Comedian Mike "Pekto" Nacua grateful to Senator Bong Revilla for giving him roles in movie projects

Kapuso comedian Mike "Pekto" Nacua on learning about Senator Bong Revilla’s incarceration: “Pero gusto naming puntahan, nagpaplano kami ni John [Feir] na puntahan si Senator Bong, at least magpakita man lang kami ng suporta. E, medyo mainit pa yata ngayon para sa mga celebrities na pumunta dun, so parang ano muna, palamig muna.”


Nakilala ang comic tandem nina Mike “Pekto” Nacua at John Feir sa Nuts Entertaiment bilang sina Cookie at Belli Flori.

Regular silang nagkakasama bilang comedy team, pero ngayon sa Ismol Family ay hindi na si John ang ka-tandem ni Pekto kundi si Kevin Santos.

Si John naman ay sa Pepito Manaloto na napapanood.

Binuwag na ba ang dati nilang tandem ni John? Bakit parang pinaghiwalay na sila?

Sagot ni Pekto, “Hindi ko rin alam, e, kung bakit pinaghiwalay kami.”

Hindi rin daw sila nagkakagalit ni John.

“Wala namang away na naganap sa aming dalawa. Wala, wala talaga.

“Pinaghiwalay lang siguro kami ng landas ng network, pero hindi naman siguro sa sinasadyang pagkakataon.

"Kasi meron siyang mga ibang natanggap na projects na siya lang mag-isa, so meron din akong ginagawang mga projects na ako lang din na mag-isa.

“So, huli kaming nagsama sa Indio, with Senator Bong.”

THANKFUL TO SENATOR BONG. Malapit daw sina Pekto at John kay Senator Bong Revilla.

Ayon kay Pekto, “Si Senator Bong okay naman siya sa amin.

"Actually, nire-request niya kami para sumama dun sa mga movie niya, yung Panday.

“So, very thankful kami kay Senator Bong dahil pinapahanap niya kami sa mga pelikula niya ’tsaka sa mga projects niya.

“Natutuwa lang siguro siya sa aming dalawa, kumbaga, abot niya yung humor namin.”

Hiningan namin si Pekto ng komento tungkol sa kasong kinakaharap ngayon si Senator Bong kaugnay ng pagkakasangkot diumano nito sa Priority Development Assistance Fund scam.

Saad niya, “Nung nakulong si Senator Bong, siyempre nakakalungkot ding isipin na nangyari iyon.

“Pero gusto naming puntahan, nagpaplano kami ni John na puntahan si Senator Bong, at least magpakita man lang kami ng suporta.

“E, medyo mainit pa yata ngayon para sa mga celebrities na pumunta dun, so parang ano muna, palamig muna.”

LOYAL KAPUSO. Exclusive ang kontrata ni Pekto sa GMA Artist Center.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Never pa raw siya nakagawa ng project sa ABS-CBN.

“May mga alok, pero hindi ako makalabas, e!” at tumawa si Pekto.

Hindi ba siya threatened sa mga bagong sulpot na komedyante, ’tulad nga ni Kevin Santos?

Mabilis niyang sagot, “Hindi naman.

"Wala namang poot o galit sa mga katulad ni Kevin, kasi masarap nga, e.

"At least. bukod sa nakakasama ko siya sa eksena, natututo rin yung bata kung papaanong atake ng comedy.

“Kung papaano niyang ide-deliver yung punchline, kung papaano niya dadalhin, kung papaano niya ipapasok.

“Minsan nagsa-suggest ako sa kanya na, ‘Ganito ang gawin natin, Kevin.’

“So, natutuwa naman yung bata, na nagkakaeksena kami nang maayos at nagagawa namin yung trabaho namin nang maayos.”

GIVE AND TAKE. Hindi sila nagsasapawan sa bawat eksena.

“Tungkol sa sapawan, hindi naman siguro nangyayari sa amin, give and take lang yung nangyayari sa amin.

"Pagka mataas siya, bababa ako.

“’Tapos pag ako naman ang mataas, siya naman ang nag-a-adjust na bababa.

"Kasi ’pag mataas parehas, nawawala na yung sense ng comedy,” sabi niya.

Ganoon din ba sila ni John noon?

Pagmamalaki ni Pekto, “Kami ni John, actually, hindi kami nag-uusap ’pag gumagawa kami ng eksena.

"Parang lumalabas na lang nang kusa yung chemistry namin, e."

Gamay na nila ang bawat isa?

“Oo, e. Parang ganun na lang kabilis.

“Kami ni Kevin, matagal na kaming nagkatrabaho. Kasi nag-umpisa kami sa Show Me Da Manny, nagkakaeksena kami dun.

“Alam na niya yung behind the cameras, nagkukuwentuhan kami, nagbibiruan kami.

"So, naa-apply yung comedy namin sa eksena, alam na niya, nakakapa niya dahan-dahan.

“At least, marunong na siya.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN