Inaasam daw ni Alma Concepcion na magsilbing inspirasyon sa mga katulad niyang single moms.
Ito ang nakangiting pahayag ng dating beauty queen sa eksklusibong panayam sa kanya ng PEP.ph (Pilippine Entertainment Portal) noong Sabado, April 5, sa SomoSam Restaurant sa Gateway, Cubao, Quezon City.
Magtatapos na siya ng kursong Interior Design sa University of the Philippines sa April 25.
Tinatapos na lamang daw niya ang kanyang thesis na The Preference of Filipino Male Adolescents and Social Spaces na bahagi ng requirement niya bilang isang graduating student.
ROLE MODEL. Tuwing may nakakausap daw si Alma na tulad niyang single mom, at naikukuwento ang tungkol sa kanyang tinatapos na kurso, sinasabi raw ng mga ito na gusto nilang tularan siya.
Aniya, "Now that I'm graduating, parang gusto kong i-push at mag-inspire ng mga mom na, 'Oy, puwede palang pagsabayin yung study at work.'
"Well, aside from being a single mom, I was already working when I was a teenager.
"Abnormal para sa akin to stop.
"I have a lot of free time, and the interval of acting projects is big also so naisip ko, 'Ano kaya ang magagawa mo?'
"Kaya nag-enrol ako sa UP noong nag-whole day na sa school ang anak ko na dati ay half-day lang sa school, so sinabayan ko.
"So, sabay kaming ga-graduate ngayon... ga-graduate siya ng kanyang grade school [8th Grade]."
Si Alma ay graduate din ng International Business sa Southville International School noong 2000, isang taon bago niya ipinanganak si Cobie, na 14 years old na ngayon.
MOVIE PROJECTS. Samantala, habang tinatapos ni Alma ang kanyang kursong Interior Design ay naisingit pa rin niya ang mga proyektong Pintada (2012), Babagwa at Kaleidoscope World (2013), at ang malapit nang ipalabas na Bagong Dugo Sa Lumang Ugat.
Kuwento pa ng Bb. Pilipinas-International 1994, "The whole five years, I've been studying, pero may pasulput-sulpot na movies.
"Parang puwede naman kasing mag-absent sa school, kaya when Pintada came, isinabay ko siya sa school.
"Yung last three years ko sa UP, buhos talaga yung concentration ko.
"And then, in the latter part, nami-miss ko na ring umarte.
"And now na graduating na ako, sabi ko, 'Okay, I can do both.'
"Kaya, ayun."
Ibig bang sabihin nito ay muli siyang magiging aktibo sa paggawa ng film and TV assignments?
"Puwede naman," pasubali niya.
"Ang maganda, it can be scheduled, it's not a regular thing."
MATURE ACTRESS. Per project rin daw ang interior design at may ka-team siya rito, kaya puwede niyang isantabi muna ito habang gumagawa siya ng pelikula.
Dagdag pa ni Alma, "At saka, yun na lang ata ang kulang ko, yung hunger ko as a more mature actress.
"Kasi, if you do something na paulit-ulit, like when I was a teenager, may sawa factor din, 'di ba?
"May mga roles kasi na, at this stage, masasabi mong, 'You're done with it.'
"So, medyo namimili ka na rin. A project should compliment at hindi makakabawas sa kung ano ang nabuo ko.
"Meron ilang projects na in-offer sa akin na medyo hindi ako happy."
IDOLS. Bukas din naman daw siya sa posibilidad na ang mga papel na gagampanan niya ay hindi 'tulad ng dati.
Ang inaasam daw niya ay 'tulad ng roles na ginagampanan ngayon ng kanyang idolong si Dawn Zulueta.
Pag-amin ni Alma, "Actually si Dawn, isa talaga siya sa mga iniidolo kong artista, aside from Cherie Gil.
"They age so gracefully, they're also elegant."
Ano ang opinyon ng kanyang nag-iisang anak tungkol sa desisyon niyang muling maging aktibo sa show business?
Saad niya, "When I did Krystala with ABS-CBN, he was young pa and he didn't like na three times akong wala sa bahay.
"His grades went down and he was medyo traumatized siya na nawawala ako sa bahay.
"So, it was hard for me to nurture my career and at the same time to be a mom.
"Torture yun sa akin and ang hirap sa dibdib, kasi umiiyak talaga siya.
"Pero nung lumalaki na siya, out of the blue, natanong niya na, 'Mom, why are you not acting anymore?'
"Sabi ko, '''Di ba, you told me na ayaw mo?'
"Pero nung dumating yung Pintada, he told me, 'Sige, Mom, you go back to acting.'
"So, parang nag-mature na siya at medyo naiintindihan na niya yung concept of work.
"And then, nagiging proud na rin siya na artista yung mom niya.
"Nakakatawa nga, kasi nung lumalaki na, hindi niya alam na artista ako, parang he was the last to know.
"Nagtataka siya ba't may nagpapa-picture sa akin.
"I explained to him na I worked sa movies, I come out sa TV. "
HOT MOMMA. Hindi rin maipagkakaila na isa sa mga hot momma sa local showbiz si Alma.
Naikuwento niya sa amin na minsang magkasama silang mag-ina, ang topic sa radio show na pinakikinggan nila while driving ay ang tungkol dito.
Nangingiting kuwento ni Alma, "Hatid-sundo ko kasi siya sa school.
"'Tapos, yung topic nga sa radio ay tungkol sa 'hot moms.'
"Tapos, tinanong ko siya, "Cobie, do your classmates find me hot?'
"Sagot niya, 'Oh, Mom, you shouldn't be asking that!'
"Sabi pa niya, 'Yeah, I got that all the time, like evey day.'
"Ako naman, fishing-fishing ako, 'Like, how many times?'
"'Like a million times,' sagot naman niya.
"Natatawa ako kasi ganun pala ang mga kabataan ngayon.
"May crush-crush din pala silang mga mommy.
"Nakakatuwa naman."
