Glaiza de Castro does not mind being a lookalike of Ate Glow

Hindi na raw bago para sa aktres na si Glaiza de Castro (kanan) ang magkaroon ng kahawig na artista. Noong bago pa lang siya sa showbiz ay si Angel Locsin ang sinasabing kamukha niya. Ngayon naman, sinasabing kahawig na niya ang komedyanteng si Ate Gay (kaliwa) pagkatapos nitong magparetoke.


Ilang beses nang narinig ni Glaiza de Castro ang tungkol sa pagkakahawig daw ng hitsura nila ngayon ng komedyanteng si Ate Glow—Rene Boy Facunla sa totoong buhay—na nakilala sa pag-i-impersonate kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Naiulat kasi na dahil sa mayamang foreigner boyfriend ng gay comedian ay kinailangan niyang gumastos sa pagpaparetoke ng mukha, na ang resulta ay babaeng-babae na siya ngayon.

Sabi ni Glaiza tungkol dito, “Oo, napaisip nga ako nung una kong madinig ang tungkol diyan. Na magkahawig na nga raw kami.

“Nakakaaliw lang. Kasi, sa dami ng artista sa showbiz, ako na pala ang kahawig.

“Sa pagkaalam ko, parang si Manay Lolit Solis daw ang nakapansin at sumulat, na nung magbago ang mukha ni Ate Glow ay magkahawig na daw kami.

“Okey lang naman ‘yon sa akin.

“Ganun naman kasi ang mga tao sa buong mundo, maraming nagkakahawig-hawig, ‘di ba? Okey lang.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Glaiza sa lobby ng GMA Studios pagkatapos ng Sunday All Stars noong May 11.

GLAIZA LOOKALIKE? Ano ang magiging reaksiyon niya kapag nagkita sila nang malapitan ni Ate Glow?

Sabi ni Glaiza, “Ay, wala naman. Pero titingnan ko talaga.

“Nakikita naman kasi natin dati ang hitsura ni Ate Glow sa telebisyon.

“Pero kung totoo na magkahawig na pala talaga kami at magkakaharap pa kami ay okey lang talaga sa akin.

“Magpapa-picture ako kasama siya para masaya!” tawa pa ng Kapuso actress.

Sanay na raw kasi si Glaiza na mayroon siyang nakakahawig. Noon kasing baguhan pa lang siya ay marami ang nagsasabing si Angel Locsin ang kahawig niya.

“Nagtagal din na ‘yon ang isyu na parating itinatanong sa akin.

“Nahirapan din siyempre ako noon dahil, kumbaga, baguhan pa lang ako noon sa showbiz, at si Angel ay sikat na sikat na.

“Nahihiya siyempre ako na nanliliit na hindi ko maintindihan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero ang masaya lang, habang nadidiyahe ako sa isyu na ‘yon, tinatawanan lang naman namin ni Angel kapag nagkikita kami.

“Alam ni Angel na ikinukumpara ako sa kanya.

“Nakakaaliw din siyempreng maikumpara ka kay Angel Locsin.

“Pero hindi puwede ang gano’n. Dapat mayroon kang sariling identity sa showbiz.

“Ayun, pinagsikapan kong maging iba naman ang hitsura ko kay Angel.

“Kung mahaba ang hair niya, medyo mas bawasan ko naman ang hair ko. Iwas-iwas talaga na mahawig sa hitsura ni Angel.

“Hanggang sa makuha ko, na nabura na at wala nang nagsasabing magkahawig pa kami.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN