Senator Jinggoy Estrada cries foul over "biased, selective prosecution, lack of due process" in plunder charge against him

Senator Jinggoy Estrada reiterates that he’s ready to face arrest despite alleged lack of due process in plunder charge filed against him in Sandiganbayan. "Minsan nang nangyari ito sa akin, pero napatunayang wala akong kasalanan. At sa pagkakataong ito ay papatunayan kong muli na walang basehan ang mga bintang na ipinaaako sa akin," says Senator Estrada, who was once charged with plunder in 2001, along with his father and then President Erap Estrada.


“Wala mang saysay para sa iilan, patuloy akong maninindigan dahil katulad ng paulit-ulit kong sinasabi, ako ay walang kasalanan...

"Nais kong ipakadiin, hindi ako magnanakaw."

Ito ang mga salita ni Senator Jinggoy Estrada, bilang pagtatanggol sa sarili, sa kanyang privilege speech sa Senado ngayong araw, June 11.

Bagamat wala umanong katotohanan ang alegasyong pandarambong laban sa kanya, iginiit ng senador na handa siyang makulong anumang oras.

Ito ay sa kadahilanang naniniwala siyang mananaig pa rin ang “tunay na katarungan” sa bandang huli.

“Hindi na nila ako kailangan pang hanapin at kaladkarin kung sakaling kami ay dapat nang arestuhin, dahil ako na mismo ang kusang susuko sa kinauukulan sa sandaling maglabas ng utos ang korte na ako ay dakpin,” matapang na pahayag ng senador.

Kasabay nito ay umalma si Senator Estrada hinggil sa “selektibong imbestigasyon” kaugnay ng diumano’y maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga sangkot na mambabatas.

Habang nagtatalumpati ang senador, mayroon ding ipinapakitang Powerpoint presentation ng mga dokumento at video clips ng mga puntos na ipinahahayag niya laban sa Commission on Audit, Department of Justice, Senate Blue Ribbon Committee, at Office of The Ombudsman.



COA. Tinawag niyang “well-rehearsed script” ang pagdiin ni Commission on Audit (COA) Chairman Grace Pulido-Tan sa kanilang tatlo nina Senator Juan Ponce Enrile at Senator Bong Revilla.

Ito ay sa kabila ng resulta ng COA report, kung saan nakasaad na may “334” na mambabatas ang nag-release ng PDAF—na may kabuuang halagang “P14.3 billion”—para sa taong “2007, 2008, at 2009.”

Ang mga pinondohang proyekto ng mga sangkot na mambabatas ay inendorso naman sa 82 non-government organizations (NGOs).

Hinaing pa ni Senator Estrada: “Ngunit bakit kami lamang ang naalala ni Chairman Pulido-Tan?”

Sa puntong ito, kinuwestiyon ng senador kung bakit hindi kasama si Deputy Speaker Boyet Gonzales sa pinaimbestigahan, gayong nakipag-meeting pa diumano si Tan sa kongresista bago lumabas ang COA audit report.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sinabihan at binalaan pa nga niya si Deputy Speaker Gonzales na malaki ang magiging problema nito dahil ang kanyang PDAF ay ang opisina niya mismo... opisina mismo ni Deputy Speaker Gonzales ang nagpatupad.”

DOJ. Inireklamo rin ni Senator Estrada ang labis na pagse-sensationalize diumano ni Department of Justice (DOJ) Secretary Leila De Lima sa pork barrel scam investigation.

Kabilang na rito ang pagdiin umano ni De Lima na mayroong “trak-trak” na ebidensiya laban sa kanya at kina Senator Enrile at Senator Revilla.

Kaugnay ito ng first batch ng kasong plunder na isinampa ng DOJ at National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of The Ombudsman noong September 16, 2013.

Dagdag pa ni Senator Estrada, kataka-taka na iilang mambabatas lang ang inireklamo sa dami ng naiulat sa COA audit report.

Aniya, “Si Enrile, Revilla, at Estrada ay inimbestigahan nang wala pang dalawang buwan, pero kapag kakampi o kaalyado, mabilisang kini-clear ang pangalan at hindi na iniimbestigahan.”

Iginiit din ng senador na hindi makatarungan ang paghiling ni De Lima sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang pasaporte nilang tatlo nang walang pormal na utos mula sa korte.


SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE. Pagkatapos ay naglabas din ng hinaing si Senator Estrada laban sa mga kasamahan niya sa Senado, dahil sa hindi raw patas na imbestigasyong isinagawa ng mga ito kaugnay ng pork barrel scam.

Nilinaw ng senador na hindi niya hinihiling na siya ay pagtakpan o ipagtanggol ng kanyang mga kapwa-mambabatas.

Ang inaasahan daw niya ay huwag sana siyang husgahan agad, lalo pa’t wala namang matibay na ebidensiya at wala pang pormal na kasong plunder na inihain laban sa kanya.

“Itinuon lamang nila sa sinasabing Napoles NGOs ang pagdinig upang lalo kaming mabaon at madikdik.

“Pinakamasahol dito, mas pinanigan at pinaniwalaan nila ang mga kasinungalingan at kuwentong kutsero ng iilan.”

Dagdag pa raw rito ang pangungutya ng ibang senador, sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagsambit ng “Tanda, Sexy, at Pogi”—na ayon kay Benhur Luy ay code names ni Janet Lim-Napoles para kay Senator Enrile, Senator Estrada, at Senator Revilla, respectively.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nabanggit din ang paglarawan ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Teofisto Guingona III sa testimoniya ni Ruby Tuason laban kina Senator Estrada at Senator Enrile na “Three-point, buzzer-beater, winning shot!”

Sabi pa ni Senator Estrada, “Hindi pa tapos ang imbestigasyon, buo na sa isip ng Chairman ng Blue Ribbon na kami ang may kasalanan.”

Kakatuwa rin umano na halos magkasabay na naglabas ng resolusyon ang Blue Ribbon Committee at Office of The Ombudsman na nagdidiin sa kanila nina Senator Enrile at Senator Revilla sa kasong plunder, noong April 1, 2014.

Ito ay sa kabila ng kaalamang ang “draft, partial, and unsigned PDAF report” ng Blue Ribbon ay hindi pa nabasa ng ibang miyembro ng komite.

OFFICE OF THE OMBUDSMAN. Ayon pa kay Senator Estrada, dismayado siya kay Office of The Ombudsman Chairperson Conchita Carpio-Morales, dahil halatang may kinikilingan daw ito sa imbestigasyon kaugnay ng PDAF scam.

Patunay raw nito ay ang pahayag ni Morales kung saan sinabi niya kay Atty. Dennis Manalo, legal counsel ng whistleblower na si Ruby Tuason, ang mga katagang “now we are on the same side.”

“Magkakampi na sila agad-agad? Hindi ba dapat walang kinikilingan si Ombudsman?

“This seemingly innocent statement is very much contrary to the Ombudsman’s avowed observance of impartiality and fair play,” sabi ni Senator Estrada.

Maging ang mga sumunod na panayam ng media kay Morales ay nagpapakita rin umano ng “prejudice” at “biased manner” nito sa pagresolba ng kaso.

Ngunit higit sa lahat, inalmahan ni Senator Estrada ang kawalan diumano ng due process sa desisyon ng Ombudsman na sampahan siya ng kaso sa Sandiganbayan.

“In an Order dated 27 March 2014, the Ombudsman denied my request to be furnished with copies of counter-affidavits of the other respondents, affidavits of new witnesses and other filings for lack of cogent basis.

“I would have accepted this had the Ombudsman not used these very same documents I requested and which they refused to give, against me,” saad niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Iginiit din ng senador na ang pagkaakit na ito ni Morales ay hindi lamang mali kundi labag sa prohibisyon ng Saligang Batas.

Bilang patunay, agad daw ini-release ni Morales ang mga dokumentong hinihingi ni Senator Estrada, matapos siyang maghain ng petisyon sa Korte Suprema, na nagsasabing nilabag ng Ombudsman ang karapatan ng senador para sa due process.

QUESTIONABLE PLUNDER CASE? Ang totoo, ayon kay Senator Estrada, “halatang pilit” ang pagsampa ng kasong plunder laban sa kanya.

Bukod sa wala raw siyang kinamal ni isang kusing mula sa kaban ng bayan, kung ang ledger ni Benhur Luy ang pagbabasehan ay hindi naman umabot sa P50 million ang diumano’y tinanggap na komisyon ng senador mula kay Napoles.

“Ang ledger naman ni Luy, kung saan nakatala diumano ang mga komisyon na aking natanggap mula kay Gng. Tuason, kung ito ay susumahin ay hindi aabot sa P50 million.

“Ang iba naming nakatala sa ledger ay hearsay sapagkat wala namang personal na kaalaman si Benhur Luy dito.

“Tinala niya ang mga ito dahil inutos o sinabi daw ito ni Gng. Napoles,” depensa ni Senator Estrada.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN