Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Rochelle Pangilinan, napag-usapan ang tungkol sa napabalitang tangka umanong pagpapakamatay ng dati niyang manager na si Joy Cancio.
“Actually, yun ang sinasabi ng lahat pero siyempre ayokong maniwala kasi hangga’t hindi nanggagaling sa kanya.
“At hanggang ngayon kasi hindi ko pa rin naman siya nakakausap, e. Hindi ko rin nadalaw sa ospital kasi bawal daw, e.
“So siyempre irespeto mo yung gusto niya, 'di ba?
“Nakalabas na, e. Ngayon hindi ko alam kung nasaan.
“Kahit call, iba na yung number niya, e.
“So ang nakikita ko na lang yung bunso niya, yung bunso niyang lalaki at bunso niyang babae,” panimulang kuwento ni Rochelle.
Tinanong ba niya ang anak ni Joy tungkol sa kalagayan nito?
“Actually, hindi ko tinanong kasi nakakahiya, kasi anak yun, e. Anak din naman ako, e.
“So siyempre kung may tatanungin ako, si Ate Joy mismo.
“So, ayoko ring magsalita kung ano at anuman, ayokong magsalita tungkol sa kanya kasi gusto ko siya muna yung makausap ko bago iba,” diin niya.
Nakausap ng PEP si Rochelle noong March 27 sa Cucina Ni Bunso sa Morato para sa pocket presscon ng ilang talents ng PPL Entertainment Inc.
AT HOME WITH PPL FAMILY. Tatlong taon ang kontrata ni Rochelle sa GMA, at sa PPL ay nais daw niya na panghabambuhay na ang kanyang kontrata.
Masaya niyang kuwento, “Nag-e-enjoy ako, e. Kasi iba yung ano naman dito.
"Actually, bago ako umalis kay Ate Joy pinag-pray ko ito, na sana makapunta ako sa parang pamilya din yung turingan. So, 'eto na yung nahanap ko.
“Ewan ko, may laya kang gumalaw na kahit anong gawin mo. Kaya lang siyempre kung alam mo namang masama, so bakit mo gagawin?
“So ganun naman sila, ganun itong pamilyang ito, e. Masyadong bonded, mahirap gibain. Alam mo yung masyadong kapit-kapit itong PPL?
"So sobrang happy na ako dito, gusto ko lifetime akong nandito.”
HAPPY FOR JOLINA. At ang reaksyon ni Rochelle sa pag-graduate ni Dingdong Dantes sa kolehiyo at pagkakaroon ng baby ni Jolina Magdangal na pareho niyang kapatid sa PPL:
“Ay naku, bongga!” bulalas niya.
Kuwento pa niya tungkol kay Jolina, “Nagtutuksuhan kami lagi, meron kaming code na, ‘Ba-bye fresh eggs!’
“Kasi gusto na niyang magka-baby, e. So 'pag nagkikita kami, tuksuhan namin yun. Ngayon natiyempuhan na siya at meron na siyang talagang Pele na ang cute-cute naman talaga.”
Pele ang pangalan ng baby ni Jolina.
Aminado naman si Rochelle na naiinggit siya kay Jolina.
“Oo naman! Hindi na ako bata, e.”
Pero hindi raw payag si Rochele na magkaanak bago ikasal.
“Kasal muna. Gusto kong lumakad sa altar nang wala pang 'laman.'
“Gusto ko talaga yung magkaroon kami ng tamang time, ma-experience namin, yung ganun,” paliwanag niya.
Nasa tipo rin naman ng boyfriend niyang si Arthur Solinap na ayaw rin nito ng anak muna bago ang kasal.
“'Tsaka yung family nila halos, sobrang conservative,” dagdag pa ni Rochelle.
ADMIRES DINGDONG. Pahayag naman ni Rochelle tungkol kay Dingdong, “Alam mo sa totoo lang, kahit ako napatanong ako kay Art, ‘Paano niya napagkasya yung oras niya diyan?’ 'Di ba?”
Magpinsan sina Arthur at Dingdong.
Sabi pa niya, “Sabi ko sobrang ang galing naman ni Dong, ang galing-galing niya!
“Talagang gusto niya talagang tapusin. Talagang nakaka-amaze yung ganun,” paghanga pa niya sa Kapuso Primetime King.
Sa West Negros University, Bacolod City, nagtapos ng kursong B.S. Business Administration major in Marketing si Dingdong.
“'Tsaka hindi siya nagsasalita na, ‘Aalis na naman ako.’ Hindi siya ganun, never siyang lumabas. So ang galing!”
May usapan kaya sina Arthur at Dingdong kung sino ang mauunang magpakasal?
Maugong palagi ang isyu ng kasalan nina Dingdong at Marian Rivera.
“Hay naku, sila lang ang makakasagot niyan,” at natawa si Rochelle.
“Naku, ang mga lalaki mas tsismoso kaysa sa amin.”
Nagbakasyon sa Balesin sina Dingdong at Marian kasama ang isa pang pinsan nina Dingdong at Arthur (at PPL talent din) na si Carlo Gonzales at girlfriend nitong si Luane Dy.
Bakit hindi sumama sina Rochelle at Arthur?
“Si Yanyan nakapagpaalam sa Carmela, ako hindi,” at tumawa si Rochelle.
WEDDING BELLS. Magkasama ang dalawa sa drama series ng GMA na Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw.
Sino kaya kina Arthur, Carlo, at Dingdong ang mauunang ikasal?
“Naku! Si God na ang makakasagot kung ano ba ang plano Niya.
“Darating naman 'yan at saka hindi naman namin maililihim 'yan, at ayaw naming ilihim.
“Kasi ganun din, para lang kaming tanga na nasa showbiz and then amin kami nang amin 'tapos biglang ililihim namin ang kasal.
“Malalaman ng lahat 'yan. Hindi kami magpapakalihim diyan,” pag-amin niya.
At kahit kasal na sila ni Arthur, itutuloy pa rin daw nilang pareho ang kani-kanilang showbiz career.
CONSISTENT BEST PERFORMER IN SAS. Regular din si Rochelle sa Sunday All Stars (SAS) at ilang beses na siyang nanalong Best Performer dito.
“'Di ba? Alam mo baka ayaw na nila,” at tumawa si Rochelle.
“Sabi kasi ni Ms. Pops [Fernandez, na nagdya-judge sa SAS], ‘Once again, Rochelle Pangilinan!’
“Sabi ko, ‘Ayaw mo na po ba, ma'am?’
“Wala, siyempre sobrang happy ako na, 'O, no choice kayo, 'di ba?'
“Linggu-linggo, buwis-buhay. Ang hirap, ha? Hindi siya biro, ha?” pahayag niya.
Sinasadya ba niyang galingan o sa kanya napapapunta ang mahihirap na choreography?
Pagpapakumbaba niya, “Hindi naman. Nagkakataon na ako yung malakas ang loob... na walang katakut-takot para gawin lahat yung mga ganung bagay.”
Isa nga raw si Rochelle sa kinaiinggitan ng ilang stars dati ng Party Pilipinas na hindi nailagay sa Sunday All Stars bilang regular performer.
Pakli niya, “Siyempre thankful ako kasi may karagdagan akong trabaho.”
Ano ang mensahe ni Rochelle para sa mga naiingiit sa kanya?
Lahad niya, “May plano lahat para sa kanila, for sure. Kung hindi sa kanila ito nataon, maybe... Mahirap naman talaga itong Sunday All Stars at hindi siya biro, at alam ko namang kakayanin din nila.
“Siguro may nakalaan talaga para sa kanila and alam mo naman ang showbiz, nasa ibabaw ka minsan, nasa ilalim ka. Ganun lang naman 'yan.
“At magkakaroon sila niyan, hindi niyan sila mawawalan as long andito pa sila sa GMA.”
