Kahit matagal nang nangyari, hindi pa rin napigilan ni Patani Daño na magkuwento tungkol sa naging hinaing sa dati niyang home network.
Si Patani ay dating castaway ng unang season ng Survivor Philippines, na ipinalabas sa GMA Network noong 2008.
Pagkatapos nito ay lumabas siya sa ilang programa ng Kapuso network bilang isang komedyana.
Ngayon ay napapanood na siya sa TV5 comedy series na Confessions of A Torpe.
Sa taping ng palabas na ito sa Sta. Ana, Manila, noong nakaraang linggo, nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Patani.
Pahayag niya tungkol sa tampo niya noon sa GMA, “Actually lumipas na rin po… dati meron.
“Hindi po, kasi... okey naman ako sa GMA.
“Kaya lang, parang nangyari kasi noon, two years akong naka-contract sa Artist Center [talent arm ng GMA].
“’Tapos sinasabi sa akin nila noon na pagkatapos ng contract ko ay automatic renewal daw.
“’Tapos, pagkatapos ng automatic renewal, kasabay noon ay automatic ding renewal ng ID [Identification Card] ko sa GMA.
“So, pina-renew ko din po.
“’Tapos noong ipina-renew ko, sabi nila, hindi raw ma-renew kasi kailangan ko raw ibalik yung...
“May ipina-receive kasi sila sa akin na papel ng secretary ni ganito. At sabi ay nasa akin naman daw po kung gusto kong magpa-renew, ganito-ganyan.
“Hindi ko na ibinalik kaya hindi na na-renew yung ID ko.”
PATANI’S DEBT. Bakit hindi na niya ibinalik ang sinasabi niyang papel na ipina-receive sa kanya ng tauhan ng GMA?
“Hindi na, kasi alam kong hindi na ako naka-contract.
“Kasi hindi na po ako isinama sa pictorial... yung yearly [catalogue] ng Artist Center.
“’Tapos, nagkaroon po ako ng utang sa kanila po... siguro mga P37,000.”
Hindi naman nilinaw ni Patani kung ano o para saan ang papel na natanggap niya.
Pero nakipag-usap naman daw siya sa pamunuan ng Artist Center tungkol sa kanyang kontrata.
Lahad ni Patani, “Tinanong ko po sila, ‘Paano pala kung ayaw nang pumirma ng kontrata?’
“Ang sabi ay depende pa rin po daw yun sa kanila, kung ayaw pa nilang bitawan, kasi nasa kontrata pala yun.
“Kaya umabot pang isang taon pa, pero halos wala na akong show.
“Pero meron ako sa QTV [dating sister channel ng GMA], yung The Beat ni Ivan Mayrina.”
Paano siya nagkautang ng P37,000?
Paliwanag ng komedyana, “Yun nga po, ang nangyari po kasi nun, ang dati kong show na kay Bossing [Vic Sotto], yung Full House, matagal nang natapos yung show, ‘tapos saka nila sinabing kailangan palang kaltasan [yung talent fee].
“Ano na po, e, kumbaga, matagal nang natapos yung show, bakit ngayon lang sasabihin na kailangang kaltasan?
“Yun nga, it's a long story.”
Ano ang nangyari sa utang niyang yun?
“Ay, lumapit na po kami sa abugado.
“In fairness, first time na... nakipag-usap ako sa kanila, ‘tapos yung utang ko, naging seven thousand pesos na lang.
“Kasi sa workshop daw... okey naman, pumayag naman.”
(Bukas ang PEP sa panig ng GMA Artist Center sa pahayag na ito ng dati nilang talent na si Patani.)
KAPATID NETWORK. Sa ngayon ay nasa TV5 na si Patani, pero on a per project basis siya.
Masaya naman daw siya na walang tigil ang proyektong ginagawa niya sa Kapatid network.
Nakangiting pahayag ni Patani, “Heto, masaya ang buhay.
“Masaya po, kasi nga, yun nga, sunud-sunod ang work ko sa TV5.
“Napakalaking bagay kasi napakalaking tulong nito sa araw-araw kong pamumuhay—sa pamilya at dito sa Maynila.
“Nakaka-survive naman po.
“Wala pa naman akong sariling bahay dito sa Maynila, pero nararamdaman ko na coming soon na siya.
“Nagre-rent ako ng townhouse dito at masaya nga ako na darating ang pamilya ko para makapagbakasyon.”
Kaya nga raw may isa siyang pangarap sa taong ito na gusto niyang matupad, lalo na't naging biktima pala sila ng bagyong Yolanda sa Camotes Island sa Cebu.
Sabi niya, “Gusto ko talagang makabili ng lupa kapag nagtuluy-tuloy ang work ko this year.
“Napi-feel ko talaga siya... naba-vibes ko.
“May lupa naman kami sa probinsiya, pero kailangang mag-level up na tayo...
“Hindi kasi madadaanan yun ng sasakyan, kalabaw lang.
“So, gusto ko, kahit papaano, sa tabi ng kalsada.
“Pero gusto ko dito na sa Maynila kasi dito ang trabaho ko, ‘di ba?”
