Inamin ni Elmo Magalona, 20, na “exclusively dating” sila ni Janine Gutierrez, 24, mula pa noong February 2014.
Magkasabay na nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilan pang entertainment reporters sina Elmo at Janine sa location taping ng Villa Quintana sa 8 Waves Waterpark and Hotel, sa Bulacan, kagabi, April 28.
Kung pagbabasehan ang sweetness nila sa isa’t isa, tila pormal nang magkarelasyon ang dalawang Kapuso stars.
Ngunit halatang iwas si Elmo na direktang aminin kung maituturing na “in a relationship” ang status ng lovelife nila ngayon.
Pahayag ni Elmo tungkol dito, “Kombinasyon ng lahat ng sinabi niyo [single, complicated, in a relationship].
“Kasi, gusto rin naming makilala ang isa’t isa. Diniretso lang namin. Kunwari kami na, pero enjoy lang muna.
“Present time lang kami. Kung masaya kami, masaya kami.”
Maging si Janine ay ayaw pangunahan ang mas lumalalim na pagkakamabutihan nila ni Elmo.
“HAPPIEST BIRTHDAY.” Ganunpaman, naging bukas si Elmo sa pagsasabing masaya siya na halos buong araw silang magkasama ni Janine sa mismong birthday niya noong April 27.
Sabi ni Elmo, “Masyado nang late nung araw na yun kaya hindi na kami nakalabas after work.
“Pero nasulit ko naman yung araw ko kasi sa SAS [Sunday All Stars] magkasama rin kami and then going to Bacoor [for Villa Quintana mall show].
“So, at least na-spend ko pa rin yung time ko on my birthday with her.”
Ayon kay Janine, niregaluhan niya si Elmo ng Nike running shoes, na alam niyang matagal nang gustong bilhin ng aktor.
“Nag-effort” daw ang aktres na hanapin ang sapatos na iyon dahil tila palaging out of stock sa shoe stores.
Kinumpirma ni Elmo na talagang nagustuhan niya ang birthday gift na natanggap niya mula kay Janine.
“Nabanggit ko raw sa kanya dati tapos naalala niya. Ayaw pa niya maniwala sa akin na yun ang gusto ko.
“Sabi niya, ‘Maganda ba talaga?’ Sabi ko, ‘Ano ka ba? Ang tagal ko nang hinahanap ‘yan 'tapos ‘di ko nahanap.’”
HOW THEY BECAME MORE THAN FRIENDS. Unang nagkatrabaho sina Elmo at Janine sa weekly teen series ng GMA Network, ang Together Forever (2012).
Sa naturang proyekto, gumanap si Janine bilang kapatid ni Elmo, na noong panahong iyon ay katambal si Julie Ann San Jose.
Pagbabalik-tanaw ni Elmo, “Hindi pa kami close nun. Paminsan lang kami nag-usap.
“Bihira lang kami magkita since hindi rin kami masyado nagkikita sa Party Pilipinas nun.”
Nagkaroon daw sila ng pagkakataon na mas magkakilanlan nang pagbidahan nila ang afternoon soap na Villa Quintana, na nagsimulang umere noong November 2013.
Kailan nag-umpisang mahulog ang loob ni Elmo kay Janine?
Sagot ng Kapuso young actor, “Kapag nakakausap ko lang siya. Parang magaan lagi yung loob ko.
“Masaya siyang kasama. Parang feeling ko, lahat may kahulugan.”
Sinang-ayunan naman ito ni Janine.
Aniya, “Siguro nagkakilala lang talaga kami nang mas mabuti dito sa soap at nagkataon na magkasundo pala kami.”
Ayon sa ibang entertainment press, kapansin-pansing mas naging bukas si Elmo tungkol sa kanyang personal na buhay mula nang maging malapit siya kay Janine.
“Sign of maturity lang. Realization lang na mas okay yung ganito,” ani Elmo nang punahin ng press ang mas magandang disposisyon niya ngayon.
Ano ang reaksiyon ni Janine na lumalabas na good influence siya kay Elmo?
Sagot ng Kapuso young actress-TV host, “Hindi ko alam kung good influence ako kasi parang mas nai-influence ako sa kanya.
“Kasi nung simula ng show, naramdaman ko na seryoso si Elmo sa trabaho.
“Kaya mas na-inspire ako to work harder and do better kasi nakakadala yung passion niya for what he’s doing.”
