Pinabulaanan ni Anne Curtis ang report ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na pinahiya niya si Sam Concepcion sa birthday party ni Vice Ganda.
Ayon sa report ng PEP, naganap ang insidente sa pagitan nina Anne at Sam sa 71 Gramercy, Makati City, noong madaling-araw ng March 31, Lunes.
Dalawang reliable sources ang nagkuwento sa PEP na sinabihan ni Anne si Sam ng: “Why are you here? Who invited you? You are not classy enough to be here!”
Noong mga oras na ito, ayon sa isang source, nakainom na ang Dyesebel actress.
Naringgan din daw si Anne na sinabihan si Sam ng ganito: “Ba’t mo niloloko ang kapatid ko?”
Ang Mira Bella actor ang napapabalitang boyfriend ng nakababatang kapatid ni Anne na si Jasmine Curtis Smith.
Ilang oras lamang pagkatapos mailathala sa PEP ang report, nagbigay ng kanyang reaksiyon si Anne sa pamamagitan ng kanyang Instagram account (annecurtissmith).
Kalakip ng kanyang mensahe ang isang group photo kung saan kasama siya, si Vice, at si Sam. Nasa larawan din ang model na si Georgina Wilson at ang young actor na si Marco Gumabao.
Sa caption ay itinanggi ni Anne ang balita at sinabing wala silang problema ni Sam.
“Taken at Vice's birthday. Of course I spoke to Sam that night and as always, I told him to take care of my baby sister. Like any ate would do BUT to clarify I DID NOT say any of those words written in the article. Kahit tanungin nyo pa si Sam. Even he doesn't know where those words came from. Basta. Ang mahalaga Sam and I are ok. End of story, no issue here. 💋”
Sa kabila nito, naninindigan ang dalawang sources sa report na nailathala ng PEP.
Sambit ng isa sa PEP sources na nakausap namin sa pamamagitan ng telepono ngayong gabi, 8:02 p.m., "Ang daming nakakita at nakarinig...
"She will deny. There's a lot at stake for Anne. Bukod sa soap, may concert siya, may bagong endorsement.
"Pareho ring hawak ng Dreamscape ang Dyesebel at Mira Bella..."
Ang Dreamscape ay isang business unit sa ABS-CBN na pinamumunuan ni Deo Endrinal.
Sa hiwalay na panayam sa telepono bandang 9:20 p.m., sinabi ng isa pang source na naroon sa venue, "Anne really said those hurtful things to that effect..."
Nananatili namang bukas ang PEP sa anumang pahayag na nais iparating ni Sam tungkol sa isyu.