Ayaw man ng TV/radio host at komedyanteng si Ogie Diaz na ipagkumpara ang kakayahan nina John Lloyd Cruz at Coco Martin, hindi rin niya maiwasang magbigay ng sarili niyang opinyon tungkol sa dalawang dekalibreng aktor ng ABS-CBN.
Pahayag niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Magkaiba sila, e. Magkaiba.
“Hindi ko talaga maikumpara kasi magkaiba talaga si John Lloyd at si Coco.
“Kasi, 'd ba, si Coco kasi ang daming fans? Ang dami ring fans ni John Lloyd. Pero iba, e.
"Pareho namang masa sila.
“Pero si Coco kasi, ibang-iba dito sa movie kaysa doon sa mga drama-drama niya sa telebisyon at movies niya.
“So, doon pa lang, successful na kami na nabali namin si Coco.”
Ang tinutukoy ni pelikula ni Ogie ay ang Maybe This Time, na unang pagtatambal nina Coco at Sarah Geronimo, under Star Cinema at Viva Films, sa direksiyon ni Jerry Sineneng.
Si Ogie ay gaganap bilang si Tonio, sidekick ni Coco.
Dugtong pa niya na tila umiwas na sa pagkumpara sa dalawang award-wnning dramatic actors, “Alam namin natin na serious actor si Coco kaya dito sinabi ni Direk na, 'Tulungan mo ako na baliin natin siya.'
“So, nabali namin si Coco kaya dito para siyang nagwala.
“Binigyan laya ni Direk na gawin o mag-put on ang mga artista kaya collective effort ang nangyari.”
PRESSURE? Dahil unang pagtatambal ito ng dalawang sikat na artista, hiningi rin namin kay Ogie ang kanyang opinyon tungkol sa kung saan ang pinanggagalingan ng pressure ng pelikulang ito.
Ito ba ay dahil unang pagtatambal ng dalawa sa pelikula o ito ba ay dahil kilala bilang Box Office Queen si Sarah, samantalang si Coco ay wala pang gaanong napapatunayan kung benta sa takilya ang pag-uusapan?
Diretsahang paliwanag ng entertainment writer-radio/TV host, “Heto, base ito sa mga nakukuha kong tweet...
“Excited na ang fans. Siyempre, nandiyan ang Popsters [grupo ng fans ni Sarah] na ang sipag-sipag sa social media.
“Alam mo nga, ano 'yan, e... kasi nga, yung mga nakaraang movie ni Coco ay kumita naman, pero hindi siya ganoon ka-super-duper kaingay.
“Si Sarah, meron namang napatunayan.
“Pero ako, nagbe-base ako sa kuwento. Ang ganda ng kuwento nito at siyempre, Coco-Sarah 'yan, e. Magandang kombinasyon din.
“Yung Diary ng Panget nga, hindi natin akalaing kikita ng hundred million plus, 'di ba?
“Hindi naman sa kinu-compare ko ito, ha? Pero ang mga tao ngayon, kapag alam nilang maganda ay sila mismo ay itsinitsismis nila.
“Heto, ang ipinagmamalaki ko ay ang kuwento nito ay kakaiba, although alam naman nating 'feel-good movie' ito.”
Ang Diary Ng Panget ay isa sa mga pelikulang kumita na ipinalabas noong nakaraang buwan na pinangunahan nina James Reid, Nadine Lustre, Yassi Pressman, at Andrei Paras.
ON MATTEO. Sa puntong ito ay inalam namin kay Ogie kung dumalaw sa shooting ang nababalitang boyfriend ni Sarah na si Matteo Guidicelli.
Seryosong saad ng beteranong kolumnista, “Honestly?
“Honestly, si Sarah kasi may sariling dressing room, may sarili siyang tent.
“Ako at si Coco, kami ang magkasama.
“Si Sarah, hindi ko siya matanong, kasi sabi ko kay Sarah nung first shooting namin, 'First day natin na magkakatrabaho, Sarah, huwag kang ma-tense sa akin, ha?
“'Kasi 'pag artista ako, artista ako at hindi ako reporter, kaya hindi para tanungin kita ng kung anu-ano o ganyan. Hindi, kasi gusto ko palagay ang loob mo sa akin. Alam mo na artista ang kasama mo at hindi reporter.'
“So, yun, kaya 'di rin ako nagtatanong.”
Ibig sabihin ay ni minsan ay hindi niya nakitang dumalaw sa set si Matteo?
Aniya, “Hindi, wala.
“Siguro, bilang respeto na rin at kahit noon pa man, kahit 'di pa nagsisimula ang movie ay talagang meron na silang, 'walang dalawan, walang whatever.'
“Kasi siyempre, ano, masisira naman yung anggulo [nina Sarah at Coco], alam mo yun?
“At saka kilala ko naman yung breeding ni Matteo. Hindi siya yung type na parang umeepal... Hindi naman siya yung parang manghimasok.
"Siguro kung walang shooting sa amin, dun na niya nagagawa ang kanyang para sa personal na buhay.”
NO ILLUSIONS OF BAGGING LEAD ROLE. Samantala, inusisa namin si Ogie kung nangangarap din siyang mabigyan ng launching movie 'tulad ng gay actors na sina Vice Ganda, Joey Paras, at Shalala.
Lahad ng nakilala noon bilang si Pekto sa TV sitcom na Palibhasa Lalake sa ABS-CBN, “Hindi ako nangarap.
“Okey na ako bilang sidekick, ganun lang.
“Tama na yung may talent fee ako, na tama ang ibinabayad sa akin kahit 'di ako magbida.
“Kasi alam ko ang pressure pag nag-bida. Make or break ka diyan, 'di ba?
“Sa tinagal-tagal ko rito sa industriya at manager din ako, alam ko ang makakaigi sa akin.”
