Panfilo Lacson bares "Napolist"; Senator Miriam Defensor-Santiago lambasts Lacson for including her in pork barrel scam

On Tuesday, March 13, Rehabilitation Czar Panfilo Lacson (left) submitted a copy of his version of "Napolist" to Senate Blue Ribbon Committee Chairman Teofisto Guingona III. At least seven other senators were named as Janet Lim-Napoles’s alleged cohorts. Lacson also named Miriam Defensor-Santiago (right) as one of the senators who allegedly benefited from the PDAF scam. Since then, other senators were implicated in the PDAF scam based on other versions of Napoles&


Sunud-sunod ang pagtanggi ng mga nadawit na mambabatas ngayong naisapubliko na ang listahan ng mga diumano’y nakatransaksiyon ni Janet Lim-Napoles.

Si Napoles ang itinuturong utak sa likod ng mga pekeng non-government organizations (NGOs) na tumanggap ng bilyun-bilyong halaga mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng ilang mambabatas.

LACSON’S “NAPOLIST” REVEALED. May 13, Martes, nang isumite ni Panfilo "Ping" Lacson kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Teofisto Guingona III ang listahan ni Napoles—o mas kilala bilang "Napolist."

Si Lacson ay dating senador at kasalukuyang nanunungkulan bilang Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery o "Rehabilitation Czar."

Ayon sa ulat ng GMA News Online noong May 13, sampung mambabatas na kasalukuyang nanunungkulan sa Senado ang dawit sa listahan ni Napoles at pork barrel scam.

Kabilang dito ang mga senador na sina Juan Ponce Enrile, Ramon “Bong” Revilla Jr., Jinggoy Estrada, Vicente "Tito" Sotto III, Loren Legarda, Aquilino "Koko" Pimentel III, Alan Peter Cayetano, Gregorio "Gringo" Honasan II, Francis Escudero, at JV Ejercito.

Naunang inihayag ni Lacson sa kanyang live interview sa Bandila noong May 12, Lunes, na nagkaroon din siya ng pagkakataong makita ang listahan ni Benhur Luy ng mga diumano’y nakatransaksiyon ni Napoles.

Ayon kay Lacson, kasama si Senador Miriam Defensor-Santiago sa mga nakatransaksiyon ni Napoles, base sa listahan ni Luy, ang pangunahing whistleblower ng PDAF scam.

Nabanggit din ni Lacson na kung pagbabasehan ang listahan ni Napoles at Luy, labindalawang nanunungkulang senador at siyam na dating senador ang sangkot sa PDAF scam.

Kasama rin sa listahan ni Napoles mula sa kopya ni Lacson ang mga pangalan nina dating Senate President Manny Villar, namayapang senador na si Robert Barbers, Budget Secretary Florencio Abad, at dating congressman at Agriculture Secretary Proceso Alcala.

Umabot naman sa 68 ang bilang ng mga kasalukuyan at dating miyembro ng House of Representatives na dawit sa listahan ni Napoles.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

OTHER NAPOLES DOCUMENTS. Ayon pa kay Lacson, ibinigay sa kanya ni Jimmy Napoles—asawa ni Janet Lim-Napoles—ang naturang listahan noon pang March 27, 2013.

Ngunit hindi niya agad isinapubliko ito dahil mismong si Mr. Napoles ang nagsabi sa kanya na “kulang” ang mga dokumentong inabot nito noon sa kanya.

Sobrang dami raw kasi ng mga pinanghahawakang dokumento ni Janet.

Bukod sa Napolist, isinumite rin ni Lacson sa Senate Blue Ribbon Committee ang isang unsigned affidavit ni Mrs. Napoles, at isa pang set ng dokumento kung saan inilahad ng negosyante ang mga pangyayari kaugnay ng scam mula noong taong 2000.

Nakapaloob dito ang pamamaraan kung paano tumatanggap ang mga sangkot na mambabatas ng 40 hanggang 55 porsiyentong kickback mula sa pakikipagtransaksiyon nila kay Mrs. Napoles.

Inihayag din ni Napoles sa naturang “unsigned affidavit” at “narration of events” na tumanggap diumano si Senador Enrile ng halagang P116 million mula 2007 hanggang 2009.

Si Atty. Jessica Lucila “Gigi” Reyes, chief-of-staff of ni Senador Enrile, ang nagsilbing tagapamagitan umano ng senador at ni Mrs. Napoles.

Si Senador Revilla naman ay tumanggap diumano ng komisyon mula kay Napoles ng halagang P110 million.

Ayon pa rin sa unsigned affidavit ni Napoles, may isang pagkakataon kung saan personal niyang inabutan si Senador Revilla ng P8 million sa bahay nito sa Muntinlupa noong 2009.

Si Senador Estrada naman ay nakatanggap din diumano mula kay Napoles ng kabuuang komisyon na nagkakahalaga ng P98 million.

Sa kasalukuyan, tanging sina Senador Enrile, Estrada, at Revilla pa lang ang pormal na sinampahan ng reklamong plunder sa Office of the Obudsman, dahil sa pagkakaugnay nila sa PDAF scam.

MIRIAM RETALIATES. Bunsod ng rebelasyon ni Lacson, agad na binuweltahan ni Senador Miriam Defensor-Santiago ang rehabilitation czar, na ilang beses nang tinawag ng senadora na “attack dog” ng kanyang political nemesis na si Senador Enrile.

Kinuwestiyon ng senadora ang kasarian ni Lacson at saka binansagang “Pinky” ang rehabilitation czar.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pahayag ni Senador Santiago sa hiwalay na ulat ng GMA News Online noong May 13, Martes:

“Anyone can make lists. I was told that there is a list entitled ’Closeted gays or bisexuals in public service.’

“I was given names, and I was requested to say ’Yes’ or ’No’ on whether the person was truly in the list. When the name Pinky Lacson was called, I said ’Yes.’”

Nagpatutsada pa ang senadora na maugong ang balita na nag-request si “Pinky Lacson” ng leave of absence sa Malacañang dahil nakatakda itong sumailalim sa isang “gender change operation.”

Pagkatapos ay mariing pinabulaanan ni Senador Santiago ang akusasyong nakipagtransaksiyon siya kay Napoles kaugnay ng PDAF scam.”

Sabi pa ng senadora, "For the record, I never had dealings with Napoles.

“The Napoles list, if unsigned, has no evidentiary value at all.

“I repeat, Lacson is an attack dog of Enrile.

“The Supreme Court has repeatedly ruled that to allege is not proof…”

CHIZ DENIES. Nagbigay rin ng opisyal na pahayag si Senador Francis "Chiz" Escudero hinggil sa isyu.

Sabi niya sa panayam ng News To Go sa GMA News TV noong May 13:

“Wala akong involvement. Sinabi na ’yan ng whistleblowers, ‘di lang ni Benhur [Luy] pero pati ng iba pa, sa COA [Commission on Audit] report sinabi rin.

“Wala akong in-allocate kahit piso diyan sa mga NGO ni Napoles.

“Maliwanag na tila pambasag at panggulo lang ang ginagawang ito nila Napoles.”

TITO’S TEXT. Sa kabilang banda, umiwas si Senador Vicente "Tito" Sotto III na pag-usapan ang pagkakadawit niya sa pork barrel scam.

Sabi pa ng senador sa ipinadala nitong text message sa GMA News Online, “Ayoko na patulan ’yang mga list-list na ’yan. List of what? Utang? Pagwapuhan?"

LOREN ALSO DENIES. Nilinaw naman ni Senador Loren Legarda na kahit kailan ay hindi siya nag-endorso ng NGO noong panahong nanungkulan siya sa Senado.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaya imposible daw na nakatransaksiyon niya si Napoles.

Pahayag ng senadora, "Una ay talagang hindi ko sila kilala.

“Pangalawa, ang NGOs nila, hindi ko kilala o alam.

“Pangatlo at siguro pinakamahalaga, ni minsan ay wala akong inendorsong NGO sa kanila o sa iba pang NGO. Napakaliwanag.”

BONGBONG EXPLAINS. Maging si Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay dawit din sa pork barrel scam, base sa hiwalay na kopya ng listahan ni Napoles na nakuha ng GMA News.

“If there’s anything that has to be explained, I will explain... I don’t know her,” maiksing pahayag ni Senador Marcos.


OTHER VERSIONS OF "NAPOLIST." Sa bersiyon ng listahan ni Napoles na napasakamay ng GMA News, ang incumbent senators na dawit sa PDAF scam ay sina Alan Peter Cayetano, Pilar Juliana "Pia" Cayetano, Escudero, at Gregorio "Gringo" Honasan II.

Bukod kina Enrile, Revilla, at Estrada, kabilang din sa naturang listahan sina Manuel "Lito" Lapid, Legarda, Marcos, Aquilino "Koko" Pimentel III, Defensor-Santiago, at Sotto.

Ngayong araw, May 14, inilathala sa Philippine Daily Inquirer ang listahan ni Benhur Luy ng mga mambabatas na nakatransaksiyon ni Napoles.

Dito ay pinangalanan ang karagdagang past and present senators na dawit sa pork barrel scam, kabilang sina Robert Jaworski, Lapid, Rodolfo Biazon, Franklin Drilon, JV Ejercito, Honasan, at Loi Estrada.

Kasama rin sa listahan ni Luy sina Ramon Revilla Sr., Ramon Magsaysay Jr., Aquilino Pimentel Jr., Ralph Recto, Cynthia Villar, at iba pang mambabatas na nabanggit sa mga naunang bersiyon ng Napolist.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News Online ngayong araw, May 14, iginiit ni Department of Justice (DOJ) Secretary Leila De Lima na walang halaga at hindi katanggap-tanggap sa korte ang iba’t ibang bersisyon ng “Napolist” na lumabas sa media.

Ito ay sa kadahilanang hindi ito pinanumpaan at walang lagda ni Janet Lim-Napoles.

Sa kasalukuyan, ang sinumpaang salaysay ni Napoles kaugnay ng pakikipagtransaksiyon niya kina Senador Enrile, Senador Estrada, at Senador Revilla ang tanging naisumite ng negosyante sa DOJ.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Inaasahang matatanggap ni De Lima ang “completed extended affidavit” ni Napoles sa mga susunod na araw.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN