Alas-singko ng umaga ngayong araw, April 18, nang lumapag sa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang eroplano na sinakyan ni Sarangani Province House Representative Manny Pacquiao mula sa Los Angeles, California.
Dahil Good Friday, konti lamang ang mga miyembro ng media na nag-abang sa pagdating ni Pacquiao.
Nabawi ng Pambansang Kamao ang WBO Welterweight championship belt mula kay Timothy Bradley Jr. sa laban nila noong April 12, sa MGM Grand Arena, Las Vegas, Nevada.
Bumati at nagpasalamat lang si Pacquiao sa mga miyembro ng media na sumalubong sa kanya sa airport dahil may connecting flight pa siya ng 7 a.m. papunta sa General Santos City.
Kasabay na dumating ni Manny mula sa Los Angeles ang kanyang ina na si Dionesia Pacquiao at si dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson.
Sina Senators JV Ejercito at Gringo Honasan naman ang mga pulitiko na sumalubong sa pagbabalik-Pilipinas ni Pacquiao.
MOMMY DIONESIA. Nagpahayag ng matinding tuwa si Aling Dionesia sa interview sa kanya ng media dahil nakilala raw siya ng buong mundo.
Ang eksena sa ringside na parang kinukulam o inoorasyonan niya si Bradley habang nakikipagbakbakan ito kay Pacquiao ang eksena na tinutukoy ni Aling Dionesia kaya nakilala siya ng buong mundo.
View: Mommy Dionesia's "spell-casting" Vine video gets viral
Milyun-milyong dolyar ang kinita ni Pacquiao sa nakaraan na laban nito laban kay Bradley, ngunit ayon kay Aling Dionesia, wala siyang hiningi na materyal na bagay sa kanyang anak.
Sinabi lang muli ni Aling Dionesia kay Manny na magretiro na sa boksing.
Pero kung hindi pa raw titigil ang kanyang anak, baka lumaban pa ito ng tatlong beses bago tuluyang talikuran ang boxing world.