Inamin ni Jennylyn Mercado na enjoy siya kahit na nananatiling single.
“Masaya rin pala,” ang tumatawang pahayag ni Jennylyn sa taped interview sa kanya ng Startalk na ipinalabas kaninang Linggo, April 13.
“Hindi muna ako nag-e-entertain,” sinabi pa ng actress/host sa tanong kung may nanliligaw ba sa kanya ngayon.
“Mas okay ito and at peace kasi hindi ka... wala kang iniisip, alam mo na wala kang tinatapakan na tao, wala kang ginagawang masama, alam mo na wala kang ginagawang mali, di ba?
“Masarap yung pakiramdam na ganun. Yung lahat walang sama ng loob. Ano naman, sabi ko wala namang masama kung magpapahinga e, 'tsaka wala, e.
“I think darating din yung tamang oras para doon, pag ready na talaga ako.”
HOSPITALIZED. Samantala, noong nakaraang Huwebes ay isinugod si Jennylyn sa ospital. Ito ay dahil sa kanyang hindi bumababang lagnat bunga ng isang viral disease.
Halos tatlong araw ding na-confine ang Rhodora X female lead at kahapon (Sabado) ay pinayagan na siyang i-discharge ng kanyang mga doktor.
Matapos ipalabas ang taped interview kay Jennylyn ay nagkaroon naman ng live phone patch interview sa kanya ang Startalk hosts.
Tinanong si Jennylyn kung bakit siya na-ospital.
Kuwento niya, “Bigla na lang pong ano, bigla na lang pag gising ko, sobrang taas ng temperature ko.
“Pag gising ko, hindi ko na tsinek kung ano yung temperature ko, nagpadala na ako sa ospital kasi may taping ako nung araw na yun, e.
“Tapos pagdating ko dun, nasa 40 yung lagnat ko, yung fever ko.”
Biniro si Jennylyn na kaya siya nagkasakit ay dahil loveless ito.
“Tanggap ko na ho,” ang tumatawang sagot ni Jennylyn.
Biniro rin ito na kaya siya nagkasakit ay dahil bumalik siya sa Batangas, sa diving site nila ng ex-boyfreind niyang si Luis Manzano at naalala niya si Luis.
“Hindi, yung pagpunta ko doon trabaho naman 'yon, e. Wala 'yon,” ang tumatawa pa ring sinabi ni Jennylyn.
Dalawang araw daw siyang na-ospital.
BENJAMIN'S VISIT. Tinanong naman si Jennylyn kung dinalaw siya ni Benjamin Alves sa ospital. Si Benjamin ang bagong nauugnay kay Jennylyn.
Kinumpirma naman ito ng aktres, na dinalaw nga siya ni Benjamin. Pero marami naman daw na dumalaw sa kanya.
