Direk Joey Reyes defends Senator Jinggoy Estrada: "Wala akong pakialam kung ano ang sabihin ng mga taong galit sa kanya."

IMAGE Bernie V. Franco

Director Joey Reyes experiments with split screens and strong language in his new movie Somebody To Love. "I wanted to divert dun sa template na ginagamit ng romantic comedies," he says.


Matapang ang naging pahayag ng direktor at screenwriter na si Jose Javier Reyes hinggil sa kanyang kaibigang si Senator Jinggoy Estrada, na ngayon ay naka-detain dahil sa kasong plunder kaugnay ng P10-billion pork barrel scam.

Ani Direk Joey, nananatili siyang kaibigan ni Senator Jinggoy dahil magkahiwalay naman ang pagkakaibigan nila sa pagiging pulitiko ng senador.

“You know, dalawang side ‘yon, e.

"'Pag nag-uusap naman kami ni Jinggoy, may political side na hindi namin dini-discuss.

"Kasi iba naman ang pagiging magkaibigan namin, iba rin yung pagiging pulitiko niya."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment writers si Direk Joey sa pocket press conference ng kanyang upcoming movie na Somebody To Love, noong Lunes, July 28, sa Imperial Palace Suites, sa Quezon City.

Sabi pa ng direktor, “Kasi bilang kaibigan at bilang isang katrabaho, ang kabaitan na ipinakita niya, lalung-lalo na sa mga tauhan, beyond compare ‘yon.

“Wala akong pakialam kung ano ang sabihin ng mga galit sa kanya. 'Pag kaibigan mo, kaibigan mo.”

Ibinahagi rin ni Direk Joey ang magandang pagtrato ng senador sa production staff nang magkatrabaho sila sa pelikulang Katas ng Saudi noong 2007.

“Para sa isang katulad niya na tratuhin niya ako nang mabuti, expected yun dahil director niya ako.

"Pero para makita mo na tratuhin niya ang maliliit na tao sa set sa magandang paraan, iba ‘yon.

“'Pag may nagustuhan ‘yang pagkain, kung ano ang kakainin niya, kakainin hanggang utility. Saan ka nakakita ng ganon?”

Dagdag pa niya, “I have the highest respect for him as a friend.

“And because of that, regardless of what people say about him and prejudging, I know him as a friend.

“Plano ko siyang bisitahin, wala akong pakialam kung ano ang sabihin ng mga tao.”

NEW MOVIE. Samantala, excited naman si Direk Joey sa kanyang upcoming film na Somebody To Love.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tampok dito sina Iza Calzado, Carla Abellana, Matteo Guidicelli, Isabel Daza, Jason Abalos, Maricar Reyes, Ella Cruz, Kiray Celis, Albie Casiño, David Chua, Beauty Gonzales, Natalie Hart, Manuel Chua, at Jaclyn Jose.

Ayon kay Direk Joey, na siya ring sumulat ng script, istorya ito ng siyam na tao na hindi magkakakilala pero nagtatagni-tagni ang kanilang mga buhay at nangyari lamang sa loob ng isang linggo.

“Nine major characters na ang nag-i-intersect dahil sa mga buhay nila.

“Ano ang pagkakaibang nangyayari sa buhay ng isang tao sa span ng isang linggo dahil sa relationships mo?

"With one week, so many things can happen.”

Sinikap daw ng direktor na baguhin ang kanyang atake sa pagdidirek ng nasabing pelikula.

“Iba ito because I’m using a lot of split screens.

"Yung talagang I wanted to divert dun sa template na ginagamit ng romantic comedies.

"Gusto kong gumamit ng split screens na pinaglaruan ko talaga."

Matrabaho raw ang proyekto pero tinanggap niya ang hamon.

“It’s a risk. Gamble siya kung magugustuhan ng manonood ang ganitong istilo, pero gusto ko yung bago.

“'Tsaka yung language ko is very brave.

"Hindi language ng tweetums or language ito ng mga taong sa edad na ‘yan, nagmumura… lahat sila.”

Nasiyahan daw siya na sa kabila ng matapang na dialogues, hindi nag-atubili ang mga artista na sundin ang script.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN