyon,” wika ni Mark nang makakuwentuhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Linggo, March 23, pagkatapos ng Sunday All Stars sa GMA Network Center.

Dobleng sikap nga ba siya ngayon?

Tugon ng StarStruck alumnus, “Actually, kahit naman hindi ko isipin ang sasabihin ng ibang tao, basta may trabahong gagawin, masipag naman ako, e.

“Hindi dahilan na mayroon na ngayong baby sa buhay ko.

“Nung mag-showbiz ako, alam ko sa sarili ko na trabaho ito, e.

“Kaya masipag akong nagtatrabaho at magtatrabaho pa ako para din sa future ko.

“Pero ngayong may anak na ako, dagdag inspirasyon siya para lalo pa akong magsikap.”



BALANCING ACT. Abala si Mark sa primetime series na Rhodora X. Papaano niya nabibigyan ng panahon ang anak na kanyang inspirasyon sa ngayon?

“Naisisingit ko rin naman,” seryosong tugon ni Mark.

“Sobrang busy ako ngayon lagi sa taping, halos araw-araw kasi ay may taping ako.

“Pero kapag may time, talagang lagi kong gustong makasama si baby.

“Kasi sa ngayon, ang sarap-sarap tingnan ni baby.

“Ang sarap-sarap hawakan ng kanyang kamay kapag hinawakan niya ang daliri ko, na hinihigpitan niya ang kapit.

“Nakakatuwa ang pakiramdam kapag nadidikit sa ‘yo ang malambot na katawan ng baby.

“Masayang hindi ko maipaliwanag. Sobrang nakakatuwa.”

Papaano ba mag-alaga ng sanggol ang isang bagong daddy?

Sabi ni Mark, “Sobra lang akong nakatitig lagi kay baby.

“Nasa tabi niya lang ako lagi. Patingin-tingin, pahaplos-haplos.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yung saya ng maranasang magpalit ka din ng diaper ng baby, hindi ko pa nagagawa. Hindi ko pa kaya.

“Malambot pa si baby. Natatakot ako kapag gagalawin siyang sobra.

“Kapag napapansin kong kailangan nang palitan ang diaper ni baby, ibinibigay ko na sa mommy niya.

“Ipinauubaya ko na ang gawaing iyon sa kanya.”



MARK’S MANAGER. Kapag seryoso na sa lovelife ang mga alagang artista ni Lolit Solis ay hindi na ito masyadong nakikialam. May tampo pa ba sa kanya si Manay Lolit?

Tugon ni Mark, “Sobrang nanay ko ‘yon, e.

“Ang ipinaramdam lang naman sa akin ni Nay Lolit ay nagulat siya.

“Pero yung galit o tampo sa isang alaga na parang anak na rin niya ay hindi ko naramdaman.

“Parang nanay pa rin sa akin ang ipinakita ni Nay Lolit, dahil pagkatapos nung mangyari ang pag-amin ko na mayroon na akong anak, puro pang-unawa na ang ipinaparating at ipinapakita sa akin ni Nay Lolit.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN