Wowie de Guzman focused on raising his baby after wife’s death

“Alam kong mahirap, pero tiwala ako na malalagpasan namin yung pinagdadaanan namin ngayon. I promise na aalagaan ko siya [si Alexandra Rafiel] sobra, and pinapangako ko na makikilala niya sa puso’t isip niya yung nanay niya. Hindi ko pababayaan na makalimutan niya yun,” pahayag ni Wowie de Guzman tungkol sa pagpapalaki sa naiwang sanggol na babae ng kanyang yumaong asawa.


Mabigat pa rin kay Wowie de Guzman na tanggapin ang maagang pagkamatay ng asawa niyang si Sherryl Ann Reyes.

Sa loob ng dalawang taon nilang pagsasama bilang mag-asawa, kay Sherryl na raw umiinog ang mundo niya. Kaya hindi raw niya maisip kung ano na ang buhay niya ngayong wala na siyang asawang mauuwian.

Pahayag ni Wowie, “Sa tagal naming magkasama, umiikot sa kanya yung mundo ko. ‘Tapos, parang siya yung naging boss ko. Kasi sa lahat ng desisyon ko, tinatanong ko siya, ultimo sa pagdadamit ko—kung anong kulay na bagay, kasi before lagi kaming nag-aaway niyan dahil nga ‘pag ayaw niya, ayoko din.

“Kung ano yung gusto ko, susundin ko. Kaso ‘pag ganun, nagka-clash kayo, e.

“Kahit ano pang gusto niya, mag-aaway lang kami, e. Di naiisip ko, sundin ko na lang para walang problema. So ‘ayun nga ang nangyayari, basta happy yung wife mo, happy yung life n’yo.”

STRONG PERSONALITY OF WIFE. Isinalarawan ni Wowie na matibay ang asawa niya kaya iyon na rin ang itinuturing niyang sandigan niya.

“Napaka-strong ng personality niya, pero napakababaw lang niya. Ang gusto lang niya, masaya kami pareho. Gusto niya happy lagi kami, alis kami nang alis.

“Napakaalaga pa niya, napakalambing niya sa akin,” nalulungkot na pahayag pa ng dating Universal Motion Dancers member.

Ngayon ay nakikita na raw niya sa iniwang sanggol na babae ng kanyang yumaong asawa ang halos lahat na katangian nito. Parang nakikita na raw niya sa anak na isang buwan pa lang ang mga ugali ng kanyang asawa.

“Yung mga mannerisms nung asawa ko, nakikita namin sa baby namin ngayon,” pakli ni Wowie.

“Ngayon ‘pag natutulog ang baby ko, bigla na lang sumisigaw, ‘tapos wala naman. So, alam mo yung parang ano… kasi kamukhang-kamukha ko yung baby ko, pero siguro yung ugali niya, lahat ng mannerisms ng mommy niya, nasa kanya lahat.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Balak ni Wowie na roon pa rin sa Lubao, Pampanga, sila titira. Ayaw naman daw niyang ilayo ang kanyang anak sa mga magulang ng kanyang asawa.

Aniya, “Hindi siguro makakabuti kung aalis ako kaagad dito.

“Kasi, kaming apat ng biyenan ko, sobrang bonded kami. Lagi kami magkakasama, lalo na nung dumating yung baby. Siyempre nawala yung anak nila, ‘tapos kukunin ko ba naman yung apo nila?

“So, hindi ganun kadali yung proseso na mag-get over na ako. Makakadagdag lang sa hirap ng loob kung iaalis ko yung bata. Ano… dito muna, hindi ako aalis sa lugar nila.

“Kaya rin siguro sobrang minahal ko si Sherryl saka yung pamilya niya, because in-accept nila ako and tinuring nila akong tunay na anak,” seryosong pahayag ng aktor.

NO TO AUTOPSY. Sa Sabado na ililibing ang asawa ni Wowie, pero hindi pa nila masasabi ang dahilan ng pagkamatay nito.

Hindi na raw nila ipapa-autopsy si Sherryl dahil ayaw na raw nilang pabuksan ang katawan nito.

“Hindi naman siya mabubuhay ‘pag ginawa yun,” katuwiran ni Wowie.

“Saka, nung nangyari yun, nandun naman kaming lahat. Wala namang foul play dun sa nangyari.

“So, hindi na namin inalam kung ano talaga yung cause. Basta ang pagkakaintindi naming, parang dead on arrival siya dun sa hospital.

“Tinanggap na lang namin na talagang wala na siya, and siguro ang nakakapagpaluwag na lang sa dibdib naming lahat is yung parang nawala siya nang hindi siya nahirapan. Kasi natutulog lang siya, e,” patuloy pa niya.

TAKING CARE OF THE BABY. Itinuturing ni Wowie na ito ang pinakamasakit na dagok na dumating sa buhay niya.

Sa kabila nito, nagpapasalamat na rin ang aktor dahil may iniwan na anak sa kanya at napaka-healthy daw nito ngayon.

Eksaktong isang buwan na ang baby nila nung namatay ang kanyang asawa, at doon sa Pampanga, sini-celebrate daw nila na parang birthday na rin ang first month ng isang baby.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero ito na nga ang nangyari, kaya pinag-iisipan na lang nila kung kailan na ito pabibinyagan.

Nung buhay pa raw ang asawa niya, may naisip na raw itong ipangalan sa kanilang anak, at iyun daw ang susundin nila.

“Yung binuo naming pangalan, Alexandra Rafiel,” sabi ng aktor.

“Sabi niya sa akin, yung isa, yung sa ‘yo, yung isa rin. So, nung nakuha na niya yung Alexandra, ‘Ikaw anong gusto mo?’ sabi niya.

“Ang dami kong na-suggest, ayaw niya. Sabi ko, ‘Siguro mas maganda ikaw na mag-suggest.’

“‘Hindi, meron na akong naisip, Rafiel.’

“So, siya rin ang nasunod. Ganun yung asawa ko,” napangiti niyang kuwento sa amin.

Hindi na raw niya naisip kung ano ang susunod niyang gagawin ngayong sila na lang ng anak niya.

Maaaring darating ang araw na magkakagusto rin siya sa ibang babae, pero sa ngayon daw ay gusto raw muna niyang mag-focus sa responsibilidad niya bilang ama at ina sa kanyang anak.

Saad niya, “Alam kong mahirap, pero tiwala ako na malalagpasan namin yung pinagdadaanan namin ngayon.

“I promise na aalagaan ko siya [si Alexandra Rafiel] sobra, and pinapangako ko na makikilala niya sa puso’t isip niya yung nanay niya.

“Hindi ko pababayaan na makalimutan niya yun, and lahat ng dreams ng nanay niya para sa kanya, tutuparin ko yun.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN