Itinanggi ni Isabel Oli na nag-propose na ng kasal ang kanyang boyfriend na si John Prats, sa kabila ng mga balitang gusto na siyang pakasalan nito.
Natatawang pahayag ng 32-year-old actress, "Ay, hindi pa, hindi pa talaga!
"Pero gusto ko, ha, pero hindi pa talaga puwede.
"Hindi pa puwede."
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media si Isabel sa mall show at catalogue launch ng kanyang bagong iniedorsong produkto, ang Sophie, sa Lucky Chinatown Mall, sa Binondo, Manila, noong Linggo ng hapon, April 13.
RIGHT TIMING. Ayon kay Isabel, nasa tamang timing ang lahat, nang banggitin namin sa kanya na tila maayos at maganda ang relasyon nilang dalawa ni John.
Marami kasi ang nakakapansing maaliwalas ang kanyang aura ngayon, mas blooming, at laging nakangiti.
Aniya, "Siguro ngayon... kasi right timing. At saka iba na rin kasi."
Blessing in disguise daw ang mga naging karanasan nila noon sa kani-kanilang relasyon.
"Kahit nasaktan pa kami or whatever.
"Kasi hindi kami magiging strong ngayon kung hindi namin napagdaanan ang mga yun.
"Isa sa mga natutunan namin sa past relationships namin e may mali din siguro kami dun kaya hindi nag-work out.
"Yung mga natutunan namin dun, naia-apply na namin ngayon."
Kuntento na raw sila ni John sa isa't isa, hindi katulad noon na parang naghahanap pa sila.
Sabi ni Isabel, "Kasi dati, immature [pa kami], parang konting mali lang, turn-off na.
"Heto, we have to work things out."
NO PRESSURE. Hindi ba sila napi-pressure dahil sa paulit-ulit na balitang gusto na ni John na hingin ang kamay niya sa kanyang mga magulang?
"Ay hindi!" bulalas ni Isabel.
"Kapag may napapabalita ay pinag-uusapan namin.
"Like, mamaya, magtatanong na naman 'yan sa akin.
"Ganun 'yan, e, sasabihin niya, 'Talaga?'
"'Tapos sumi-segue na kami sa wedding, kung ano ang dapat sa kasal namin.
"Sini-segue namin sa planning… na dapat ganito lang kasimple, ganun.
"Pero hindi kami napi-pressure."
READY. Dugtong pa niya sa tonong nagbibiro, "Every day ay may mga plano kami, pero mga pa-cute lang.
"Things like kung sino ang magde-design, kung anong klaseng gown... mga ganun lang.
"Kulang na lang siguro ay proposal at kung ano ang date ng kasal."
Handa naman daw si Isabel kung sakaling maging totohanan ang biru-biruan nila ng kaniyang boyfriend.
Sabi niya, "Ready at ready na rin siya.
"Feeing ko kasi, the more na tinatanong siya ng tao, not just the press kundi kahit sinong tao, like friends namin, parang napi-preempt.
"Ewan ko, pero ayaw kong mag-expect."
Thirty years old na rin daw si John kaya, para kay Isabel, nasa tamang edad na rin ito para lumagay sa tahimik.
"Pini-pray ko na sana siya [John] na talaga.
"Iba, e, iba talaga siya.
"It's unfair na i-compare ko siya sa ibang nakarelasyon ko, pero mararamdaman mo iyon, e.
"Pero tingnan natin, ayokong magsalita nang patapos."
IMAGE MODEL. Samantala, tuwang-tuwa si Isabel na siya ang napili bilang image model ng Sophie sa taong ito.
Saad niya, "First time namin ang mall show na ito at catalogue launch.
"Nakaka-pressure siya, kasi it's a good brand at sobrang ganda na minsan ay nakaka-tense.
"But I'm really excited na sa lahat ng mga artista nating magaganda, ako pa ang napili.
"Sobrang blessing talaga ito sa akin, sobra."
Sa tingin niya, ano ang kanyang qualities kung bakit siya ang napili?
Natatawang sagot ni Isabel, "Ewan ko sa kanila!
"Sabi ko sa meeting namin, 'Bakit kaya ako?'
"Nakikita raw nila sa akin na puwede ako sa iba't ibang tao, kahit anong trabaho ay kaya ko.
"Yun ang gusto nila na kahit saan ako ilagay ay okey lang."
