Mayor Junjun Binay on alleged overpriced Makati parking building: "There’s really no controversy over that."

“Yung sinasabi nila dun sa parking building na ‘yan, hindi naman talaga problema ‘yan dahil kayang-kaya namin sagutin ‘yan at nakikita namin na mali ang alegasyon na ipinaratang sa lungsod ng Makati," says Mayor Junjun Binay in an interview with PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).


Nanindigan si Makati Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr. na walang katotohanan ang akusasyong plunder laban sa kanya at sa ama niyang si Vice President Jejomar Binay.

“There’s really no controversy over that,” giit ni Mayor Junjun.

Kaugnay ito ng diumano’y overpricing ng mag-ama at iba pang sangkot na opisyales ng Makati City sa pagpapatayo ng New Makati City Parking Building, na matatagpuan sa kahabaan ng F. Zobel Street sa Poblacion, Makati City.

May kabuuang floor area na 31,928 square meters ang naturang 11-storey building, na sinimulang itayo noong 2007 at natapos noong 2013.

Mayroon itong roof deck at anim na palapag na parking space.

Sabi pa ni Mayor Binay, “Yung sinasabi nila dun sa parking building na ‘yan, hindi naman talaga problema ‘yan dahil kayang-kaya namin sagutin ‘yan.

"At nakikita namin na mali ang alegasyon na ipinaratang sa lungsod ng Makati."

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Mayor Binay pagkatapos ng State of The Nation Address (SONA) ni President Benigno "Noynoy" Aquino III sa Batasang Pambansa Complex, Quezon City, noong July 28.

ALLEGED BILLION-PESO MARK-UP. Sinampahan ng kasong plunder ang mag-ama ng abugadong si Renato Bondal at ni Ching Enciso sa Office of The Ombudsman noong July 22.

Si Atty. Bondal ay ang dating katunggali ni Mayor Junjun bilang kandidato sa pagka-alkalde noong 2013 elections, habang si Enciso naman ay lead convenor ng Save Makati Movement.

Ayon sa nine-page affidavit na isinumite ng complainants—na naiulat sa GMA News Online noong July 22—umabot ng P1.56 billion ang binayarang halaga para sa itinayong parking building, gayong nakatala sa National Statistics Office (NSO) na P245 million lang dapat ang halaga ng naturang construction project.

Base pa rin sa isinumiteng affidavit ng complainants, malinaw diumano na nagkaroon ng “enormous overprice of more than P1.314 billion.”

Patunay raw ito na nilabag ng mga sangkot na opisyales ang construction manuals at government procedures nang pondohan ang parking building project sa pamamagitan ng iba’t ibang loans mula sa ipinasang supplemental budget nina Vice President Binay, Mayor Binay, at iba pang sangkot na councilors.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Noong 2007 ay alkalde ng Makati City si Jejomar at konsehal naman si Junjun.

Sa kabila nito, hindi natinag ang mag-amang Binay dahil wala umanong basehan ang kasong plunder na isinampa laban sa kanila.

Ayon pa sa isang press statement ni Mayor Junjun, wala umanong isinumite ang complainants na “comparison of similar items” upang mapatunayan ang diumano’y “overpricing” kaugnay ng itinayong 11-storey parking building.

POLITICAL DETRACTORS? Naniniwala si Mayor Junjun na may halong pamumulitika ang paghain ng reklamong plunder laban sa kanila ng kanyang ama.

Nangunguna si Vice President Binay bilang presidential candidate sa 2016 elections, ayon sa Pulse Asia survey na isinagawa sa may 1,200 respondents, mula June 24 hanggang July 2.

“The filing comes just after the results of a Pulse Asia survey showed my father as the leading choice for President, with 41 percent. Clearly our opponents have become desperate to put my father down,” sabi ni Mayor Junjun.

Kinuwestiyon din ni Mayor Junjun kung bakit hindi kasama sa reklamong plunder ang mga diumano’y kaalyadong konsehal na kasamang nag-apruba ng budget para sa itinayong parking building noong 2007 hanggang 2013.

Ang iba pang nahaharap sa kasong plunder ay ang mga sumusunod: Ferdinand T. Eusebio, Arnold C. Magpantay, Romeo C. Medina, Tosca Puno-Ramos, Maria Alethea Casal-Uy, Ma. Concepcion Yabut, Virgilio Hilario, Monsour del Rosario, Vince Sese, Nelson S. Pasia, Salvador Pangilinan, Elias Tolentino, Ruth Tolentino, Henry A. Jacome, Leo Magpantay, Nemesio "King" Yabut, Armand Padilla, Israel Cruzado, Ma. Theresa De Lara, Angelito Gatchalian, Ernesto Aspillaga, at Commission on Audit auditor to Makati City Cecilia Cag-Anan.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN