Balak nang bumalik sa Pilipinas ng US-based actress na si Beth Tamayo.
Nanggaling ang balitang uuwi si Beth sa pamangkin nitong si Dom Roque nang ma-interview ang young actor sa press conference ng Moon of Desire ng ABS-CBN noong nakaraang linggo.
Kinumpirma ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Beth mismo, kung totoo ngang gusto niyang umuwi ng Pilipinas, sa pamamagitan ng private messaging sa Facebook kahapon, March 31, Lunes.
Sagot niya, “Tama si Dom. I do have plans of going home this year.
“Sana Christmas, kasi ilang years ko na ding hindi nase-celebrate ang Pasko and New Year with my family and dear friends like I used to.
“Bahala na si Lord kung ano ang tamang panahon. Basta within this year.”
Hindi naman itinanggi ni Beth na may mga kaso siyang iniwasang harapin noon dahil sobrang nagulo ang mundo niya nang dahil sa kanyang ex-husband na si Johnny Wong.
Pero handa raw itong harapin ni Beth upang mapatunayang wala siyang kinalaman sa mga naging kaso ng kanyang dating mister.
Sabi niya, “I know may mga cases that were filed against me because of my ex-husband.
“Haharapin ko ang mga ‘yan nang paunti-unti. It's all about timing.”
Ang magiging lakas daw ni Beth sa pagharap sa mga kaso na ito ay ang kanyang pamilya na ilang taon na niyang hindi nakakasama.
“At least diyan sa Pilipinas, may problema man akong haharapin, nandiyan ang pamilya ko to give me moral support.
“Sila ang magiging lakas ko sa pagharap sa mga problema.”
BETH’S NEPHEW. Natutuwa naman si Beth dahil unti-unti nang nakikilala at nabibigyan ng break ang kanyang pamangkin na si Dom Roque.
Pahayag ni Beth, “From the very beginning naman, I've supported Dom sa gusto niya.
“When he started doing commercials, until he was casted to be one of the leads sa Aryana, ako ang unang-una natutuwa sa mga achievements niya.
“I am very proud of my nephew. I knew then na may mararating siya.
“Dom was like me when I was starting in show business. Ngayon, nakakatulong na din siya sa family niya.
“I've always advised him na huwag maging pasaway.
“I always tell him to be professional all the time and maging maayos na katrabaho.”
Kahit nga raw umalis ng bansa si Beth, hindi naputol ang communication nila ng pamangkin.
Saad ng aktres, “Dom always seeks my advice sa mga ginagawa niya.
“Up to now, we constantly communicate.
“Panay balita siya sa akin ng mga projects niya at humihingi pa rin siya ng mga advice sa akin.
“I am happy na he’s making it big now.
“Sabi ko naman sa kanya na patience lang ang kailangan.
“Huwag magmadali at mararating niya rin ang mga gusto niya sa career niya.”
SEXY IMAGE. Sang-ayon naman daw si Beth sa sexy image ng kanyang pamangkin.
“Sa sexy image naman ni Dom, okey lang naman.
“May karapatan naman siya, e.
“I guess aside from having a sexy image, dapat may ibubuga ka din sa acting, ‘di ba?
“Hindi naman siguro siya bibigyan ng ganyang image if he doesn’t have what it takes.
“And I believe na doon naman siya papunta.
“I always wish him well. He knows how much I love and miss him.”
