Mark Herras’s adoptive father dies

Sumakabilang-buhay na ang kinikilalang ama ni Mark Herras na si Jun Herras. Sa Instagram post ni Mark kagabi ay pinasalamatan niya ang ama na siyang nag-aruga at nagpalaki sa kanya.


Pumanaw na ang ama ni Mark Herras na si Jun Herras, Lunes ng gabi, July 28.

Ilang oras pagkatapos bawian ng buhay si Daddy Jun ay nag-post si Mark ng isang larawan sa kanyang Instagram account (marktheherras).

Kuha ito noong sanggol pa lamang si Mark, na nakasakay sa stroller, kasama si Daddy Jun sa gitna ng isang kalye.

Ang titulo rito ni Mark ay: “Somewhere over the rainbow.”

Sa caption naman ay ito ang inilagay ng aktor: “Thank you dad for everything… Salamat sa lahat ng mga magagandang alaala na iniwan mo sa akin… Kung papaano mo ako pinalaki, inalagaan at minahal…

“27 years kitang kasama dad, hindi ko alam kung paano ako gigising sa umaga at matutulog sa gabi ngayong alam kong wala ka na… Ikaw ang bumibili sa akin ng mga gamit ko mula noon hanggang ngayon lalo na pag biglaan…

“Dad mahal na mahal kita at maraming salamat po sa lahat. I love you daddy Jun…”

Sa Instagram account ni Mark ay bumuhos ang mensahe ng pakikiramay mula sa kanyang followers.

Hindi man si Daddy Jun ang tunay na ama ni Mark, mula pagkabata ay ito na ang nag-aruga at nagpalaki sa Kapuso actor.

Nasangkot sa isang pyramiding scam noon si Daddy Jun, kung kaya’t sumali si Mark sa reality-based artista search ng GMA na StarStruck sa pag-asang makatulong financially.

Sinuwerte naman si Mark nang tanghalin siyang kauna-unahang Ultimate Male Survivor ng StarStruck.

Mula noon ay si Mark na ang tumayong breadwinner ng kanilang pamilya, habang si Daddy Jun naman ang nag-aasikaso sa mga pangangailangan ng anak sa showbiz.

Madalas ding sinasamahan ni Daddy Jun si Mark sa showbiz commitments nito.

Sa kasalukuyan ay inaalam pa ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang ibang detalye sa pagpanaw ng ama ni Mark at kung saan ito nakaburol.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN