Jomari Yllana on why he and ex-wife Aiko Melendez are not getting back together: “Ayokong nasasaktan yung mga bata.”

Ayon kay Jomari Yllana, hindi naman daw sila ng dating asawang si Aiko Melendez ang higit na nasaktan noong nagkahiwalay sila. “Hindi ako. Hindi si Aiko. Kundi yung mga anak namin. At kung iyon mangyayari ulit, parang hindi na magiging maganda yun,” sabi pa ni Jomari.


Kamakailan ay napabalitang naaksidente si Jomari Yllana sa isang car racing event.

Pero mukhang okey na naman siya nang makakuwentuhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) matapos mag-guest ang aktor sa Sunday All Stars (SAS) noong Linggo, June 9.

“Okey naman. Nanalo kami!” nangiting sambit ni Jomari.

“First na karera ng Yllana Racing Team. Natapos kami ng first runner-up.

“Uhmm… kaliwa’t kanan merong bangga. Kasama talaga iyon sa laro. Pero natapos namin yung karera. Nakatawid ng finish line.

“Sa amin iyon ang importante… nakatapos kami ng karera. At wala namang nangyari sa akin.

“Yung kotse medyo may damage. Pero sa driver… hindi naman nasasaktan ang driver sa mga ganyang situwasyon.

“So… okey naman. Okey naman.”

Tuluy-tuloy lang daw ang naumpisahan na nilang pagsali sa mga car racing competition.

“Yeah! Meron pa kaming limang schedules for the year. Yung susunod ay sa July.

“After July, hanggang November iyon na every month. So iyon ang kailangan naming ipag-prepare kasi marami kaming homework na kailangang gawin.

“Para maging mas mainam kami. Mas maging matibay kami sa mga susunod na karera.”

SPENDING TIME WITH LOVED ONES. Malapit na ang Father’s Day. Paano niya ito planong i-celebrate?

“Sa akin ano… kahit saan, kahit anong oras. Ang importante ay nakikita at nakakausap ko sila. Lahat ng mga mahal ko sa buhay. Pati ang mommy ko at mga kapatid ko.

“Lalung-lalo na yung unico hijo ko. Okey na ako do’n.

“Kailangan lang naman, lagi kang may quality time para sa anak mo. Yung oras na naibibigay mo na quality time talaga na meron kayong napag-uusapan.

“Meron kayong makabuluhang napaglalaanan ng panahon na… buo yung pamilya. Yung… nakakapag-usap. Nakakapaglaro. Nakakapag-bonding.

“At ang pinakaimportante more than that pa siguro ay yung sharing n’yo ng nararamdaman sa isa’t isa. So kailangang mai-feed din natin yung nararamdaman ng isa’t isa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So para sa akin kapag kumpleto yun, kahit hindi kayo gumastos okey na.”

ADVICE TO ANDREI. Ang tinutukoy na “unico hijo” ni Jomari ay si Andrei na anak nila ng ex-wife niyang si Aiko Melendez na ngayon ay binatilyo na at nag-aartista na rin.

Ano nga ba ang pakiramdam niya ngayong unti-unti nang nakikilala ang anak nila ni Aiko bilang isa sa bagong bini-build up na youngstars ng ABS-CBN?

“Sa amin [ni Aiko], masaya kami. Pero siyempre, ang priority ay yung pag-aaral niya.

“Konti na lang yun, e. At iyon ang usapan namin… tapusin lang niya yung high school. Third year na siya ngayon. So kung bibilangin mo, dalawang school year na lang yun.

“Okey na iyon. Konting tiis na lang.”

Balitang nagkakainteres din sa car racing si Andrei.

“Ang advice ko sa kanya, kung papasukin niya, kailangang pasukin niya kung papano ko siya ginawa.

“Nung nagsimula ako dati, ‘andun sa level na professional. Na kailangan mo siyang tingnan as a profession.

“Para hindi sayang yung… hindi kaya ang gastos nung tatay niya, ‘di ba?” sabay tawa ni Jomari.

“So… kailangang pag-igihan niyang mabuti. At tingnan niya ‘to bilang trabaho kung ito talaga ang gusto niyang gawin.

“Kung gusto niya itong gawing propesyon, nandiyan kami para suportahan siya.”

Kasama si Jomari sa cast ng bagong soap ng GMA-7 na The Half Sisters kung saan pangunahing tampok sina Barbie Forteza at Thea Tolentino.

Labis ang kanyang pasasalamat sa Kapuso Network sa pagbibigay ng panibagong project para sa kanya.

“Natutuwa ako sa tiwalang ibinibigay ng GMA sa akin. Na hanggang ngayon ay hindi kami nauubusan ng magagandang roles.

“Bilang kami na nandito na sa estado ng pagiging beterano e kami’y nabibigyan pa rin ng magagandang klase ng roles na kaya naming gampanan.”

LOVELIFE. Nangiting muli si Jomari nang mausisa tungkol sa estado ng kanyang lovelife. Matagal nang walang nali-link man lang sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Wala, e! Puro ako trabaho. Puro ako training [sa car racing].

“Ako ay nagbabawas na ng timbang. Meron akong sampung kilo pa na puwede kong tanggalin!” sabay tawa niya ulit.

“Kasi hindi lang yung kotse ko ang overweight. Yung driver overweight din!

“Wala akong oras mag-date. Wala akong oras na mamasyal.

“Puro ako taping… trabaho, at preparasyon sa kotse. So ang lovelife… laos! Ha-ha-ha!”

Kumusta naman sila ni Aiko sa ngayon?

“Okey naman.

“A… kami naman ni Aiko, kung meron sa amin na pinaka-nakakakilala sa isa’t isa e siguro yung Jomari at Aiko nga lang.

“Si Aiko kahit hindi nagsasalita, alam ko ang pinagdadaanan. Alam ko ang iniisip. Alam ko ang nararamdaman.

“In fairness, gano’n din naman siya sa akin.”

NOT GETTING BACK TOGETHER. Pareho silang single ngayon. So hindi imposible at bukas ang tsansa na magkabalikian sila?

“Wala namang balikang nangyayari, pero… ‘andun kami to support each other.

“Padating sa bagay na ‘yan, ako e… ipinagpapasa-Diyos ko na lang ‘yan.

“Kasi… kung may nangyaring hiwalayan sa amin noong araw, ang pinaka-nasaktan do’n hindi naman kami.

“Hindi ako. Hindi si Aiko. Kundi yung mga anak namin.

“At kung iyon mangyayari ulit, parang hindi na magiging maganda yun.

“So kung kailangan naming mag-ingat, mas maingat pa kesa kung paano kami nag-ingat dati.

“Mas kailangan naming gawin yun. Kailangan naming mag-ingat, huwag maging padalus-dalos.

“At saka mas pinapaboran na dapat ng isip namin kung ano yung nararamdaman ng mga taong nakapalibot sa amin.

“Kasi kung kami-kami lang, madali na lang ‘yon.”

For sure ang anak nilang si Andrei, gugustuhin na magkabalikan nga sila ni Aiko.

“Ako, naniniwala ako na yung batang ‘yon kung meron siyang Christmas wish every year… naniniwala ako na iyon yun.

“So ako naiintindihan ko yun, e.

“Pero kung… basta ako, ayokong nasasaktan yung mga bata,” hindi lang si Andrei kundi pati na si Marthena, ang anak ni Aiko sa modelong si Martin Jickain ang tinutukoy ni Jomari.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Gano’n na lang.

“Kasi… ang daling pasukin. Ang daling kagatin. Nandiyan na ‘yan, e.

“Kaya lang, kailangang mas maging maingat, ‘di ba?

“And ang mahalaga naman, okey ang relationship namin ni Aiko. At okey rin ang relationship ng mga anak namin. Yun naman ang importante, e.”

POLITICS. Ang kapatid niyang si Anjo Yllana, matapos manungkulang konsehal at kalaunan ay Vice Mayor sa Paranaque City, ngayon naman ay konsehal sa Quezon City.

Hindi ba siya nai-encourage na pumasok din sa politics?

“Lagi naman, e. Lagi naman. Pero… tingnan natin.

“Hindi ko naman isinasara ang pinto ko sa mga ganyan. Pero sa pulitika ng Paranaque at Quezon City, nandiyan ako bilang supporter mula nung time na teenager pa ako, e.

“Ang importante naman diyan, nakakatulong at nakakasuporta tayo sa mga taong nangangailangan.

“Not necessarily kasama ako bilang isang kandidato,” panghuling nasabi ni Jomari.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN