"I'm very sorry James sa lahat ng heartache na ibinigay ko."
Ito ang sinabi ni Kris Aquino sa dating asawang si James Yap nang magkaharap sila sa birthday celebration ng kanilang anak na si Bimby kahapon, April 8.
Sa episode ng late-night talk show nina Kris at Boy Abunda sa ABS-CBN, ang Aquino at Abunda, kagabi, ay ipinakita ang video ng pag-uusap nina Kris at James.
Dito ay naging emosyunal ang TV host-actress nang alalahanin niya ang pinagsamahan nila ng dating mister.
Ibinunyag din ni Kris na mayroon siyang itinagong family photos nila ni James, at tinignan daw niya ang ilan sa mga ito noong Linggo ng gabi, April 6.
Kabilang dito ang larawan kung saan karga-karga ni James si Josh, na ngayon ay mas matangkad pa raw sa basketbolista.
Si Josh ay anak ni Kris sa dating karelasyong si Phillip Salvador, ngunit lumaki sa piling ni James nang magpakasal ang PBA player sa Queen of All Media.
Mangiyak-ngiyak na sabi ni Kris kay James, "Yung ang liit pa ni Josh nung una kang pumasok sa buhay namin.
"I shouldn't be crying. Don't misinterpret this, please.
"Siguro ang haba lang ng pinagdaanan.
"You stepped up for Josh naman. Na hindi naging madali, pero naging mabuti ka sa someone na hindi mo naman kadugo and never mo siyang trinato na iba sa 'yo.
"And pati yung family mo, they were always good to my son."
Inamin ni Kris kay James na hindi naging madali ang proseso nang pagdating niya sa puntong kaya na niyang magpatawad nang buung-buo, dahil "for so long, puro galit lang."
Ngunit na-realize na raw ni Kris na malaking bagay ang pagmamahal at pagtanggap ni James sa kanyang panganay na anak.
"Looking back, nine years of our lives ito, from the time we met to everything, it's been nine years.
"Kung tutuusin, nine [years old] si Josh nung nakilala kita.
"Sobrang na-appreciate ko na you also opened up your heart to him.
"I think my family, appreciative din sila dun.
"Yun ang pinu-point out ko kay Bimb: 'He was able to love your kuya, Bimb. So maybe, because we love Kuya, and he loves Kuya, you should also love him.'"
JOURNEY TO MUTUAL FORGIVENESS. July 2005 nang ikinasal sina Kris at James sa isang civil wedding ceremony na ginanap sa bahay ni Boy Abunda.
June 2010 nang ianunsiyo ni Kris sa The Buzz na hiwalay na sila ni James.
"Sumuko" na raw ang TV host-actress dahil hindi nila maayus-ayos ang problema nilang mag-asawa.
Pormal na na-annul ang kanilang kasal noong February 2012.
Kasabay nito ay ang legal process kaugnay ng visitation rights ni James kay Bimby.
Noong February 2014 ay pormal na nagkaayos sina Kris at James nang magkaroon sila ng "long-term agreement" tungkol sa pagkakaroon ng basketbolista ng sapat na oras na makasama si Bimby.
Sa pagpapatuloy ng pag-uusap nina Kris at James, sabi ng TV host-actress: "I want to say thank you to you because hindi ka sumuko.
"Ang ibang mga lalaki, puwedeng-puwedeng sumuko na at sabihin na, 'Bahala na kayo sa buhay niyo dahil ayoko na rin ng gulo.'
"Pero hindi ka rin bumitaw kaya nagpapasalamat ako sa 'yo."
Sa huli, humingi rin ng tawad si James kay Kris.
Aniya, "Sorry din.
"Sorry din sa 'yo kung hindi man ako naging perfect na partner mo.
"Thank you sa 'yo dahil natanggap mo pa rin ako ngayon na okay na tayo.
"So, thank you. Love, love, love!"
AS PARENTS OF BIMBY. Pagkatapos ipakita ang video ng pag-uusap nina Kris at James, ipinaliwanag ni Kris sa kanyang co-host na si Boy Abunda na ang sit-down interview nilang mag-asawa ay "tribute" para sa kaarawan ni Bimby.
Magdiriwang ng kanyang 7th birthday si Bimby sa April 19, ngunit nagkaroon ng advance birthday celebration kahapon, April 8, na ipalalabas sa daily morning program ni Kris na Kris TV.
Hindi man daw nagtagumpay ang pagsasama nila ni James bilang mag-asawa, walang katumbas ang biyayang natanggap ni Kris sa katauhan ni Bimby.
"Nagpasalamat ako kay James kasi, dahil sa kanya, nabigyan ako ng best friend.
"Bimb is my best friend. He's only turning seven, but he's my strength.
"Siya yung katulong ko sa pagpapalaki kay Kuya [Josh]. Siya yung umiintindi sa akin.
"Sinabi ko kay James na, 'I would never have had this beautiful gift if you were not a part of my life.'"
Kaya naman itinuturo raw ni Kris kay Bimby na respetuhin si James bilang ama nito.
Sabi pa ni Kris tungkol sa pagkakaayos nila ni James, "Ang natutunan ko ngayon, tama ka, for the rest of our lives, mamahalin natin ang isa't isa dahil sabay natin binuo ang batang ito.
"Kung saan man siya [James] pupunta, saan man ako pupunta, kung sino man ang makakasama namin, nandiyan yun.
"Nagmahalan kami kaya nagka-Bimby."
ON REGRETS AND NEW BEGINNINGS. Bago magtapos ang programa, tinanong ni Boy si Kris: "You do not love James Yap anymore? That you are emotional because of what you have explained about, and it has nothing to do with you not still being over him?"
Natawa si Kris at makikitang bahagyang nag-alinlangan na sagutin ang naturang tanong.
Ngunit sa huli ay sumeryoso si Kris at inaming nakaramdam siya ng panghihinayang dahil nauwi sa hiwalayan ang relasyon nila ni James.
Pahayag niya, "There’s a lot of regret, that’s the truth.
"Maraming panghihinayang.
"Nagsisi ako na dapat, nung nagpatawad ako, sana nagpatawad ako.
"But it is what it is and we have moved on.
"I will repeat it. Ibinigay ni James Yap sa akin ang isang bagay na no other man gave me. Ibinigay niya yung pangalan niya sa akin.
"So, nawala man yun, nabura man yun, meron kaming matinding pinagsamahan.
"The fact that, at one point in our lives, we loved each other enough, pero yung if I love him now...
"He will always have a place in my heart.
"But I’m at a point already na meron na akong ibang gustong makasama panghabambuhay."
Ang tinutukoy ni Kris na bagong lalaki sa buhay niya ay si Quezon City Mayor Herbert Bautista.
Habang si James naman ay masaya na rin sa piling ng Italian girlfriend nitong si Michaela Cazzola.
