Freddie Aguilar on daughter Maegan: “Hindi pa niya ginagawa, pinatatawad ko na siya."

Hindi naman daw nagkulang si Freddie Aguilar bilang ama sa anim niyang anak. Pero kung meron daw siyang pagkakamali, ito ay "...hindi ko sila pinatikman ng kahit anong hirap nung maliliit pa sila, kaya siguro ganun."


Naniniwala si Freddie Aguilar na magkakaayos pa rin sila ng anak niyang si Maegan kahit pa nagsalita itong hindi na babalik sa poder ng kanyang ama.

“Mahimasmasan din po ‘yan,” pakli ng folk singer nang nakapanayam ng Startalk sa kanyang bar na Ka Freddie nung nakaraang Miyerkules ng gabi, June 4.

Aminado siyang nasaktan sa mga sinabi ng kanyang anak, pero ayaw na raw niyang kalabanin pa ito. Mahal na mahal daw niya ang kanyang anim na anak.

“Siyempre, masakit pa rin,” dugtong ni Ka Freddie.

“Kahit anong tibay ng dibdib ko, sabi nga nila, ’Kaya ‘yan ni Ka Freddie.’ Matibay ‘yan kasi marami nang pagsubok ang dumating sa buhay ko.

"Hindi naman ako naging Freddie Aguilar na ganun ganun na lang."

Sabi pa ng 61-year-old music icon, “Ganun ko kamahal ang mga anak ko.

"Kahit away-awayin pa nila ako, wala silang maririnig sa akin kasi ganun ko sila kamahal.”

Aware daw siya na may mga nagalit sa ginawa ni Maegan, kaya siya na mismo ang nakikiusap na intindihin na lang sana ang kanyang anak.

Matatandaang sa panayam ni Maegan sa Aksyon TV noong May 21, nagpahayag ito ng, "Nagsisisi ako na Tatay ko siya..."

READ Maegan Aguilar denounces dad Freddie Aguilar: “Nagsisisi ako na tatay ko siya.”

Pero ani Freddie, “Huwag niyo na lang pong personalin. Nagkakamali lang po talaga si Maegan.

“Yun nga ang unang ginawa ko. Nag-Facebook [message] ako sa mga concerned na tao.

"Nag-sorry ako sa kanila kasi yung iba, pumapasok sa account ko. So nagso-sorry ako sa kanila.

“Ipagdasal na lang po natin yung anak ko. Sana huwag niyo na lang pong personalin.”

Sinisisi rin ni Freddie ang sarili dahil tingin daw niya ay may kasalanan din siya kung bakit nagkaganun ang kanyang anak.

Bukod kay Maegan, may isa pa raw siyang isang anak na galit din sa kanya pero tahimik lang daw ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang pagkakamali ko siguro, hindi ko sila pinatikman ng kahit anong hirap nung maliliit pa sila, kaya siguro ganun. Yun ang pagkakamali ko siguro.

Maging siya raw ay tuliro sa isyu nila ni Maegan.

“Basta ang alam ko, hindi malinaw yung mga sinasabi niya. Hindi malinaw. Mahirap lang kasi kung sa akin pa manggaling, e."

ULIRANG AMA AWARDS. Ang tingin daw ni Freddie ay wala siyang pagkukulang bilang ama.

Ipinagmalaki nitong ilang taon daw siyang ginawaran ng mga parangal bilang ulirang ama.

“Hindi naman siguro biro na binigyan ako nung araw ng limang taon na sunud-sunod na Gintong Ama Awardee.

“Ako na ang nagtaas ng kamay kay Jake Navea [organizer ng Global Brand Quality Awards] na tama na kako ang limang taon nang sunud-sunod yun.

"Hindi naman siguro joke na bigyan ako ng ganung award kung wala akong kuwentang ama,” sabi pa nito.

HAPPINESS FOR MAEGAN.At sa kabila ng mga pangyayari, welcome pa rin daw ang anak niya kung sakaling bumalik ito sa kanilang bahay.

“Nasa kanya na yun, e. Nasa kanta ko na nga rin yun na ’Anak.’ Nandun yung kuwento ko doon.

“Nung makita nung magulang ko noon na sinsero ako, na masaya sa ginagawa ko, sinsero din nila akong tinanggap.

“Hindi pa niya ginagawa, pinatatawad ko na siya,” pahayag nito.

Sa umano’y paglalayas ni Maegan, hangad daw ni Freddie ang kaligayahan para sa anak, at sana, masaya raw ito ngayon sa napili niyang buhay.

“I wish her good luck sa kanyang panibagong buhay.

“Bilang may pamilya nang tao, natutuwa ako sa kanyang desisyon na magsarili na sa buhay, and I wish her all the luck in the world.

“Basta ang final message ko, lagi kong ipinagdarasal yung kaligayahan. At kung itong pinili niya, ito ay ikaliligaya niya, I’m giving her all my blessings,” pagtatapos ni Ka Freddie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN