Kuya Germs denies claims of favoritism in selection of German Moreno Youth Achievement awardees

Kuya Germs explains the criteria for the selection of honorees for the German Moreno Youth Achievement Award: “Lahat naman ng napapasama sa German Youth Achievement Award ay yung mga kabataang artista na may mga nagawa na at may napatunayan na kahit papaano, at may papatunayan pa sa pagpapatuloy ng career nila.”


Kasalukuyang ginaganap ang taunang pagbibigay ng parangal ng FAMAS ngayong Linggo ng gabi, July 13, sa grand ballroom ng Solaire Resort and Casino sa Parañaque City. At katulad ng mga nakaraang taon ay patuloy na nagiging kontrobersyal at binabatikos ang pagbibigay ng German Moreno Youth Achievement Award.

Kabilang sa mga napiling gawaran ng nasabing parangal para sa taong ito ay sina Hiro Peralta, Ken Chan at Janine Gutierrez mula sa bakuran ng GMA-7; Julia Barretto at Jerome Ponce mula naman sa kampo ng ABS-CBN, at nag-iisa naman si James Reid mula sa Viva Entertainment.

Sabi nga ni Kuya Germs nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa kanyang Walang Siyesta radio program sa dzBB kamakailan, “Taun-taon naman ganyan ang nangyayari!

“Lagi na lang may against at hindi gusto yung line-up na nabibigyan ng German Moreno Youth Achievement Award. Wala nang bago diyan,” natatawa niyang pahayag.

“Siguro lang hindi pa nabibigyan yung paborito nilang artista or may gusto silang mapasama kaya kung anu-ano ang sinasabi nila.

“Bakit hindi na lang nila hintayin na baka next year yung paborito naman nilang artists yung mabibigyan ng parangal. Kanya-kanyang panahon lang ’yan.

“Hindi naman puwedeng sabay-sabay na bigyan sila ng award. Sobrang dami nila.

“Sinu-sino na ba ang nabigyan ng German Moreno Youth Achievement Award?

“Nandiyan sila Piolo Pascual, Maja Salvador, JC De Vera, Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, Kristoffer Martin, Bea Binene, Jake Vargas, Kim Chiu, Gerald Anderson, Jessy Mendiola, Xian Lim, Ruru Madrid, Janella Salvador, Enrique Gil, Sarah Lahbati, Alden Richards, Louise delos Reyes at marami pang iba.”

CRITERIA FOR QUALIFICATION. Ano nga ba ang basehan sa pagpili para sa mga karapat-dapat gawaran ng nasabing award? Si Kuya Germs ba ang may “final say” dito?

Paliwanag niya, “Hindi lang naman ako ang pumipili kung sino ang bibigyan ng German Moreno Youth Achievement Award.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Bale tumatawag ako... like sa ABS-CBN, tumatawag ako sa kanila kung sino ang puwede nilang ibigay. Tapos pag nagbigay na sila, pinapa-research ko kung ano na yung nagawa at kung ano na yung achievements at kung may potential ba na tumagal sa showbiz.

“Lahat naman ng napapasama sa German Youth Achievement Award ay yung mga kabataang artista na may mga nagawa na at may napatunayan na kahit papaano at may papatunayan pa sa pagpapatuloy ng career nila.

“Hindi ’yan yung sinasabi ng iba na kasi paborito ni Kuya Germs kaya kasama, walang ganun!

“Sa dami ng malalapit sa aking artista, e, di lahat nilagay ko na, kaya lang tinitingnan din namin yung mga nagawa na ng artista.

“Kaya nga hindi lang mga taga GMA-7 yung binibigyan ko ng award, kasi mas marami ang mag-iisip na baka biased ako. Kaya naman pati ibang network kinakausap ko para mabigyan din ng German Moreno Youth Achievement Award.

“Like si Julia Barretto na mula sa angkan ng mga artista. Bukod sa marami na siyang proyekto na ginagawa sa ABS-CBN, marami pa rin siyang commercial at endorsement at inaalagaan din siya ng kanyang home studio.

“Ganun din si Jerome Ponce na alagang-alaga rin ng ABS-CBN at sumikat nang husto sa Be Careful with My Heart at marami ding endorsement at shows.

“Sa Kapuso naman, si Hiro Peralta na galing sa sumikat na palabas sa GMA-7, ang Tween Hearts at Walang Tulugan with the Master Showman.

“Tapos nagkasunud-sunod na ang paggawa niya ng teleserye sa GMA, kung saan nagbibida rin siya. Maging sa pelikula ay may mga endorsement din siya at inaalagaan ng GMA.

“Si Janine Gutierrez naman, galing din sa pamilya ng showbiz, mula sa kanyang mga magulang, lola’t lolo at maging sa kanyang mga kamag-anak, at may pinagbidahang teleserye sa GMA at may mga endorsement din at magaling mag-host.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Si Ken Chan naman nagmula din sa Tween Hearts at sa Walang Tulugan at napasama sa mga teleserye ng GMA-7, may mga endorsement din at ngayon may sarili ng album at nakagawa na rin ng mga pelikula.

“At si James Reid na mula sa reality show sa ABS-CBN, nagkaroon na rin ng mga teleserye at isa na ring recording artist at mas sumikat sa pelikulang, Diary ng Panget.

“So lahat ng mga bagets na bibigyan ng German Moreno Youth Achievement Award ay may kanya-kanyang achievement at patuloy pang gumaganda ang takbo ng kanilang career.

Dagdag pa ni Kuya Germs “Hindi ko na lang pinapansin yung mga taong bumabatikos sa akin, nasanay na rin ako katulad ng sinabi ko, taun-taon naman may laging kumukontra at kontrabida, kaya deadma na lang.

“Kung doon ba naman sila magiging masaya sa ginagawa nila, ibigay na natin sa kanila yun kasi yun naman yung kaya nilang gawin.”

MESSAGE TO BASHERS. Ano naman ang mensahe ni Kuya Germs sa mga bumabatikos sa award niya at gumagawa ng isyu laban sa kanya?

“Abangan na lang nila kung sino naman next year yung mabibigyan ng German Moreno Youth Achievement Award baka kasi yung paborito naman nilang artista ang mabigyan,” huling hirit ni Kuya Germs.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN