Mayor Joseph Estrada defends grandson Jolo Ejercito over “lavish lifestyle” photos

Ayon kay Manila Mayor Joseph Estrada, kaya naman daw ng apo nitong si Jolo Ejercito na bumili ng mamahaling sapatos dahil rumaraket-raket naman daw ito sa showbiz. Pinabulaanan naman ng dating Pangulo na mayroon silang private plane.


Inihahalintulad ngayon ng ilang netizens si Jolo Ejercito kay Jeanne Napoles, ang anak ng tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles.

Si Jolo or Joseph Luis Manuel ang pangalawang anak ni Senator Jinggoy Estrada, na nakadetine ngayon sa Camp Crame dahil sa kasong plunder at graft.

Ayon sa netizens, pareho raw kasi ng lifestyle o pamumuhay sina Jeanne at Jolo.

Matatandaang nabatikos nang husto noon si Jeanne dahil sa kanyang marangyang pamumuhay na ipinapakita nito sa kanyang mga larawan sa Instagram.

Read: Alleged Instagram posts of Jinggoy Estrada’s son Jolo go viral

Ayon sa ulat ng Pilipinas News (PNews) ng TV5 kagabi, June 24, kung may Christian Louboutin stilettoes daw si Jeanne, na daang libo ang halaga, si Jolo naman daw ay mayroong Louis Vuitton Montecarlo loafers, na ilang libo rin ang halaga.

Makikita ang posts diumano ng anak ni Jinggoy sa Instagram account na @joloestrada17.

Pero sa pananaliksik ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), hindi ito ang tunay na account ni Jolo, kundi maaari itong isang hater account.

Ang kanyang totoong Instagram account ay may handle name na @josephluisman.

Sabi pa ng netizens, kung mayroong magarbong birthday party ang anak ni Napoles sa Beverly Hills, makikita naman sa isang post sa fake account pa rin ni Jolo ang presidential suite ng Manila Hotel, na nagkakahalaga diumano ng isandaang libong piso bawat gabi.

Naka-caption dito: "For the weekend."

Isa pang paghalintulad ay ang larawan ni Jeanne kung saan nakasakay ito sa isang Porsche limousine, habang si Jolo naman ay nasa isang private jet kasama ang kapatid nitong si Julian.



ERAP AND JUDE TO THE RESCUE. Agad namang ipinagtanggol ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang apong si Jolo.

Kaya naman daw ng apo niyang makabili ng mamahaling sapatos dahil rumaraket daw ito sa showbiz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aniya, “Sapatos lang ‘yan, e, kayang-kaya niyang mabili. Sapatos lang.”

Aminado naman si Mayor Erap na hindi pa siya nakatuntong sa presidential suite ng Manila Hotel.

Sabi naman ng tito ni Jolo na si Jude Estrada—na pagtototoo na rin sa litrato ng Manila Hotel suite na lumabas sa fake account ni Jolo—libre raw ang accommodation ng pamangkin sa naturang mamahaling kuwarto.

Saad nito, “Complimentary lang yung stay na yun for a night.”

Tungkol naman sa private jet, itinanggi ni Erap na mayroon silang pag-aaring ganito.

Saad ng dating Pangulo, “Wala, anong private jet? Kasiraan lang yun.

"Tingnan niyo, wala namang may eroplano sa amin, wala namang may helicopter.

"Ako, nanghihiram lang.”

Kumpiyansa rin si Erap na mapapawalang-sala ang anak niyang si Jinggoy.

Sana rin daw ay huwag munang husgahan ang kanyang pamilya.

Nagpaabot na ang PEP ng mensahe kay Jolo sa private messaging ng Instagram upang kunin ang kanyang panig sa isyung kinasasangkutan, ngunit hanggang ngayon ay wala pa itong tugon.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN