May pagkarelihiyoso raw ang pamilya ni Kristoffer Martin at nitong nakaraang Sabado de Gloria ay binisita nila ang Kamay ni Hesus Healing Church sa Lucban, Quezon.
Apat daw silang bumiyahe nang balikan mula sa bahay nila sa Olongapo—si Kristoffer, ang kapatid niya, at ang kanilang mga magulang.
Kuwento ng Kapuso young actor, inakyat nila ang 310 steps patungo sa simbahan at ang Via Dolorosa Grotto of Healing and Purification.
Relihiyoso ba talaga siya?
“Yung family ko, pero ako kasi may pagka-hindi!” natawang sagot ni Kristoffer.
Dagdag niya, "Pero ano naman, may paniniwala naman ako."
Nag-wish ba siya habang naroroon?
“Hindi, nagdasal lang.
"Kasi sabi nila, 'pag first time mo raw kahit saang religious places, magdasal ka.
“Siyempre, yung para sa family, yung health ni Daddy, ni Mommy.
"Siyempre yung sa career, iyon lang.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kristoffer kahapon, April 22, sa GMA Network Center kaugnay ng pagbibidahang episode nito sa Magpakailanman, na ipalalabas sa Sabado, April 26.
GAY ROLE. Hindi raw naging madali para kay Kristoffer ang kanyang unang gay portrayal.
Ito ay para sa Magpakailanman episode na "Siga Noon, Beki Na Ngayon: The Christopher Aguinaldo Story."
"Nahirapan!" bulalas ng 19-year-old actor.
“Naka-false eyelashes ako, nakaayos ang buhok ko, naka-makeup.
"Pinagsuot ako ng mga [short] shorts, yung t-shirt na sobrang sikip at maigsi.
"'Tapos nakakailang... ang daming tao kasi sa squatter’s area [shoot location]."
Natatawang sabi pa ni Kristoffer, dahil sa sobrang sikip ng shorts niya, “Masakit siya!”
Paano siya nakumbinsing tanggapin ang role?
Sagot niya, “Magpakailanman naman kasi siya at hindi naman ako all throughout na bakla.
“May pinanggalingan naman—from lalaki naging bakla.
"So, hindi lang siya baklang-bakla lang.
"Maganda yung story kasi may shifting na magaganap.”
PEG. Para may paggayahan, pinanood daw ni Kristoffer kung paano umarte ang kapwa niya Kapuso na si Sef Cadayona sa gay roles nito.
“'Pag nagbabakla kasi siya, magaling, convincing.
"Gusto ko yung mahinhin lang na bakla, yun si Sef.
"Ganun siya kagaling.”
Nakausap rin daw niya si Christopher Aguinaldo, na siyang pinagbasehan ng kuwento ng Magpakailanman.
Ang una raw niyang tinanong ay kung totoong bakla ito.
"Sabi niya, ‘Oo!’
“Sabi ko, ‘Ilang years ka ng ganyan?’
“Two years na daw.”
BULLY. Dahil sa pagganap ni Kristoffer bilang isang gay, mas lumawak daw ang pang-unawa niya sa mga bading.
Saad niya, “Aaminin ko, ilang din ako nung bagong pasok ako sa showbiz.
"Hindi lang ako sanay, lalo na sa school namin, ia ako sa nambu-bully 'pag may mga bakla-bakla."
Hindi naman daw sa nang-aapi o nananakit siya noon ng mga bakla, “Nakikisawsaw lang.”
Ngayon daw, ani Kristoffer, "Parang nawala na yung parang ilang ko sa kanila, yung awkwardness ko towards them.
“Siguro nasanay na ako sa ambiance ng showbiz.
"Kasi lahat—mapa-staff, minsan direktor—lahat bakla... either tomboy or bakla.
"For me, hindi na dapat siyang ginagawang isyu kasi tao din naman sila."
Sa direksiyon ni Neal del Rosario, makakasama ni Kristoffer sa Magpakailanman episode na pagbibidahan niya sina Mark Herras, Michael de Mesa, Shamaine Buencamino, Jan Manual, Maricris Garcia, at Bryan Benedict.
JOYCE CHING. Samantala, ayon kay Kristoffer, magkaibigan pa rin daw sila ng ex-girlfriend niyang si Joyce Ching bagamat matagal na silang hindi nagkikita.
Ang huling pagkikita raw nila ay sa last taping day ng nagwakas nang teleserye na Paraiso Ko’y Ikaw.
Aniya, “Pero may communication pa rin naman kami.
"We’re trying to work things out in a way na walang commitment.
“Maayos naman, actually maayos naman kami from the start, e.”
Ano sila ni Joyce ngayon?
“Friends, friends!” mabilis na sagot ni Kristoffer.
BUSINESS. Napag-alaman din naming may planong magnegosyo si Kristoffer, pero hinihintay pa raw niya ang business partner niya.
“All set na po talaga, clothing line po sa loob ng San Beda.
"Iyon kasi yung mabenta sa San Beda, parang mga damit-Beda, mga quotations about sa Beda... parang it’s all about San Beda.
"Mabenta yun, lalo na sa mga first year na papasok.
“Balak ko itong pasukan, kaso yung partner ko ang tagal niya, ang dami pa niyang iniisip, puro siya, ‘Wait!’
“Kasi graduating siya, so sabi ko, sososlohin ko na lang."
Kakayanin niya na solohin ang negosyo?
“Hindi ko nga alam, e!” at tumawa si Kristoffer.
“Kasi sila Daddy, hindi naman sila magbibigay sa akin, suporta lang na konti.
"Pero yung mismong capital, manggagaling sa akin, so iniipon ko."
Malaki na siguro ang naipon ni Kristoffer kaya kakayanin na niyang magnegosyo?
Tugon niya, “Hindi naman, kasi yung pera ko naman, siyempre hindi buong sa akin, sa family ko din.
"Although si Daddy may work, siyempre hati kami sa ano para hindi masyadong mabigat.”
