Jun Lana willing to sacrifice career to support directorial aspiration of spouse Perci Intalan

Married couple Jun Lana and Perci Intalan are thinking of adopting a baby, a girl preferably. "Hindi ko alam pag lalaki, hindi ko alam pag gusto niyang mag-basketball, hindi ko alam,” Jun said.


Napatunayan ng kakasal pa lang na sina Jun Lana at Perci Intalan na malalim at matatag na talaga ang sampung taon nilang pagsasama sa kabila ng isang isyu sa kanilang mga career.

Si Jun ay isang batikang film and TV screenwriter-director, samantalang si Perci ay dating executive ng TV5.

Ngunit pinasok na rin ni Perci ang pagdidirek sa pamamagitan ng horror-suspense film na Dementia, na pinagbibidahan ng Superstar na si Nora Aunor.

Lingid sa kaalaman ng karamihan, passion din pala ni Perci ang pagdidirek ng pelikula sa kabila ng nakilala ito sa pamamahala ng isang TV network.

Maski si Jun ay nagulat daw nang ipaalam ni Perci sa kanya na gusto nitong magdirek ng pelikula.

Sabi ni Jun, "Nabaliw ako, hindi ko alam na gusto niyang magdirek, nagulat na lang ako... "

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jun sa presscon ng bago niyang pelikulang idinirek, ang So It’s You, noong April 26, sa Imperial Palace Suites.

Ang So It’s You ay pinagbibidahan nina Carla Abellana at Tom Rodriguez.



SACRIFCE. Ayon kay Jun, handa siyang isakripiso ang sarili niyang career bilang direktor kung sakaling hingin ni Perci ang 100 support niya sa bagong career path na gusto nitong tahakin.

Pahayag niya, “If Perci tells me na, ’Can you give up directing and just be my producer?’ feeling ko, kaya kong gawin.

“Ganun yung pagmamahal mo sa isang tao, unconditional love, puwede pala yun.

"Honestly, hindi ko alam na puwede pala yun."

Posible bang magkaroon sila ng competition o rivalry ngayong pareho na silang nagdidirek?

Sagot ni Jun, “Pinag-usapan na rin namin ’yan.

"Pero ako kasi, dito ko naramdaman na posible pala yun na pag mahal na mahal mo ang isang tao, you can be very generous. You can be very giving.

"Hindi ko alam na posible yun."

Patuloy niya, “Nung sinabi ni Perci na gusto niyang magdirek, ’tapos tinatapos ko itong So It’s You, kahit natatapos ako ng 5 a.m., didiretso na ako sa set [ng Dementia] para alagaan siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nung sinabi niyang gusto niya talaga, sinuportahan ko siya.

"Kahit tinatapos ko yung So It’s You, I made sure na nandun ako.

"I made sure na lahat kumakain, ako yung catering ng Dementia."

Ayon pa kay Jun, “More than anything, ang concern ko, worried ako sa big set niya na baka natataranta siya.

“Alam mo yung worried na naiiyak sa worry.

"Ganun pala pag mahal mo ang isang tao, ganun.

“I’m sure there will come a time that we will be compared with each other.

"If it turns out that he will become a better director than I am, I really don’t mind."

LEAVING TV5. Nasabi ni Jun na isyu sa kanila ang kawalan ng panahon ni Perci sa kanya noong nasa TV5 pa ang huli.

Natuwa ba siya at nakaalpas na sa executive position si Perci?

Sagot ni Jun, “Hindi, actually nalungkot ako.

"Alam ko rin kasi kung gaano kamahal ni Perci yung trabaho niya.

"And so, nung nagsimula siyang magkaroon ng problema sa trabaho niya…

“Nung hindi na siya masaya sa ginagawa niya, isa rin ako sa nagsabi sa kanya na, ’Maybe it’s time to go. Maybe it’s time to leave, it’s time to resign.’

“Alam ko kung gaano kahirap yun para sa kanya, so kahit ako nalungkot. Alam kong lungkot na lungkot siya.

"Si Perci kasi, hindi mahilig magpakita ng emotion, sinasarili niya, hindi niya ipinapakita yun.

“And ngayon, he’s doing very well with a lot of things. Kakatapos lang ng Dementia.”

MARITAL LIFE. Tungkol naman sa kanilang married life, wala raw nabago sa samahan nina Jun at Perci, at tuloy pa rin sa dati ang kanilang relasyon.

Kuwento ni Jun, “Nagulat lang kami, nung ikakasal kami, we were surprised that many people, you know, na-cover kami ng press, ng media.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"And I was surprised na we started getting text messages from people we don’t know... gay couples din saying that we’re an inspiration.

“Yun lang naman ang nakakataba ng puso.

"But, other than that, ganun pa rin kami. Kasi, ten years na kami.

“So, nagtatrabaho lang kami.

"Yung companionship namin, very strong. We’re there to support each other.

"And on our own, we do projects na magkahiwalay na wala nang selos-selos.

"Naku, ang tatanda na namin!"

DEMANDING. Pag-amin pa ni Jun, siya ang mas seloso sa relasyon nila ni Perci.

“A, sa akin, isyu yun!” sabay tawa nito nang malakas.

“From the very beginning, ina-admit ko naman na ako yung demanding na, at least, ang weekend, sa amin.

"During the time that Perci was the vice president of TV5, ako yung nang-aaway sa kanya, ako yung nagdi-demand.

"’Wala akong pakialam na naglu-launch ka ng bagong show, may mga artistang dumating na kinakailangan mong alagaan. We need to have time together kasi kung hindi, masisira yung relationship natin.’"

Paliwanag ng writer-director, "I’ve always been very careful, maybe because I came from a broken family.

"Ideal sa akin yung magkaroon ng pamilya.

"Of course, non-traditional yung pamilya namin, but I really wanted to protect that from the very beginning.

“I wanted to prove that we can have an ideal family.

"So, yun, it’s a lot of work, but so far we’ve been successful.”

Wala raw puwang sa kanila ang open relationship.

Sabi ni Jun, “Oo, walang question yun.

"Hindi ako yung, ’Sampung taon na tayo, open na tayo sa ibang relationship.’

"Hindi talaga puwede sa akin yung ganun, magiging malaking isyu sa akin yun.

"I’m not saying na maghihiwalay kami ’pag nangyari yun, dahil matagal naman na yung pinagsamahan namin.

"Pero hindi ko rin alam kasi... hindi ko ma-imagine.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

AND BABY MAKES THREE? Posible rin bang mag-adopt sila ng baby?

Tugon ni Jun, “Pinag-uusapan na namin yun, kasi si Perci gusto niyang mag-adopt kami.

"Ako lang yung medyo... siguro hinihintay ko na maging handa ako.

"Kasi yung mga aso namin, napapabayaan ko, baka yung bata mapabayaan ko.

“Siguro ’pag ready na talaga. And I think very soon.”

Ano ba ang gusto niyang baby—babae o lalaki?

“Hindi ko naisip ’yan, pero babae na lang.

"Hindi ko alam pag lalaki... hindi ko alam pag gusto niyang mag-basketball, hindi ko alam.”

Mayroon na rin daw silang alam kung saan mag-aampon ng baby o ang proseso ng pag-a-adopt.

Kung sakali man ay isang anak lang daw ang plano nila ngayon.

Paliwanag ni Jun, “Kasi gusto kong matutukan kung saka-sakali, maalagaan na kung saka-sakali ay hindi ma-spoiled yung bata.

"At maintindihan din yung sitwasyon namin kasi napaka non-traditional yung relasyon namin."

Ano ang magiging tawag ng anak nila sa kanila ni Perci kung sakali?

“Daddy-Mommy?” natatawang sagot ni Jun.

Sino ang tatawaging "Mommy"?

“Okey lang na ako?” at saka siya tumawa ulit.

“Hindi, daddy-daddy na lang siguro para hindi ma-confused yung bata.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN