Bago pa man hainan ng warrant of arrest ay nakapagpiyansa na si Sajed “Jed” Fernandez Abuhijleh, isa sa mga akusado sa pambubugbog kay Vhong Navarro.
Inisyu ng korte ang warrant of arrest para sa grupo nina Cedric Lee, Deniece Cornejo, Bernice Lee, Simeon "Zimmer" Raz Jr., Jose Paolo "JP" Calma, Ferdinand Guerrero, at Jed para sa kasong grave coercion noong April 11.
Ayon sa ulat ng Balitanghali kahapon, April 15, dumating si Jed sa Taguig Metropolitan Trial Court bandang alas-nuwebe ng umaga upang magbayad ng piyansang nagkakahalaga ng P12,000.
Kasama ni Jed ang dalawa niyang abugado, ngunit tumanggi ang mga ito na magbigay ng anumang pahayag sa media hinggil sa kaso.
Si Jed ay 39-year-old businessman na kilala rin sa alias na “Mike.”
Sa isinumiteng sinumpaang salaysay ni Vhong sa National Bureau of Investigation (NBI) noong January 23, ilang beses niyang nabanggit ang pangalang “Mike” bilang isa sa mga kasamahan ni Cedric na diumano’y nanggulpi, nanakot, at nag-e-extort ng pera mula sa kanya.
Maliban kay Jed, hindi nagpakita sina Cedric, Deniece, at iba pa nilang mga kasamahan sa korte kanina.
Hindi rin malinaw kung nakapagbayad na sina Cedric at Deniece ng piyansa para sa kasong grave coercion na kinahaharap nila.
SERIOUS ILLEGAL DETENTION RAPS. Samantala, natuloy kahapon ang pagdinig sa Taguig MTC para sa kasong serious illegal detention na isinampa ni Vhong laban sa grupo nina Cedric at Deniece.
Sinubukang kapanayamin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang legal counsel ni Vhong na si Atty. Dino Tamayo at ang legal counsel nina Cedric at Deniece na si Atty. Howard Calleja.
Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang magkabilang kampo.
Ayon sa ulat ng GMA News Online kahapon, inatasan ng korte sina Atty. Tamayo at Atty. Calleja na iwasang magbigay ng anumang pahayag sa media kaugnay ng ginanap na hearing bandang 1:30 p.m. kanina.
Ganunpaman, sa isang hiwalay na panayam ay kinumpirma ni Assistant State Prosecutor Marie Elvira Herrera na "submitted for resolution" na ang kasong serious illegal detention laban sa grupo nina Cedric at Deniece.
Si Herrera ay isa sa tatlong miyembro ng DOJ panel na humawak sa hiwalay na reklamo ni Vhong at ng grupo nina Cedric at Deniece.
