Arestado na ng NBI (National Bureau of Investigation) sina Cedric Lee at Simeon Raz sa Oras, Samar.
Sa panayam ng dzBB kay Justice Sercretary Leila de Lima ngayong araw, April 26, sinabi nitong, "Kumpirmado po. Binalita sa akin ni [NBI] Director [Virgilio] Mendez at Deputy Director [Rafael] Ragos, naaresto ng NBI authorities."
Sa phone-patch interview naman ng News TV Live ng GMA News, sinabi ni De Lima na nadakip ang dalawa bandang 11:15 a.m. kanina.
Ayon pa sa Justice secretary, nagtangka raw silang tumakas kagabi, April 25. Subalit pinalibutan daw ng awtoridad ang lugar kaya, "ultimately, nag-surrender ang dalawa."
Nakatakdang dalhin sina Lee at Raz sa Maynila.
Dagdag ni De Lima sa panayam ng GMA, "My instruction was as soon as possible, so maybe today or tomorrow, or when they will be able to arrange their transportion."
Noong April 21 natanggap ng Southern Police District mula sa Taguig Metropolitan Court ang arrest warrants para kina Lee, Raz, ang model na si Deniece Cornejo, Ferdinand Guerrero, at Sajed “Jed” Fernandez Abuhijleh.
Kinasuhan ang lima ng grave coercion at serious illegal detention, isang non-bailable case, ni Vhong Navarro noong April 10.
Nagsimula ang lahat ng ito sa Forbeswood Heights Condominium, sa Taguig City, noong January 22, 2014, kung saan binugbog ng grupo ni Lee si Vhong.