Tila wala nang mahihiling pa si Sarah Lahbati, 20, pagdating sa kanyang buhay-pag-ibig dahil nananataling matatag ang relasyon nila ni Richard Gutierrez, 30.
Ito ay sa kabila ng samu’t saring intrigang kinaharap nila mula nang naging sila mahigit dalawang taon na ang nakararaan.
Pahayag ni Sarah, “Of course, iba na yung level ng relationship namin ngayon compared nung nag-uumpisa pa lang kami.
“It got deeper. Siyempre, ‘pag marami ka nang pinagdaanan with him...
“Tingin namin, kahit anong pagdaanan namin sa next na panahon, kakayanin namin.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang entertainment reporters si Sarah sa set ng More Than Words ng TV5 noong Lunes, April 14.
Malaking bagay na hindi raw siya ang tipo na madaling maapektuhan kapag may mga ibinabatong negatibong isyu patungkol sa kanya.
Naniniwala kasi si Sarah na mas mahalaga ang opinyon ng kanyang mga mahal sa buhay kaysa sa sasabihin ng ibang tao.
“As I told you, I don’t really care about the controversies. I just don’t mind it.
“It’s not my goal in life to correct what other people think about me.
"Wala akong pakialam sa issues."
OVERCOMING TRIALS. Mas itinuturing pa ni Sarah na “pinaka-challenging” na pagsubok sa relasyon nila ni Richard nang iwan ng young actress ang kanyang showbiz career at nagbalik sa Geneva, Switzerland noong January 2013.
Matatandaang kasagsagan noon ng alitan nina Sarah at ng ilang top executives ng GMA Network, kaugnay ng kontrata ng Kapuso actress.
Si Richard naman ay nanatili sa Pilipinas upang tapusin ang kanyang teleseryeng Love and Lies, na umere sa GMA Network mula April hanggang June 2013.
Ayon kay Sarah, balak niya sanang ipagpatuloy ang pag-aaral niya sa Switzerland noon ngunit hindi umayon ang panahon sa kanyang mga plano.
Pumutok din noon ang balitang nagdalantao at nanganak si Sarah, na hanggang ngayon ay hindi pa rin itinatanggi o inaamin ng StarStruck alumna.
Sabi lang niya tungkol sa pinagdaanan nila ni Richard bilang magkarelasyon, “It was really hard. Nag-long distance [relationship] kami for a while.
“I think, four or five months kaming long distance and then he would go there kapag may chance.
“He will stay for four to five days, 'tapos balik na ulit siya.”
May balak ba silang magpakasal na ni Richard, lalo na ngayong mas matibay na ang pundasyon ng kanilang relasyon?
“Why do you always ask me that question? It’s awkward!” natatawang sagot ni Sarah.
Patuloy niya, “But, yun nga, wala kaming ibang gusto kundi tumagal ang relationship namin.
“As of now, wala kaming problem, steady lang ang relationship namin.”
FITTING IN RICHARD’S FAMILY. Itinuturing din ni Sarah na blessing ang pagiging malapit niya sa pamilya ni Richard.
Kuwento pa ng Kapuso actress, pinakamadalas niyang nakaka-bonding ang mga anak ng ate ni Richard na si Ruffa Gutierrez—sina Venice at Lorin.
“Kapag busy si Ate [Ruffa], I would hang out with them.
"I love baking, so I teach them how to bake.
“Minsan, isinasama ko sila sa gym, kasi gusto ko silang lumaki na fit and healthy.”
Bukod sa nakakasama si Sarah sa out-of-the-country trips ng Gutierrez family, bahagi rin siya ng reality show na It Takes Gutz To Be A Gutierrez na nakatakdang ipalabas sa ETC! Channel late this year.
Sabi niya, “I’m thankful that they treat me as a family, as one of their members.
“Masaya sila kasama. Dahil only child ako, iba kapag kasama ko sila dahil ang dami-dami nila.”
Saan naman nila planong magbakasyon ngayong Holy Week break?
Sagot ni Sarah, “First time kong walang plano for Holy Week.
“I think it’s good also. I’ll have time to reflect, relax, and pray.
“Kasi every year, lagi akong umaalis. So, this year, iba naman.”
