Nakatanggap ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng impormasyong hiwalay na raw ang mag-asawang Maricar de Mesa at Don Allado pagkatapos ng mahigit pitong taong pagsasama.
Ayon sa isang source na malapit sa aktres, naganap ang hiwalayan sa pagitan ni Maricar at ng PBA player tatlong linggo na ang nakararaan.
Kuwento pa nito, kusang umalis si Don sa kanilang tinitirhan ni Maricar.
Bumalik lang daw ang Meralco Bolts player upang kunin ang iba pa niyang mga gamit.
Ngunit paniniyak ng aming source, walang third party sa paghihiwalay nina Maricar at Don.
Emotional din daw si Maricar sa sinapit ng kanilang pagsasama ni Don, dahil hindi raw nito akalaing kakalas ang asawa.
Sabi pa ng source, nagparamdam na raw si Don sa intensiyon niyang i-legalize ang kanilang paghihiwalay sa pamamagitan ng pagpa-file ng annulment.
Ikinasal sina Maricar at Don noong December 1, 2006, sa Our Lady of Consolation Parish, Tandang Sora, Quezon City.
BABY ISSUE. Matagal na raw may problema ang mag-asawa na hindi nila maresolbahan.
Isa raw sa posibleng pinag-ugatan ng marital problems nila ay ang hindi nila pagkakaroon ng anak.
Ayon sa source, bagamat malamang na hindi ito ang pinakamatinding dahilan, maaaring isa ito sa hindi pagkakaunawaan ng mag-asawa.
Ilang taon na ring naging topic sa showbiz columns at blind items ang pagsasama nina Maricar at Don, lalo na noong sumulpot ang balitang hirap ang mag-asawang makabuo ng baby.
Pero itinanggi ito ng dalawa.
Sa katunayan, sa pinakahuling interview ng PEP kay Maricar, ibinalita nitong nagsimula na siyang sumailalim sa in vitro procedure bilang paghahanda sa kanyang pagbubuntis.
Hindi lang ito maisagawa agad dahil sa kanyang regular appearance sa GMA afternoon soap na Villa Quintana kung saan kontrabida siya.
Nangako si Maricar na pagkatapos ng teleseryeng kinabibilangan ay sasalang na siya sa proseso para matupad ang kanilang pangarap ni Don na magkaanak.
Nakaimbak daw sa freezer ang na-harvest na semilya sa kanila ni Don at anumang oras ay itatanim na ito sa kanya.
NEITHER CONFIRM NOR DENY. Upang kumpirmahin ang report na ito ay kinontak ng PEP ang publicist ni Maricar na si Lana Johnson kahapon, April 6.
Agad naman itong tumugon sa pamamagitan ng pagbibigay ng statement.
Sabi nito tungkol sa balita, "We're not denying nor confirming the separation issue.
"Maricar and Don will release their official statement or face the media when they already settled things.
"As of now, Maricar is going through an emotional phase in her life. But as a professional, she will fulfill her obligation as an actor in her soap Villa Quintana with GMA-7.
"We're hoping for the best of them."
Bukas din ang PEP sa panig ni Don Allado kaugnay ng isyung ito.
