Scuba diving ang pagkakaabalahan ni Jennylyn Mercado ngayong Holy Week.
“Magda-dive kami ng DM [diving master] ko, kasama ko sina Jazz, sa Batangas,” sabi ni Jennylyn.
Si Jazz o Alex Jazz ang limang-taong gulang na anak ni Jennylyn sa dating kasintahang si Patrick Garcia.
Dahil nabanggit ng Kapuso actress ang diving, biglang natawa si Jennylyn dahil natukoy niya na ang susunod na itatanong sa kanya ay ang tungkol sa ex-boyfriend na si Luis Manzano.
Paboritong bonding activity nila ang scuba diving noong sila pa.
Inamin naman ni Jennylyn na ang nakakasama pa rin niyang mag-diving ay ang grupong nakakasama nila noon ni Luis.
“Same DM namin noon, sila pa rin, same group pa rin,” sambit niya.
Ang diving master niya at ang grupong ito raw ang gumagawa ng schedule para maiwasan na magkasabay sila ni Luis.
Ayon kay Jennylyn, “Hiwalay kami ng schedule… natatrapik naman.
“Tinatrapik ng DM namin para maayos ang scheduling.”
Paano kung sakaling magkasabay sila ni Luis na mag-dive?
Maikling sagot ni Jennylyn, “Okay lang.”
Sparring partners din noon sina Jen at Luis sa martial arts, kagaya ng jujitsu at Muay Thai.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press si Jennylyn sa set visit ng ongoing GMA Network primetime series na Rhodora X.
RHODORA X. Samantala, marami ang hanga sa mahusay na pagganap ni Jennylyn sa Rhodora X, na pinagbibidahan niya kasama sina Mark Herras at Yasmien Kurdi.
Ginagampanan dito ni Jennylyn ang isang babaeng may multiple personality disorder.
Pero hindi raw siya naghahangad ng award sa kanyang mahusay na pagganap sa role na ito.
Sabi ni Jennylyn, “Mahirap mag-expect.
“Like itong project na ito, hindi ko naman ini-expect na magkaroon ng magandang feedback.
“Gawin na lang nang gawin ang trabaho, walang expectations.”
Samantala, iniiwasan daw ni Jen na mapanood ng kanyang anak ang Rhodora X dahil sa violent scenes nito.
Saad niya, “Hindi ko pinapanood, medyo may pagka-violent.
"Baka mamaya maghanap ng kutsilyo 'yon sa bahay.
"Kasi, 'di ba, yun yung parati kong hawak?”
Gayunpaman, nae-enjoy raw ni Jennylyn ang kanyang role sa teleserye.
“Gusto ko kasi talaga yung natsa-challenge ako sa kahit anong area.
"Sa sports din, di ba?” ani Jen, na aktibo pagdating sa sports activities.
