Singer Sheryn Regis allegedly had an affair with another woman

Lumabas sa media ang negosyanteng si Emy Madrigal (kanan) upang isiwalat ang diumano’y naging relasyon nila ng singer na si Sheryn Regis. Ayon kay Emy, si Sheryn ang nanligaw sa kanya.


Dalawang buwan na ang nakalilipas nang makatanggap ng impormasyon ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa diumano’y pakikipagrelasyon ng singer na si Sheryn Regis sa kapwa-babae.

Noong una ay tila hindi makapaniwala dahil sa pagkakaalam namin ay may asawa’t anak na ang tinaguriang "Crystal Voice of Asia" at masaya na itong naninirahan sa U.S.

Ngunit ayon sa isang source, na naging malapit daw kay Sheryn noong contestant pa lang ito sa Star In A Million, totoo ang impormasyong nakarating sa PEP.

Hanggang sa lumitaw na ang babaeng nakarelasyon ni Sheryn at nagpa-interview na sa media.

Ito ay si Emy Madrigal, isang negosyante na madalas daw bumiyahe sa Amerika.

Nakausap siya ng PEP at iba pang miyembro ng media sa Congo Grille restaurant, sa Tomas Morato, Quezon City, kahapon, May 23.

Dito ay idinetalye niya ang naging relasyon diumano nila ni Sheryn.



THE REVELATION. Paano sila nagkakilala ni Sheryn?

Lahad ni Emy, “Ipinakilala siya sa akin ng pamangkin ko.

“Noong time na sumali si Sheryn sa Star In A Million, nasa US pa ako noon. Hindi ko pa kilala si Sheryn noon.

“Pero ayon sa pamangkin ko, eager naman daw si Sheryn na makilala ako.

“Marami kasi siyang naikuwento kay Sheryn tungkol sa akin. Ako naman, gusto ko rin siyang makilala.”

Si Sheryn ay naging runner-up ni Erik Santos sa singing search ng ABS-CBN na Star In A Million noong 2003.

Pagkatapos nito ay naging regular performer siya sa ASAP sa loob ng maraming taon.

May panahong bigla na lang nawala sa sirkulasyon si Sheryn, at nabalitaang nagpakasal na pala ito at naninirahan na sa Amerika.

Nitong January 2014 ay muling napanood ng mga Pinoy si Sheryn sa pamamagitan ng pagge-guest nito sa iba’t ibang music programs, sa pag-asang ma-revive ang kanyang singing career.

Ngunit nabalitaan ng PEP na pabalik na sa U.S. si Sheryn dahil hanggang six months lang siya puwedeng manatili sa Pilipinas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang balita ay nakarelasyon ni Emy si Sheryn. Paano ito nagsimula? Sino ang nanligaw kanino?

Sagot niya, “Si Sheryn ang nanligaw sa akin. That was in 2005.

“Naging magkaibigan na kami. Lagi na kaming nagkikita noon. Nagtatawagan. Tawag nga niya sa akin ay ‘Mommy.’

“Until one day, sinabi na niya sa akin kung ano talaga siya. Kung ano ang pagkatao niya.

“Sabi pa nga niya, ‘Mommy, may aaminin ako sa ‘yo…’

“’Tapos sinabi nga niya na tomboy siya. At mahal na raw niya ako.”

Nagulat ba siya sa pag-amin na ito ni Sheryn?

“Siyempre nagulat talaga ako kasi wala sa hitsura niya, e. Kapag nagsu-show siya, babaeng-babae siya.

“Plus the fact na may asawa at anak siya. Kilala ko ang mister niyang si Earl.

“Kaya noong sinabi ni Sheryn na gano’n siya, nagulat talaga ako.”

Tahasan naming tinanong si Emy kung tomboy rin ba siya.

Mabilis na tugon niya, “Ay, hindi. Girl na girl ako.

“Noong makilala ako ni Sheryn, separated ako sa mister ko. I have two kids.

“First time akong maligawan ng tomboy talaga.

“That time, alam niyang medyo malungkot ako. I was looking for new friends.

“Nataon na ipinakilala siya sa akin noong separada ako. Doon na nagsimula ‘yon.

“But now, nagkabalikan kami ng mister ko.”

Noong sabihin ni Sheryn na mahal siya nito, ano ang naging reaksiyon niya?

Sagot ni Emy, “The same reaction noong sinabi niyang tomboy siya. Kasi hindi ko naman inaasahan na manggagaling sa kanya iyon.

“Pero hindi pa kami naging official na magkarelasyon until 2011.

“From 2005 to 2010, magka-MU [mutual understanding] kami. Kasi alam ko na parang naguguluhan din siya sa sarili niya.

“Nabanggit nga niya na gusto na raw niyang magpakatotoo, pero may takot siya. Kasi nga nandiyan ang pamilya niya.

“That time, may career pa siya dito sa Pilipinas. Kaya sabi ko na MU muna kami.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Whatever happens, yun ang tatanggapin naming dalawa.

“Until 2011 came, naging kami na officially.”



THE AFFAIR. Paano tumakbo ang relasyon nila ni Sheryn? Platonic lang ba ito o sexual relationship?

Pagsisiwalat ni Emy, “Na-consummate ang relationship namin.

“Kahit na nasa malayong lugar siya, nandiyan naman ang Skype.

“Mahal namin ang isa’t isa—we would do what lovers do kapag nagkikita kami, kahit na through Skype lang.”

Mabilis ba niyang minahal si Sheryn?

“Natutunan ko siyang mahalin dahil siya ang parang lalaki sa relasyon namin, e.

“Siya yung aggressive, pero marunong siyang maglambing. Sa aming dalawa, siya ang laging nagseselos.

“Kapag may business trip ako, lagi ang check niya sa akin. I-make sure ko raw na business trip iyon at wala nang iba pa.

“E, that time nga, hiwalay ako sa mister ko. Yung lungkot ko, si Sheryn ang nagpawala.

“Ibinigay siya sa akin yung importansiya na matagal ko nang hinahanap.

“Kaya yun, minahal ko siya—nagmamahalan kami talaga.”

Patuloy ni Emy, “Naging honest naman si Sheryn sa naging buhay niya sa US.

"Ang pagkaka-describe nga niya ay ‘big mess’ ang buhay nila doon.

“Yung mister niya, walang trabaho doon. Yung anak nila, nag-aaral pa sa private school.

“Hindi naman daw siya parati kinukuha para mag-show for TFC [The Filipino Channel].

"Kaya naawa ako sa kanya kasi parang hindi nga siya masaya sa buhay niya sa Amerika.

“Kaya nga kapag nagsu-show siya noon, pinapakyaw ko ang mga CDs niya para lang ipamigay sa mga fans niya. Gano’n ang suporta ko sa kanya.”

Kaya ba naging masyado siyang generous kay Sheryn?

“Siguro nga yun ang naging weakness ko. Kapag naglambing na si Sheryn, madali akong bumigay.

“Lahat ng kailangan niya, basta hiniling niya sa akin, ibinibigay ko.”

Anu-ano na ba ang naibigay niya kay Sheryn?

“Hindi ko na kailangan i-enumerate pa. May relasyon kayo, nagmamahalan kayo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kung sino ang meron, siya ang magpo-provide. Alam niyo na ‘yon.

“Sabi ko nga, kapag hiniling niya, mabilis kong ibibigay.

"And I mean, kahit ano, basta kayang kong ibigay kay Sheryn, ibinibigay ko."



THE OTHER WOMAN. Pero sa gitna raw ng relasyon nila ay biglang may pumasok na problema. Bigla na lang daw hindi nagpaparamdam si Sheryn sa kanya.

Sabi ni Emy, “Pinagtataguan niya ako.

“Noong una ay parang okey lang. Baka may problema siya.

“Pero may relasyon kami, e. Kaya ko naman siyang tulungan.

“Before, days lang siya hindi magparamdam. Until umabot na ng weeks. It turned into three months.

“Hindi ko maintindihan kung bakit gano’n?

“’Tapos bigla na lang siyang magti-text, magsu-sorry, ‘tapos may hihilingin siya sa akin.

“Ako naman, mabilis ko siyang napapatawad.

“Pero lagi niyang ginagawa iyon sa akin na bigla na lang siyang nawawala.

“The longest na hindi siya nagparamdam was almost six months.”

Umabot nga sa naghinala na raw si Emy na baka may iba nang karelasyon si Sheryn kaya matagal itong hindi nagpaparamdam sa kanya.

“Yun na nga ang ikinakatakot ko. Baka nga may iba na.

“Kasi hindi naman siya ganyan noon. Bigla-biglang nawawala na lang siya.

“Hanggang sa nalaman ko nga na meron na palang iba.

“Hindi ko na sasabihin kung sino pa yung babae, pero matagal na rin palang karelasyon ito ni Sheryn, since 2007 pa.

“Kaya doon ako nagalit dahil habang kami pala, may iba pa pala siya. May ibang babae pala siya.”

Nalaman daw ni Emy na sa bahay mismo ng babae nakatira si Sheryn at ang pamilya nito sa US.

“I was able to meet the other woman. Inamin niya na bahay nga niya ang tinitirhan ni Sheryn at ng family nito sa Texas.

“Nabanggit nga ni Sheryn sa akin noon na ayaw niyang gumastos talaga.

"Kaya siguro itong ibang babae na ito ang sumasalo ng ibang gastusin nila, ’tapos sinasalo ko rin ang ibang gastos."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



THE CONFRONTATION. Sa Pilipinas na sila muling nagtagpo ni Sheryn pagkatapos daw siyang pagtaguan nito nang matagal na panahon.

Kuwento ni Emy, “Umuwi ako ng bansa for a month dahil nalaman ko nga nandito siya.

“Ang tagal niya akong pinagtaguan.

"Gusto ko lang malaman kung ano na ba ang mangyayari sa amin, lalo na’t nalaman ko na may iba na pala siyang babae.

“I was able to contact her at sinabi ko na gusto kong mag-usap kami nang maayos. Umoo naman siya.”

Hindi raw naging maganda ang muli nilang pagkikita.

Sabi ni Emy, “Maayos ang pag-uusap namin. ‘Tapos bigla na lang siyang sumugod sa tinitirhan ko sa Makati.

“Dala-dala niya lahat ng mga ibinigay ko sa kanya at isinasauli niya sa akin.

“Sabi ko sa kanya, ‘Wala akong binabawi sa mga ibinigay ko, ni hindi kita sinisingil. Lahat naman niyan ay hiningi mo sa akin. Bakit mo isasauli?’

“’Tapos may dala raw siyang marshal or NBI na naghihintay sa baba. Parang tinatakot pa niya ako.

“’Tapos pinapapatay niya sa akin ang cell phone ko.

“E, noong dumating siya, kausap ko sa Skype yung pamangkin ko na nagpakilala sa akin sa kanya. Pati yun pinapapatay niya.

“Kaya gulat ako sa mga ikinikilos niya. Para siyang napapraning—para siyang may kinakatakutan.

“Doon ko lang siya unang nakitang kumilos ng gano’n.”



THE ALLEGED THREAT. Totoo bang hinamon siya ni Sheryn na ilabas ang totoo tungkol sa kanya?

Sagot ni Emy, “Yes. Ang dami niyang nilitanya sa akin. Na kesyo babayaran daw niya ako sa mga inutang niya.

“Wala naman akong sinabing maniningil ako. Pinapalabas niya na ako pa ang may kasalanan sa kanya.

“E, ang gusto ko lang ay mag-usap kami dahil may nalaman ako na ginagawa niya behind my back.

“Wala akong balak na siraan siya dahil kami-kami lang.

“Aba, biglang sabihan ako ng ‘Sige, ilabas mo na ang gusto mong ilabas tungkol sa akin! Hindi ako natatakot!’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Doon na ako nahimasmasan na iba na ang babaeng ito. Hindi na siya si Sheryn na una kong nakilala na mabait, malambing, at mapagmahal.

“The very fact na tinatakot niya ako at hinamon pa niya ako, wala na siyang respeto sa pinagsamahan namin.”

Dagdag niya, “Wala akong balak na sirain siya or sirain ang pamilya niya.

“Siya na ang nagsabi na parang okey lang malaman ng buong mundo na tomboy siya.

“Para sa akin, okey yun kasi nagpapakatotoo na siya. Uso naman ‘yan ngayon, ‘di ba?

“’Tulad nina Aiza Seguerra at Charice. Mas naging masaya sila sa buhay nila.

“Siguro nga itong si Sheryn, gusto na niyang ilabas ang matagal na niyang itinatago.”

Sa palagay ba niya ay alam ng mister ni Sheryn ang tungkol sa tunay na katauhan ng singer?

Saad ni Emy, “Palagay ko matagal na niyang alam, pero kilala ko si Earl. Mabait siya, e. Hindi na lang siguro ito nagsasalita.

“Kasi may nakapagsabi nga sa akin na noong singer pa lang si Sheryn sa banda nila sa Cebu, may nakarelasyon na raw siyang girl noon.

“So, noon pa siya ganun talaga.

“Plus the fact na nakatira nga sila sa bahay ng karelasyon na babae ni Sheryn… hindi naman siguro bulag si Earl sa mga nangyayari sa loob ng bahay nila.”

Dahil nga sa nangyari ay pinutol na raw ni Emy ang anumang nag-uugnay sa kanila ni Sheryn.

Pero kung sakaling balikan siya ni Sheryn, tatanggapin pa ba niya ito?

Sagot ni Emy, “Hindi na. Isinasara ko na ang puso ko sa kanya.

“After all ng mga sinabi at pananakot niya sa akin at ang panloloko niya, nadala na ako.

"Kung noon para akong sunud-sunuran sa kanya, ngayon hindi na mangyayari iyon.

“Pero nagpapasalamat pa ako kay Sheryn dahil sa mga nangyaring ito, biglang nagkabalikan kami ng mister ko. At full support siya sa mga pinagdaanan ko with Sheryn.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pati mga anak ko, alam nila lahat. Wala akong inililihim sa kanila.

“Sana gano’n na nga ang mangyari kay Sheryn, maging bukas na siya sa sarili niya at wala na siyang itago.

“Siya na rin ang nagsabi na hindi siya natatakot, ‘di ba? Kaya magpakatotoo ka na.”

Paano kung i-deny ito lahat ni Sheryn at sabihing sinungaling siya?

Sagot ni Emy, “Ano naman ang mahihita ko kung mag-imbento ako ng ganitong kuwento? Detalyado lahat at may mga witnesses ako.

“Kung pruweba ang hanap nila, marami akong maipapakita. Pero bakit pa tayo aabot dun, ‘di ba?

“Kung mag-deny siya, yun naman siguro ang gawain niya. Pagkatao niya ay matagal niyang itinago.

“Pero isa lang ang masasabi ko kay Sheryn at alam niya ito—hindi ako sinungaling.”

Sinubukan ng writer na ito na kunin ang reaksiyon ni Sheryn sa pamamagitan ng kanyang Facebook account, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa niya ito sinasagot.

Mananatiling bukas ang PEP sa panig ni Sheryn tungkol sa mga pahayag ni Emy Madrigal.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN