Angel Locsin on settling down with Luis Manzano: "Alam na rin namin na kami talaga para sa isa’t isa."

Angel Locsin on wedding plans with Luis Manzano: "Wala naman kaming metro. Hindi naman kami naka-taxi. Hindi kami nagmamadali. Yung security namin sa isa’t isa, siguro sa lahat ng mga pinagdaanan namin, sa pitong taon na pinagdaanan namin, alam na rin namin na kami talaga para sa isa’t isa."


Bukas si Angel Locsin sa posibilidad na ang inaabangang kasalan nila ni Luis Manzano ang sunod na aatupagin niya pagkatapos niyang pagbidahan ang pelikulang Darna.

Ito ay sa kadahilanang wala na raw siyang mahihiling pa sa dami ng biyayang natatanggap niya ngayon.

“Kuntento talaga ako sa mga nangyayari. Sobra-sobra pa nga ang nangyayari.

“Kung mangyari yun, e, di sobra-sobrang blessing yun.

“Pero gagalingan ko pa yung panliligaw. Kailangan ko raw manligaw sa kanya!” pabirong sabi ni Angel.


WEDDING IN 2016? Mula nang magkabalikan sina Angel at Luis noong February 27 ngayong taon, pareho silang bukas sa pagsasabing napag-uusapan na nila ang tungkol sa pagpapakasal.

Pero dahil magiging abala si Angel sa kanyang bagong proyekto, posibleng ma-delay pa hanggang 2016 ang kanilang paglagay sa tahimik.

Read: Luis Manzano and Angel Locsin discuss marriage but not wedding date

Nang tanungin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Angel tungkol dito, ipinaliwanag ng Kapamilya actress na walang dahilan para madaliin nila ni Luis ang bagay na ito.

Sa katunayan, proud boyfriend daw si Luis nang malaman ng actor-host na si Angel ang gaganap na Darna para sa pelikulang ipalalabas ng Star Cinema sa 2015.

Sabi pa ni Angel, “Wala naman kaming metro [ni Luis]. Hindi naman kami naka-taxi. Hindi kami nagmamadali.

“Yung security namin sa isa’t isa, siguro sa lahat ng mga pinagdaanan namin, sa pitong taon na pinagdaanan namin, alam na rin namin na kami talaga para sa isa’t isa.

“Kung yung growth niya ay happiness ko, I’m sure gano’n din naman si Luis sa akin.

“Napag-usapan naman namin ‘to long time ago pa, parang gano’n.”

Nakausap ng PEP at ABS-CBN reporters si Angel sa story pitching ng Darna sa Star Cinema office kagabi, June 26.

LUIS STILL UNDECIDED ON ENTERING POLITICS. Sa kabilang banda, suportado rin ni Angel kung sakali mang naisin ni Luis na sumabak sa pulitika sa May 2016 elections.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa isang panayam kamakailan, nabanggit ni Luis na napag-usapan nila ni Angel, ng kanyang ina na si Governor Vilma Santos, at ng kanyang stepfather na si Senator Ralph Recto kung bukas ba ang actor-host na kumandidato sa Batangas sa 2016.

Ngunit nilinaw ni Angel na sa ngayon ay wala pang pinal na desisyon ang nobyo tungkol dito.

Aniya, “Parang hindi pa naman talaga niya napag-iisapan kasi parang busy din siya sa trabaho.

“Siguro nakikita rin niya na dapat ibibigay mo buong oras mo kapag maglilingkod ka sa bayan natin.

“So, yes, napag-usapan, pero gusto ko lang sabihin na wala pang final na sinasabi si Luis.”



QUALITY TIME IN JAPAN. Natawa naman si Angel nang tanungin ng PEP kung totoo ang pagbisto ni Luis na panay tulog lang ang ginawa ng aktres nang magbakasyon sila sa Japan tatlong linggo na ang nakararaan.

“Sobra siya! Gusto ko lang sabihin sinisiraan niya ako, ha!

"Hindi naman. Mga ilang araw lang akong tulog.

“Diretso kasi ako from last taping day ng The Legal Wife.

"Lahat naman ng tao sa Legal Wife, walang tulog that time. Siguro bumabawi lang yung katawan ko.

“Pero ang sweet naman niya kasi gusto lang niya ako patulugin,” saad ni Angel.

Aminado ang Kapamilya actress na noong una ay medyo nag-alala siyang baka hindi sila masyadong makapasyal dahil sa sobrang pagod niya.

Ngunit na-appreciate daw ni Angel na mismong si Luis ang gumawa ng paraan para makapagpahinga siya nang mabuti.

“Kasi nire-ready ko yung sarili ko na, ’Paano kaya?’

"Mag-isip na ako ng bonding kung saan ako puwede matulog na hindi naman ako maaaway.

“Kasi baka mag-start ng away. [Baka sabihin niya,]‘Sinamahan mo ako, nagka-time ka para sa akin, pero tutulugan mo lang pala ako.’

“So, nag-iisip na ako. [Sabi ko sa kanya,] ‘Gusto mo magpa-foot massage?’

“Pero in fairness to him, siya pa talaga yung unang nakapaalala, ‘Hindi, matulog ka muna. Matulog ka muna.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At kahit na gising na gising ako, pinapatulog niya ako."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN