Paul Salas chooses not to have a girlfriend for now: “Siguro kapag eighteen na ako, puwede na siguro.”

Sa edad na 16, meron na rin naman daw crush si Paul Salas at kinakausap na nga raw niya ito. Pero sabi ng binatilyo, ayaw niya munang manligaw at magkaroon na ng girlfriend. “Bata pa po ako, e. Ayoko pong mag-girlfriend muna. Gusto ko lang pong mag-enjoy sa mga kaibigan,” pahayag pa ni Paul.


Si Paul Salas ang bagong nadagdag sa cast ng Luv U. At enjoy naman daw ang young actor sa pagti-taping ng nasabing youth-oriented show ng ABS-CBN kung saan gumaganap siya bilang ka-love triangle ni Nash Aguas kay Alexa Ilacad.

“Nakikigulo lang ako sa kanila,” nangiting sabi ng young actor nang makakuwentuhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kamakailan sa R Bistro sa Timog Avenue, Quezon City.

“Sa akin po, kahit sinong gustong i-loveteam sa akin, okey lang. Marami na rin namang nai-pair sa akin.”

Si Paul ang naging leading man ni Ella Cruz sa fantasy series ng ABS-CBN na Aryana. Inakala ng marami na magtutuluy-tuloy na ang tambalan nila pero naudlot ito.

Ano nga ba ang nangyari?

“Hindi ko po alam,” matipid na sagot ni Paul.

Pati napapabalitang pagkakamabutihan na nila ni Ella, tila naudlot din?

“Hindi po!” tawa niya.

Pero sa totoo lang, maraming nanghinayang sa loveteam nila ni Ella. May chance pa ba na muli silang magtambal?

“Sana po. Kung kami talaga ni Ella ang bagay para sa paningin ng mga tao, ‘di ba po?

“Why not? Puwede naman.

“At saka… close naman po kami ni Ella, e.”

Hindi ba siya nanghihinayang na walang naging follow-up project para sa loveteam nila ni Ella?

“Oo nga, e. Ako naman po, kung ano lang ibigay sa akin, okey na po ako no’n,” saad ni Paul.

Kabilang si Paul sa bagong henerasyon na mga itinuturing na pinakaguwapong teen idols. Ano ang pakiramdam na maraming nagkaka-crush sa kanya?

“Siyempre nakaka-flatter,” sabay-ngiti ulit ng binatilyo.

NON-SHOWBIZ CRUSH. Paul is sixteen, may nililigawan na ba siya ngayon?

“Crush-crush lang. Kausap-kausap. Medyo nanliligaw po.

“Kaya lang hindi po siya showbiz. Kaya hindi ko masabi kung sino,” lahad ng batang aktor.

Mas type ba niya ang hindi taga-showbiz?

“Okey rin naman po ang taga-showbiz. Marami naman pong magaganda sa showbiz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero ang mas nakakausap ko lang po talaga ay yung mga schoolmate ko. Yung mga classmates ko.

“Nag-aaral po ako ngayon sa Starland [International] School. Fourth year na po ako ngayong pasukan. Malapit na akong mag-college.”

Ano ba ang plano niya after high school?

“Gusto ko pong mag-aral ng Culinary. Para maiba naman. Hindi po kasi ako marunong magluto. Para maiba at ma-try ko naman.

“At saka gusto ko rin pong mag-business kapag nakaipon na. Hindi ko pa lang masabi sa ngayon kung anong negosyo ang pupuwede kong pasukin.”

HIS KIND OF GIRL. Sandaling napaisip si Paul nang matanong kung ano ang qualities na hinahanap niya sa isang babaeng magugustuhan niya.

“Medyo tsinita po. At saka… maputi” sabay ngiti ulit niya.

“At saka siyempre yung mabait. Yung kumbaga, kapag kasama ko makulit siya sa akin. Ayoko no’ng parang cold. Gusto ko siya yung mas makulit sa akin.”

Ganung mga katangian ba ang nakita niya sa non-showbiz girl na nililigawan niya ngayon?

“Opo. Pero… parang puppy love lang naman. Na… M.U.-M.U. lang.”

“Siyempre… ‘di ba? Bata pa po ako, e. Ayoko pong mag-girlfriend muna. Gusto ko lang pong mag-enjoy sa mga kaibigan.

“Siguro kapag eighteen na ako, puwede na siguro.”

Sa career at pag-aaral daw muna niya gustong mag-focus.

“Yung pag-acting, passion ko po talaga ‘yan, e. Kaya gusto kong pagbutihin.”

Si Paul ay anak ni Jim Salas na miyembro ng sumikat na group noon na UMD (Universal Motion Dancers). Kaya hindi kataka-taka na magaling din siyang sumayaw.

“Meron nga po akong grupo dati, yung Classic Shaders. Isinasabay ko po sila kapag magsu-show po ako,” banggit ni Paul sa kanyang dance group.

“Pero ngayon medyo busy na rin sila. Busy po sila sa studies nila.”

DOING ACTION. May ginagawa raw indie film ngayon si Paul. Action ang tema at kasama niya sina Phillip Salvador at Ejay Falcon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Si Direk Toto Natividad po ang director namin. Wala pang final title pero nakapagsimula na kaming mag-shoot.

“Anak po ni Tito Phillip ang role ko. May action scenes po rin ako do’n sa movie.

“Dati ko pa pong gusto talagang mag-action, e. Kasi nung nag-act po ako kay Kuya Ryan Agocillo noon sa Pieta (ang TV series kung saan gumanap siyang batang karakter ni Ryan), doon ko po nagustuhang mag-action.

“At saka do’n ko po nakilala si Direk Toto. Kaya ‘ayun po… ipinatawag niya ako at isinali sa movie niya.

“So… happy po ako sa dumating na opportunity na i-try rin na mag-action.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN