Dumalo si Dennis Padilla sa hearing ng petition for change of name ng anak niyang si Julia Barretto, kahapon ng umaga, July 18.
Dininig ito sa sala ni Judge Manuel B. Sta. Cruz Jr. ng Branch 226 ng Quezon City Regional Trial Court.
Nasa London pa si Julia, kasama ang ina niyang si Marjorie Barretto, para sa show ng Kapamilya network doon.
Kaya ang iba pang abugado sa law office ni Atty. Lorna Kapunan ang kumatawan sa young actress.
Sinamahan naman si Dennis ng kapatid niyang si Gene Padilla, ang anak niya sa unang asawa na si Luis Baldivia, at ang legal counsel niyang si Atty. Mike Ramirez.
Tinanggap ng korte ang motion to intervene na isinumite ni Dennis.
Binigyan naman ng limang araw ang kampo ni Julia para magsumite ng komento kaugnay rito.
Dumalo rin ang abugado ng solicitor general dahil may kinalaman ng kaso sa record ng birth certificate ni Julia.
Isa sa napag-usapan sa pagdinig ng naturang kaso ay ang gag order na isinumite naman ng legal counsel ni Julia.
Hindi naman kaagad iniutos ng korte na i-apply na ang gag order.
Magbibigay rin daw ang korte ng limang araw para basahin at sagutin ito ng kampo ni Dennis at ng solicitor general.
Kaya wala pa ring gag order sa ngayon.
PROPER EXPLANATION. Bago pumasok si Dennis sa korte ay nagbigay siya ng statement sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Kaya raw niya ginagawa ito ay dahil gusto lang niyang ipaglaban ang karapatan niya bilang ama ng kanyang anak.
Sinabi niyang nagkausap sila ni Julia bago ito umalis patungong London, pero hindi siya nagbigay ng buong detalye kung ano ang napag-usapan nila.
Nagkaroon lang daw ng ‘di pagkakaunawaan dahil pareho silang emotional pagkatapos magpa-interview ni Dennis sa Startalk noong nakaraang Sabado, July 12.
Saad ni Dennis, “Nagkausap kami, kaya lang yung explanation na ibinigay niya sa akin, hindi niya totally naintindihan.
“And ako, in-explain ko yung side ko as a father, and siyempre emotions were high.
“I don’t think naintindihan niya fully.”
Dagdag niya, “Ang kailangan lang kay Julia siguro, merong isang tao na makapagpaliwanag nang buo on both sides.
“Buong paliwanag on the side of the mother, and buong paliwanag dun sa side ko.
“Kasi, I was not given the chance to talk to her long enough, e.
“Ako, mabigyan lang ako ng five minutes, mapapaliwanag ko ‘to.
“Baka wala pang five minutes, within three minutes lang na ako lang ang magsasalita sa kanya, maipapaliwanag ko ito.”
Nagpa-schedule daw sana ang Star Magic—ang namamahala sa career ni Julia—na magkausap ang mag-ama, pero hindi natuloy dahil nasa London nga ngayon ang young actress.
Hindi na raw umaasa si Dennis na magkausap pa sila ng anak dahil ongoing na ang kaso.
COURT DECISION. Pagkatapos ng halos tatlumpung minuto lang na pagdinig, nakangiti si Dennis na lumabas ng korte.
Natuwa siya sa desisyon ng korte na diringgin ang kanyang motion to intervene.
Naniniwala ang abugado ni Dennis na si Atty. Ramirez na may laban sila sa kasong ito dahil tingin niya, nasa maling venue ito.
Dapat din daw ay isinama talaga ng korte si Dennis, at hindi siya isinantabi lamang.
Ipinaglalaban nilang maipahayag ni Dennis ang panig niya at sariling opinyon sa petition na isinumite ni Julia.
Dagdag pang paliwanag ng abugado ni Dennis, “In our legal point of view, dapat isinama talaga si Dennis, and civil registry of San Juan.
“Sa nakikita namin, it was improperly filed here in Quezon City na dapat sa San Juan, under Rule 108.
“Although, ang kanilang ginamit is Rule 103 under the Petition to Change Name.”
Patuloy niya, “You would see that contents of the petition is more focused on the legitimacy or illegitimacy of Julia Barretto.
“So, if that would be the case, dapat Rule 108 ang kanilang na-file, which is Petition for Correction or Cancellation of Entry in the Civil Registry.
“In that case, hindi dapat sa QC, dapat sa San Juan.”
Ayon sa abugado ni Dennis, personal mismong pinuntahan ng komedyante ang National Statistics Office (NSO) para klaruhin ang birth certificate ni Julia.
Napag-alaman nilang sa San Juan lang ito naka-register at hindi sa Quezon City.
Kaya dito pumasok ang solicitor general dahil may kinalaman ito sa record ng rehistro ng birth certificate ni Julia sa San Juan.
Sinagot din ng abugado ni Dennis na kahit annulled na ang kasal nina Dennis at Marjorie, hindi ibig sabihin na papalitan na rin ang apelyido ng kanilang mga anak.
“The nullity of marriage does not automatically make the child illegitimate. You have to go to the process of law,” sabi ni Atty. Ramirez.
MONEY ISSUE? Dahil sa isyung ito, may mga naglabasan nang iba’t ibang opinyon ang mga tao.
Isa na rito ang pera.
Kaya raw ito ginawa ni Julia ay dahil sa kumikita na siya ngayon sa kanyang pag-aartista.
Sabi ni Dennis tungkol dito, “Hindi ako makakapag-comment ngayon diyan siguro.
“Wala naman akong hinihingi.
“Ang hinihingi ko lang, hayaan niyo nang maging legal name yung Baldivia.
“Wala namang kapalit yun, e.”
Aminado ang 52-anyos na komedyante na nagkalamat na ang relasyon nila ni Julia.
Hiningan namin ito ng mensahe para sa kanyang anak.
“Alam mo, Julia, mula nung ipinanganak ka, ako ang tatay mo.
“Alam mo ‘yan. Alam ng buong mundo.
“Alam mo kung ano itong ipinaglalaban ko.
“Matalino ka, alam mo ‘to,” naluluhang pahayag ni Dennis para sa kanyang anak.
MESSAGE FOR MARJORIE. Ipinarating naman ni Dennis kay Marjorie na sana ay huwag nang idamay ang mga anak nila sa kanilang problema.
Mensahe nito sa dating asawa, “Huwag na nating idamay ang mga bata. Kawawa naman.
“And I’m just fighting for my family name na dala-dala ng mga anak ko.
“I have two other children, before sila Julia. Kasama ko nga ang isa.
“Si Diane and si Luis, they’re carrying my family name Baldivia.
“My children with Marjorie, Leon and Claudia… and Julia, all of them are carrying the Baldivia family name for the past 17 years.
“Claudia, who’s turning 15, she’s carrying the family name for the past 15 years.
“Leon has been carrying the family name for the past 11 years.
“Why now? Why now?
“They’ve been carrying their family name all their lives. Why now?”
Ayon kay Dennis, na-check naman daw niya sa paaralan ng iba pa nilang anak na sina Claudia at Leon, at dala pa rin ng mga ito ang kanyang apelyido.
Sinagot din ng komedyante ang isyu ng pagpapakasal niya sa ibang babae bago sila magpakasal ni Marjorie.
Alam daw ito ni Marjorie bago sila nagpakasal.
Sabi ni Dennis, “I had previous marriage nung 1991 or 1992. We were too young then.
“That marriage contract was never recorded in NSO.
“It was not recorded before we got married ni Marjorie.
“We even seek a certificate from NSO, no record.
“Nung nakakuha kami ng certificate of no record, pumayag ang civil registry of Quezon City na ikasal kami dito, November 1997.
“Then it was a late registration of 2006.”
Iyon daw ang ikinagulat ni Dennis na nakarehistro na ito at hindi niya alam kung sino ang nagparehistro.
Dahil sa kaguluhang ito, tinanong namin si Dennis kung ano nga ba ang dahilan ng hiwalayan nila ni Marjorie, ngunit tumanggi itong sabihin.
Saad niya, “Ang isyu lang naman dito is yung tungkol sa name ng anak ko, so let’s concentrate on that.
“Yung pleading naming ito, to retain the Baldivia family name.
“Ang pleading nila, gusto nilang maging Julia Barretto na siya, screen name and legal name.
“Yun lang naman ang inilalaban ko. Wala namang kapalit yun.”