Jillian Ward downplays competition among fellow child stars: “Hindi naman po kasi kailangan, e.”

Jillian Ward sees no point in competing with fellow child stars: “Hindi naman po ako nakikipagkumpitensiya sa mga iba pong bata. Lahat naman po sila mga kaibigan ko po. Pero po, yung mga tao lang po talaga yung nag-iisip po na ikumpitensiya po kami.”


Sa muling pagsasama nina Jillian Ward at Mona Louise Rey sa upcoming GMA TV series na My BFF, wala raw inggitan na namamagitan sa dalawang child actresses.

Sa halip ay naaawa si Jillian kay Mona Louise dahil sa sakit nitong diabetes.

“Kasi po matamlay po siya minsan, kasi po may sakit nga po siya, ’di ba?”

Nakikita pa nga raw ni Jillian noong nagte-taping sila dati ng Luna Blanca kapag tinuturukan ng insulin si Mona Louise.

“Pero ngayon po kasi magkaiba po kami ng tent. Kasi po, kami po ni Tita Manilyn ang magkasama sa tent,” pagtukoy pa ni Jillian kay Manilyn Reynes na kasama rin sa cast ng My BFF na ieere na sa June 23.

Kasama rin sa My BFF si Janno Gibbs na gaganap na asawa ni Manilyn.

Patuloy pang kuwento ni Jillian tungkol kay Mona Louise noong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong May 28 sa GMA network center, “Meron pong one time, dun po kasi sa kuwarto sa set, kasi po nilipat po yung tent so nagsama po kaming tatlo nina Mona at Tita Manilyn, nakita ko po ulit yung tinuturukan siya.

“Naawa po ako. At saka po pag sa taping po, minsan po medyo cut, minsan po parang gusto na niyang mag-rest ng konti.”

CONCERN FOR MONA LOUISE. Sa mga ganoong sitwasyon, ano ang sinasabi ni Jillian kay Mona Louise?

Sabi niya, “Wala lang po, parang tinitingnan ko lang po siya.”

Sa awa raw ni Jillian kay Mona Louise ay hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya rito.

Alam rin daw ni Jillian na maraming pagkain na bawal kay Mona Louise.

“Dahil nga po may diabetes nga po siya,” pakli pa niya.

Napadako ang usapan namin sa isa sa mga ambisyon ni Jillian na maging doktor. Isa ba si Mona Louise sa mga gagamutin niya kung sakali?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Gusto ko rin po yun, I mean siyempre, that was before.

“Pag meron po akong foundation sa mga tao. Kunyari po ako, hindi na po ako magdu-doktor. Siguro po, ipapa-doktor ko po yung mga kapatid ko.

“Kunyari po, yung ate ko kasi po, sabi ni Mama, parang ano daw po siya, puwede daw po siyang mag-doktor.

“So siguro po puwede ko rin po siyang [Mona Louise] ipagamot dun kasi kawawa po siya,” pahayag pa niya.

NO RIVALRY. Dahil nga sa kanyang pag-aalala para sa kapakanan ng kanyang co-star, malinaw na walang anumang rivalry sa pagitan nina Jillian at Mona Louise kahit sila ang dalawa sa pinakasikat na child stars ng GMA.

Paliwanag pa ni Jillian, “Hindi naman po ako nakikipagkumpitensiya sa mga iba pong bata.

“Lahat naman po sila mga kaibigan ko po.”

Kahit sila raw ni Ryzza Mae Dizon ay walang kumpetisyon.

Sabi pa niya, “Pero po, yung mga tao lang po talaga yung nag-iisip po na ikumpitensiya po kaming dalawa.

“Pero po ano, hindi naman po kasi kailangan, e. ’Tsaka po magkaiba po kami ni Ryzza. Siya po kasi, sa comedy po, di ba? comedienne na little girl, host. Kasi, ako po kasi, sa drama po.

“Pero minsan po puwede rin po ako sa comedy.”

THE NEXT MARIAN RIVERA? May mga nagsasabing si Jillian ang susunod sa mga yapak ni Judy Ann Santos o ni Governor Vilma Santos.

May mga nagsasabi ring kapag nagdalaga si Jillian ay maaaring siya ang next Marian Rivera.

“Natatawa nga po ako e, hindi ko po alam kung totoo!” pag-amin niya.

Pero flattered si Jillian kapag nakakarinig siya ng mga ganitong papuri.

“Hindi ko po alam kung magiging totoo yun,” at tumawa ang batang aktres.

Walang crush si Jillian.

“Wala po talaga!”

BEATLES FAN. Hindi rin siya katulad ng ibang kabataang babae na gusto ang boy band na One Direction. Hindi raw gusto ni Jillian ang grupong ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Iba ang paboritong banda ni Jillian.

“The Beatles!” bulalas niya.

At umawit pa si Jillian ng ilang linya mula sa isang kantang pinasikat ng ’60s group.

Paano niya natututunan ang mga awitin ng The Beatles?

Kuwento niya, “Wala lang po, pinakinggan ko lang po. Actually, hindi ko naman po sila masyadong idol, gusto ko lang po yung mga songs nila.

“Naririnig ko po sa ate ko kasi gustung-gusto niya yun. Lalo na yung The Rolling Stones. Gusto niya po kasi mga vintage.”

Twelve years old lamang ang ate ni Jillian na si Jermaine Ann.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN