Maraming followers ni Yasmien Kurdi sa Instagram ang naintriga sa sentimental posts ng aktres noong huling linggo ng Marso.
Tila may pinagdadaanan daw ang Kapuso actress.
Sa set visit sa primetime teleserye ng GMA na Rhodora X, noong April 3, Huwebes, sa The Orchard Gold and Country Club, Dasmariñas, Cavite, inusisa ng media si Yasmien tungkol sa kanyang posts.
Paliwanag niya, “Kasi nung time na ‘yon, kakagaling ko lang sa hospital, nagpa-stroboscopy ako.
“Nalaman ko may cyst ako sa throat, 'tapos kailangan siyang operahan.”
Ang stroboscopy ay eksaminasyon, gamit ang stroboscope, sa vocal cords at sa mga nakapaligid na bahagi nito.
Patuloy niya, “Kaya pala paos ako sa buong show ng Rhodora X, kaya pala pag kumakanta ako, hirap na hirap akong magsalita.
“Pag sisigaw lang ako nang konti, paos na agad.
“Nadi-depress ako nung time na 'yon.
“Sabi po, kailangan talagang tanggalin.
“Hindi ko na nga binasa yung result, naiiyak ako pag binabasa ko siya.
"Ayoko siyang buksan... ang envelope."
SINGING VOICE. Balak ni Yasmien na ipatanggal ang cyst sa kanyang lalamunan kapag natapos na ang teleseryeng pinagbibidahan nila nina Jennylyn Mercado at Mark Herras.
“Inaantay ko na lang po yung Rhodora X.
“Ang gagawin daw po, pag tinanggal, okay lang po ‘yon… mga one month hindi makakasalita.
“Ang laki po niya,” pagtukoy pa ng aktres sa cyst. “Nahihirapang lumunok, huminga.”
May isa pang bumabagabag kay Yasmien kapag ipinatanggal na niya ang cyst sa kanyang lalamunan.
“Sabi ng doctor, wala raw kasiguraduhan kung babalik pa yung boses ko.”
Inaalala ni Yasmien na mawala na ang kanyang boses sa pagkanta.
“Nung bumalik ako sa showbiz, may plans akong mag-recording... kasi first love ko singing, second na lang ang acting.
“Nung teenager ako, may time na ito ang naging puhunan ko. I love singing talaga.”
Nagkaroon ng dalawang albums si Yasmien sa GMA Records: ang In The Name of Love noong 2005 at Love Is All I Need noong 2007.
Kabilang sa naging hit songs niya ang "I Know," "In The Name of Love," at "Umaambisyon."
Sa kabila nito, nananatiling positibo si Yasmien dahil may mga nagpapalakas sa kanyang loob.
May nagsabi raw sa kanya na kahit sina Vice Ganda, Cherie Gil, at Kris Aquino ay nagkaroon ng problema sa kanilang lalamunan pero nalagpasan nila ito.
NOT INSECURE OF JENNYLYN. Tinanong din si Yasmien tungkol sa kanyang karakter sa Rhodora X bilang Angela, na mula sa mabait ay nagiging kontrabida na ngayon.
Sabi niya, “Si Angela [Yasmien], galit siya sa kapatid niya dahil sinira ang buhay niya, pero naiisip pa rin niya sa sarili niya na, 'Kapatid ko ‘to.'
“Galit ka, gusto mong mang-inis, mang-asar, pero yun lang ‘yon, para mainis lang siya. Hindi tipong, ‘Papatayin kita!’”
Sa teleserye ay magkapatid ang karakter nina Yasmien at Jennylyn.
Umaaani ng papuri si Jennylyn dahil sa pagganap niya ng iba't ibang personalities. Wala raw problema rito si Yasmien.
Sabi niya, “Okay lang naman po ‘yon kasi siya si Rhodora X.
“Tatlo ang personalities niya, ginagawa niya ang best niya sa bawat eksena niya.
“Yung itinagal niya sa showbiz, nung umalis ako, ang dami niyang pinagdaanan. “
Dagdag niya, “Ginagawa ko ang best ko sa lahat ng eksena.
“Hindi naman po ako nai-insecure.
“Siyempre pag eksena, kailangan teamwork po ‘yan, kailangan nagdya-jive kayong lahat, teamwork.”
